top of page
Search
BULGAR

146 frontliners ng Phil. Orthopedic Center at 20 frontliners sa Antipolo, nagka-Covid

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 6, 2021




Nagpositibo sa COVID-19 ang 146 na doktor, nurse at empleyado ng Philippine Orthopedic Center, ayon sa officer in-charge na si Dr. John Andrew Michael Pengson ngayong umaga, Abril 6.


Batay sa tala ng ospital, tinatayang 39 ang doktor na nagpositibo, habang 36 naman ang mga nurses, at 71 ang mga non-medical o non-nursing employees.


Ayon pa kay Dr. Pengson, karamihan sa mga nagpositibo ay mga asymptomatic o may mild symptoms ng COVID-19 kaya pansamantala nilang isinara ang Outpatient Department ng ospital, ngunit nananatili namang bukas ang kanilang emergency room.


Kaugnay nito, mahigit 20 medical frontliners din ang nagpositibo sa Rizal Provincial Hospital System Annex 2 sa Barangay Dalig, Antipolo City kaya isang linggong isasarado ang pasilidad ng COVID Emergency room at Non-COVID Emergency room ng nasabing ospital upang isagawa ang disinfection at mapaigting ang contact tracing sa naging close contact ng mga nagpositibo.


Nakuha umano ng mga nagpositibong frontliners ang virus mula sa ilang pasyente na hindi nagsasabi ng tunay nilang health conditions sa kadahilanang natatakot sila at iniisip na pangkaraniwang ubo, sipon at lagnat lamang ang kanilang nararamdaman.


Sa ngayon ay nag-abiso na ang lokal na pamahalaan sa mga pasyente na pumunta muna sa ibang ospital tulad ng Rizal Provincial Hospital System Annex 1, Annex 3 at Annex 4. Nananawagan din sila sa mga pasyente upang ideklara ang tamang health condition para hindi na kumalat ang virus.


Base sa huling tala ng Antipolo, umabot na sa 577 ang aktibong kaso ng COVID-19, kung saan 69 ang nagpositibo nitong Lunes. Sa kabuuang bilang ay 5,912 na ang naitala simula noong nakaraang taon, habang 5,198 ang gumaling at 137 ang pumanaw.



Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page