ni Lolet Abania | June 20, 2022
Dalawa ang nasaktan habang 150 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa Parañaque City, bago mag-madaling-araw ngayong Lunes. Nasa tinatayang 80 bahay ang natupok sa Valley 6 sa Barangay San Isidro.
Nagsimula ang sunog bandang ala-1:00 ng hatinggabi na umabot sa ikaapat na alarma. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nahirapan silang pasukin ang lugar dahil sa makitid na kalsada, may konstruksyon sa oras na iyon, habang malayo ang lokasyon ng fire hydrant.
Batay pa sa BFP, ang mga kabahayan ay makakadikit at gawa rin sa mga light materials. Nagtulung-tulong naman ang mga residente para apulahin ang sunog, kung saan kumuha sila ng tubig mula sa isang drainage system na kasalukuyang isinasagawa.
Nagsimula ang sunog habang karamihan sa mga residente ay natutulog na. Ilan sa kanila ang hindi na rin nasagip ang kanilang mga kagamitan. Apektado rin ng sunog ang isang bakery na pag-aari ng isa sa mga residente.
Ayon pa sa BFP, tinatayang aabot sa P600,000 ang mga ari-ariang napinsala. Alas-2:22 ng madaling-araw idineklarang ng BFP na under control na ang sunog, habang fire out naman pasado alas-4:00 ng madaling-araw.
Pansamantalang nanuluyan ang mga apektadong residente sa isang covered court ng barangay. Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.
Komentar