ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 15, 2023
Kamakailan lamang ay tinalakay sa kolum na ito ang kahalagahan ng tiyak na pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima kaugnay sa pagbababa ng hatol na conviction ng hukuman. Ngayon, atin namang talakayin ang kahalagahan ng tiyak na pagtukoy sa pagkakakilanlan ng salarin upang siya ay lubos na mapanagot sa ilalim ng ating batas.
Sa kabilang banda, kapag may pagdududa, kahit na ang pinaniniwalaang salarin ay nakulong na, siya pa rin ay kailangang mapawalang-sala upang higit na mabigyang-linaw ito, tunghayan natin ang kuwento na tampok ngayon sa ating artikulo. Batay ito sa hawak naming kaso, ang People of the Philippines vs. Rolando Aranton y Lioja (CA G.R. CR-HC No. 10658, November 20, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Pablito A. Perez [9th Division]).
Si Jeriz ay walang-awang pinaslang noong Pebrero 21, 2008 sa isang barrio sa Santa Cruz, Laguna. Ang napagbintangan sa kanyang pagkamatay ay sina Rolando at John Doe.
Si Gerardo, ama ng biktima, ay tumayong testigo para sa prosekusyon. Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay, pauwi sila ni Jeriz noong gabi ng insidente sakay ng motorsiklo.
Nang makarating sa kanilang bahay ala-6:45 ng gabi, napansin diumano niyang mayroong nakaparadang motorsiklo malapit sa kanilang bahay. Mayroong dalawang lalaki na nakaupo rito at naninigarilyo. Ilang saglit lang ay nakarinig agad siya ng tatlong putok ng baril, sumunod dito ang pananangis ng kanyang anak na may tama na diumano ng bala.
Bagaman madilim at wala diumanong ilaw sa lugar ng pinangyarihan ng insidente, nakita diumano ni Gerardo ang bumaril kay Jeriz bunsod ng ilaw na mula sa mga dumaang trak sa kabilang bahagi ng kalsada. Ang naturang bumaril ay mabilis na tumakas. Nadala pa si Jeriz sa ospital subalit sa kasamaang palad, siya ay idineklarang dead-on-arrival.
Nabanggit diumano ni Gerardo sa kakilala niyang si Sgt. Lopez ang sinapit ng kanyang anak, pati na ang paglalarawan sa bumaril. Makalipas ang may walong buwan, inimbitahan diumano siya ni Sgt. Lopez sa istasyon ng pulis dahil mayroong nahuli na kawangis ng kanyang nailarawan na bumaril sa kanyang anak. Sa istasyon ng pulis, kinilala diumano ni Gerardo si Rolando na siyang bumaril sa kanyang anak. Makalipas ang tatlong araw, sa isang police line-up, kinilala muli ni Gerardo si Rolando bilang pumaslang sa kanyang anak.
Batay sa awtopsiya ni Dr. Camarillo, Medico Legal Officer ng Philippine National Police Crime Laboratory, ang bangkay ng biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala, dalawa rito ay tumama sa kanang bahagi ng kanyang dibdib at ang isa ay tumama sa likod na bahagi ng kanyang kanang kamay.
Sa paglilitis ng kasong murder, tanging si Rolando lamang ang tumayong testigo para sa panig ng depensa. Sa kanyang testimonya, iginiit niyang siya ay nasa Tiaong, Quezon, mula noong Enero 2008 hanggang Agosto 2008. Kung kaya, hindi umano maaaring mangyari na siya ang bumaril sa biktima sa Santa Cruz, Laguna. Naaresto diumano siya para sa ibang krimen at habang naka-detain, itinuro diumano siya ni Gerardo, kasama ang asawa nito, bilang bumaril sa kanilang anak.
Isinaad din ni Rolando na dinala siya ng isang nagngangalang Councilor Tan sa opisina ni Police Officer Lopez na kung saan siya ay binugbog at pilit pinaamin sa pagpatay kay Jeriz, na kalauna’y lumabas na ang biktima pala ay pamangkin diumano ni Councilor Tan. Sinubukan ng pamilya ni Rolando na mapasailalim siya sa medical examination, ngunit hindi diumano sila pinayagan.
Matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang Regional Trial Court (RTC) at hinatulan ng conviction si Rolando para sa krimen na murder. Ayon sa RTC, napatunayan diumano ang lahat ng elemento ng murder at nakilala diumano mismo ng ama ng biktima na si Rolando ang may kagagawan ng pamamaril.
Sa kanyang pagnanais na magsumamo sa kawalan ng kasalanan, iniangat ni Rolando sa Court of Appeals (CA) ang pagkuwestyon sa Desisyon ng RTC. Iginiit niyang mali ang ibinabang hatol sa kanya sapagkat hindi diumano napatunayan na mayroong treachery sa ginawang pagpatay sa biktima. Mali rin, aniya, na hindi man lang binigyang-pansin ang kanyang depensa, at hindi rin umano kapani-paniwala ang testimonya ng ama ng biktima.
Sa pagbaba ng desisyon ng CA, kanilang ipinaalala ang kahalagahan ng pagpapatunay sa mga sumusunod na elemento upang mahatulan ng murder ang akusado: Una, mayroong taong napaslang; Ikalawa, ang akusado ang pumaslang; Ikatlo, ang ginawang pagpaslang ay mayroong isa sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code, at ikaapat, ang pagpaslang ay hindi nakapaloob sa krimen na parricide o infanticide.
Sa masusing pag-aaral ng CA sa apela ni Rolando, nakita nila ang kanyang pagsumamo.
Ayon sa CA, mayroong makatuwirang pag-aalinlangan na ang akusado ang bumaril sa biktima, sapagkat sa testimonya mismo ng pangunahing witness ng prosekusyon na si Gerardo, inamin nitong madilim at walang ilaw sa lugar ng pinangyarihan ng insidente maliban sa ilaw na nagmula sa mga dumaang trak sa kabilang direksyon. Para sa appellate court, kwestyunable kung nakita at nakilala nga ba ni Gerardo ang tunay na salarin gayung pasulput-sulpot at nakakabulag na ilaw ng mga trak lamang ang mayroon noong panahong iyon. Dahil dito, hindi mapanghahawakan ng CA ang alegasyon ni Gerardo laban kay Rolando.
Nakadagdag pa sa pagdududa ng CA ang ginawang out-of-court identification ni Gerardo.
Napuna ng CA na bagaman naibahagi ni Gerardo kay Sgt. Lopez ang paglalarawan ng bumaril, hindi umano malinaw kung mayroon bang ginawa ang mga nag-iimbestiga na cartographic sketch o official mock-up ng bumaril. Nabanggit lamang umano ni Sgt. Lopez ang tungkol sa isang “sketch” ng bumaril, subalit maging ang naturang “sketch” ay hindi inihayag bilang ebidensya ng prosekusyon sa hukuman. Para rin sa appellate court, ang ikinilos at pamamaraan na ginawa ni Sgt. Lopez, bagaman hindi siya ang lead investigator sa pagpatay kay Jeriz, ay tila nagbigay ng suhestiyon kay Gerardo na piliin at idawit si Rolando sa krimen.
Hindi kinakaila ng hukuman na sadyang mahinang depensa ang denial o alibi.
Gayunman, hindi pa rin umano dapat isantabi ang karapatan ng akusado sa presumption of innocence kung hindi napatunayan ng ebidensya ng prosekusyon ang pagkakasala ng naturang akusado beyond reasonable doubt. Sa kasong ito, kulang para sa CA ang isinumite na ebidensya ng prosekusyon upang masabing walang pag-aalinlangan na si Rolando ang salarin sa pagpaslang kay Jeriz.
Kung kaya’t binaliktad nito ang naunang desisyon ng RTC at pinawalang-sala si Rolando.
Bagaman ang bawat isa sa atin ay umaasa na mapagbayad ang sinumang gumawa ng krimen, tulad na lamang ng sinapit ni Jeriz, ipinapaalala sa atin ng Court of Appeals na ang pangunahing tungkulin ng hukuman ay ang timbangin ang bawat ebidensya ng magkabilang panig at magpasya nang naaayon sa hinihinging bigat ng ebidensya sa ating batas. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong timbangan ng katarungan.
Simbolo ito na ang bawat inihahayag na ebidensya ay sinusuring mabuti, upang mapatunayan nang walang pagdududa ang pagkakasala ng sinumang nasasakdal. Para sa mga kasong kriminal, proof beyond reasonable doubt ang kinakailangan. Sapagkat hindi ito naitaguyod ng prosekusyon, pagpapalaya sa akusado ang mas nararapat.
Sana ay magkaroon pa rin ng linaw ang sinapit ng biktimang si Jeriz upang ang malagim na kabanatang ito ay mawakasan para magkaroon siya at ang kanyang mga naulila ng katahimikan.
Comments