top of page
Search
BULGAR

14-anyos, paulit-ulit na nilagnat, nagsuka ng dugo bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 7, 2023



Sadyang napakahirap para sa isang ina ang mawalan ng anak dahil lamang sa kawalan ng pag-iingat ng ibang tao na sana ay nangangalaga sa kalusugan ng mamamayan, dahil dito ay may isang pangarap na natuldukan, ito ang pangarap ni Angela Andres Cera na maging isang ganap na guro.


Sa salaysay ni Gng. Dulce Amor Cera, “Napakasakit para sa akin ang pagkawala ng aking anak na si Angela sapagkat napakabata pa niya. Marami pa siyang pangarap sa buhay. Kaya lang ay hindi na niya ito maipagpapatuloy pa dahil siya ay pumanaw na.”


Si Angela Andres Cera, 14, namatay noong Abril 1, 2021. Siya ang ika-163 na mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects anaphylactic allergic reaction (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risk in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang ina. Siya ay isang beses na naturukan ng Dengvaxia noong October 30, 2017 sa Health Center ng Talon 4, Las Piñas City.


Ayon kay Gng. Dulce, isa umanong malakas at malusog na bata si Angela. Nagsimula lamang ang hindi magandang kalusugan nito nang siya ay maturukan ng Dengvaxia vaccine. Kahit minsan ay ‘di pa siya na-ospital, at hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue. Isang linggo matapos ang pagbabakuna ng Dengvaxia, si Angela ay nakaranas ng pabalik-balik na lagnat, pagsusuka, at pagsakit ng tiyan. Dahil dito ay dinala si Angela ng kanyang ina sa Health Center ng Talon 4, Las Piñas City at binigyan nila siya ng mga gamot na pinainom sa kanya. Kinalaunan ay bumuti naman ang naging pakiramdam ni Angela.


  • Taong 2018 - Madalas nang lumiban sa eskuwelahan si Angela sapagkat siya ay nilalagnat, nagsusuka at masakit ang tiyan. Subalit sadyang malihim siya sa kanyang ina, dahil sa kanyang mga kaibigan lang siya nagsasabi ng kanyang pinagdadaanan. Nalaman lamang ng kanyang ina ang tungkol dito noong siya ay pumanaw na. Ito ay nagdulot lalo ng kalungkutan kay Gng. Dulce Amor dahil wala umano siyang nagawang paraan para sa kanyang anak.

  • Taong 2019 - Madalas siyang nakakaramdam ng pananakit ng kanyang ulo at sa tuwing umaatake ito ay umiinom siya ng biogesic at natutulog lamang siya.

  • Taong 2020 - Simula nang nagkaroon ng lockdown dahil sa pandemya, nagpunta siya sa tiyahin ng kanyang ina sa Cavite at doon siya pansamantalang nanirahan. Umuwi lamang siya sa kanilang bahay noong Pasko ng 2020 hanggang sa Bagong Taon ng 2021. Matapos ang Bagong Taon, bumalik muli siya sa kanyang lola sa Cavite.

  • Marso 15, 2021 - Sinundo ni Gng. Dulce Amor si Angela sa bahay ng kanyang lola sa Cavite sapagkat masama raw ang pakiramdam nito. Nahihirapan diumano siyang huminga, sumasakit ang dibdib at nagsuka ng plema na may kasamang dugo.

  • Marso 16, 2021 - Kinabukasan ay dinala siya sa Health Center ng Talon 4, Las Piñas City at binigyan siya ng Lagundi para sa kanyang ubo, at vitamins. Binigyan siya ng referral para siya ay isailalim sa x-ray. Ayon sa resulta ng x-ray niya ay mayroon diumanong plema sa kanyang baga. Matapos ang x-ray ni Angela ay inihatid siyang muli sa Cavite.

Dinala muli si Angela sa isang Medical Clinic upang ipa-check up. Sa nasabing clinic ay isinailalim siya sa laboratory tests at nalaman na mababa diumano ang kanyang Hemoglobin. Niresetahan siya ng antibiotics na Cefixime at vitamins na Appetason. Binigyan din ang pamilya ni Angela ng instructions na kinakailangang masalinan ito ng dugo.


Napainom si Angela ng antibiotics ng ika-31 ng Marso 2021 subalit kinabukasan ng gisingin siya para painumin ng gamot at pakainin ay ayaw na niyang uminom ng gamot at ayaw na rin niyang kumain. Kaya nag-alala ang kanyang lola at nagdesisyon silang iuwi sa kanilang bahay sa Las Piñas gamit ang sasakyan ng kanilang Barangay pagdating nila sa kanilang bahay ng mga bandang 10:00 ng umaga, dumadaing siya na sobrang sakit ng kanyang ulo. Maya-maya ay natulog na siya at hindi na kumain.


Bandang pananghalian ay sinubukan siyang gisingin para pakainin. Dumilat lamang siya at sinabi niyang hindi niya kayang kumain. Sinubukan rin siyang painumin ng tubig pero ayaw din nito kaya naglagay si Gng. Dulce Amor ng tubig sa bulak para idampi sa kanyang mga labi. Nag-alala ang kanyang ina nang labis dahil sa hindi kumakain si Angela.

Binantayan ni Gng. Dulce si Angela, ngunit habang ito ay natutulog may lumabas na dugo kanyang kaliwang bahagi ng bibig. Agad na pinunasan ng ina ang dugo pero patuloy pa rin na may lumalabas hanggang sa tuluyan nang mawalan ng buhay si Angela. Sinubukan siyang i-revive ng kanilang kapitbahay ngunit walang nangyari. Tumawag din sila sa Barangay ngunit wala na raw pulso si Angela nang dumating ang mga sumaklolong taga-Barangay.


Naging palaisipan sa mga kaanak ni Angela ang pagkakaroon niya ng karamdaman na tuluyang naggupo sa kanyang murang katawan kaya naman sila ay humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Angela. Gustong mabigyan ni Gng. Dulce Amor ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang anak dahil natatakot pa rin siya araw-araw sa mangyayari sa kanyang isa pang anak na si Ramon A. Cera na kasamang nabakunahan ng Dengvaxia. Ang takot para sa ikalawa pa niyang anak na si Ramon ang nagpapatibay sa kalooban ni Gng. Dulce Amor upang lumaban sa mga naglalakihang pharma companies at sa mga matataas na mga personalidad na may kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia at makamit ang minimithing hustisya. Kasama ang PAO at ang PAO Forensic Laboratory Division na hiningan nila ng tulong sa labang ito. Nakahanda ang aming Tanggapan at ang inyong Lingkod upang ipagpatuloy ang nasimulang laban lalo pa nga at unti-unti ay nagkakaroon na ng kaliwanagan para maituloy na ang paglilitis sa mga kasong may kinalaman sa Dengvaxia na nakasampa na sa ating mga Hukuman.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page