ni Eli San Miguel (JT) @News | October 11, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_31af365fcee341e79b0d6a191a5ccaac~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/bd1fd9_31af365fcee341e79b0d6a191a5ccaac~mv2.jpg)
Arestado ang isang 15-anyos na binatilyo dahil sa pagpapaputok ng baril matapos makaalitan ang kanyang kainuman sa Quezon City.
Arestado rin ang senior citizen na nagpahiram ng baril sa menor-de-edad.
Nagulantang ang mga residente sa Barangay Nagkaisang Nayon dahil sa biglaang pagpapaputok ng baril paglabas niya ng kalsada.
Mabilis namang rumesponde ang kapulisan sa QCPD Station 4 at dinakip ang binatilyo, habang nabawi sa kanya ang ginamit na baril.
Ayon sa pulisya, alitan umano tungkol sa motor ang pinagmulan ng away sa pagitan ng binatilyo at kanyang kainuman.
Umabot ito kalaunan sa suntukan at sakitan kung saan nabugbog ang suspek.
Natagpuan ang may-ari ng baril sa follow-up operation ng pulisya kung saan umamin ito na siya ang nagpahiram ng baril sa menor-de-edad.
“Sa awa ko kasi sa bata dahil baka kako ako saksakin, kasi may mga panaksak ‘yung mga bata, para lang kako ma-disperse, naisip ko mag-warning shot ka lang,” ani senior citizen.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kasong attempted homicide at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.
Naibigay na ng pulisya ang kustodiya ng binatilyo sa Social Services Development Department.
Comments