ni Eli San Miguel @News | May 31, 2024
Hindi bababa sa 15 katao ang namatay noong Huwebes, dahil sa posibleng heatstroke sa Bihar at Odisha sa India, sa gitna ng heatwave na inaasahang magpapatuloy hanggang Sabado.
Nararanasan ang matinding tag-init sa India ngayon, kung saan umabot ang Delhi sa record na 52.9 degrees Celsius (127.22°F) ngayong linggo.
Iniulat ng mga otoridad na 10 ang namatay sa isang pampublikong ospital sa rehiyon ng Rourkela sa Odisha noong Huwebes, habang limang pagkamatay naman ang naitala sa lungsod ng Aurangabad sa Bihar dahil sa "sunstroke."
Inaasahan naman ng India Meteorological Department (IMD) na magpapatuloy ang kasalukuyang heatwave sa silangang India ng dalawang araw pa. Inilalarawan ng IMD ang isang heatwave kapag umabot ang temperatura sa 4.5°C hanggang 6.4°C na mas mataas kaysa karaniwan.