ni Jeff Tumbado @News | September 1, 2023
Malagim na trahedya ang gumulantang sa agahan ng mga residente ng Bgy. Tandang Sora sa Quezon City dahil sa sumiklab na sunog sa isang residential area na siyang ikinasawi ng nasa 15 indibidwal kahapon.
Ayon sa ulat ng Quezon City-Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-5:30 ng madaling-araw ng Huwebes, Agosto 31, sa inuupahang 2-storey apartment building sa Pleasant View Subdivision.
Matapos maapula ang sunog sa apektadong gusali pasado alas-8 ng umaga ay dito tumambad sa mga awtoridad ang kalunus-lunos na hitsura ng mga biktima kung saan magkakatabi sila at sunog na sunog ang mga katawan.
Nabatid kay BFP-National Capital Region Director Fire Chief Superintend Nahum Taroza, bukod sa mga nasawi ay may tatlong iba pa ang nakaligtas sa pagkaka-trap sa nasusunog na gusali na ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.
Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil ang unang palapag ng bahay ay pagawaan at printing ng mga damit.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon City Police District (QCPD) para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang inaalam din kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Nangyari ang insidente sa kalagitnaan ng walang patid na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng pinagsamang habagat at Bagyong Hanna.
Kommentare