ni Mary Gutierrez Almirañez | May 1, 2021
Lumapag na sa NAIA Terminal 3 pasado 3:51 nang hapon ngayong Sabado ang eroplano ng Qatar Airways na may dala sa initial na 15,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia.
Nakatakda sana itong dumating nu’ng ika-28 ng Abril subalit nagkaroon ng delay dahil sa logistic concerns.
Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nangangailangan ang Sputnik V ng cold storage facility na negative 18 degree Celsius ang temperatura, kaya may posibilidad na hindi lahat ng local government units (LGU) ay mabibigyan nito.
Sa ngayon ay 4,040,600 doses ng COVID-19 vaccines na ang nakarating sa bansa, kabilang ang 3.5 million doses ng Sinovac, 525,600 doses ng AstraZeneca at ang 15,000 doses ng Sputnik V.
Batay naman sa huling tala, tinatayang 1,809,801 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 246,986 ang mga nakakumpleto sa dalawang doses at 1,562,815 naman para sa unang dose.
Kommentare