top of page
Search
BULGAR

14-anyos, pabalik-balik sa ospital, nagka-Acne Vulgaris, nagka-Leukemia, bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 30, 2023




Tukoy ng mag-asawang G. Sonny at Gng. Glenda Mendoza ng Mariveles, Bataan ang mga partikular na kakayanan at talento ng kanilang anak na si Sam Gavriel Mendoza. Direkta rin nilang nasabi ang pinaniniwalaan nilang naging sanhi ng mga hindi magandang pangyayari sa kanilang anak na tumapos sa naghihintay sanang magandang bukas sa kanya:

“Malakas at malusog na bata si Sam Gavriel, siya ay swimmer sa kanilang eskuwelahan at kasali siya palagi sa patimpalak ng swimming competition. Mahilig sa sports ang aming anak at kahit minsan ay hindi siya nadała sa ospital. Nagsimula lamang ang hindi magandang kalusugan niya nang siya ay maturukan ng Dengvaxia vaccine.”

Si Sam Gavriel, 14, namatay noong Disyembre 20, 2020, at ika-161 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Siya ay naturukan ng Dengvaxia ng tatlong beses: Una noong Abril 1, 2016; pangalawa noong Nobyembre 11, 2016 at pangatlo noong Mayo 16, 2017 sa kanilang eskuwelahan.

Matapos siya maturukan ng Dengvaxia naging maayos naman ang kalagayan ni Sam Gavriel, subalit noong bandang Nobyembre 2019 ay napansin ng kanyang mga magulang na naging maselan ang kanyang pang-amoy. Samantala, noong Disyembre 2019 naman ay napansin din nila na namumutla na mga kamay ni Sam Gavriel.

Pagdating ng taong 2020. Narito ang mga naging karamdaman at pinagdaanang hirap ni Sam Gavriel na may kaugnayan sa kanyang pagkakasakit hanggang sa siya ay pumanaw noong Disyembre 20, 2020.

  • Bandang Enero 2020 - Nagkaroon ng maliit na acne vulgaris sa kanyang mukha. Buong pag-aakala ng kanyang mga magulang ay senyales lang ito ng kanyang pagbibinata. Dinala si Sam Gavriel sa isang dermatologist sa Bataan. Doon ay binigyan siya ng gamot. Nawala naman iyon subalit makalipas lamang ng 10 araw ay bumalik muli ito sa kanyang mukha, dahil dito ay nagpasya ang dermatologist na ipasuri ang dugo niya. Tatlong klase ang test na isinagawa sa kanya. Ang mga ito ay CBC Platelet, ESR at ASO Titer. Hindi makapaniwala ang doktor sa naging resulta na matataas sa normal values, kaya naman ay pinayuhan ng doktor ang kanyang mga magulang na magpatingin muli si Sam Gavriel para sa second opinion.

Dinala siya sa isang ospital sa Olongapo, at gano’n pa rin matataas sa normal values ang resulta ng laboratory tests niya. Iyong iba naman ay mabababa sa normal values. Ayon sa resulta ng laboratory tests niya ay mayroon umano siyang Leukemia. Nang kinausap ng doktor ang kanyang mga magulang upang ipaliwanag ang resulta ng eksaminasyon kay Sam Gavriel, ay ini-refer sila sa isang ospital sa Quezon City, dahil mayroon diumano ro’n facilities at espesyalistang doktor para sa kanyang karamdaman.

  • Noong Pebrero 2020 - Dinala si Sam Gavriel sa nasabing ospital sa Quezon City. Na-admit siya at isinailalim sa iba't ibang uri ng eksaminasyon. Sa mga sumunod na mga araw ay sumailalim siya sa masalimuot na gamutan, at inakala ng kanyang mga magulang na bumubuti na ang kanyang kalagayan. Bumuti nga ang kanyang kalagayan dahil nagkaroon siya ng remission, ngunit bumalik ang impeksiyon niya sa sugat na mabilis kumalat sa kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.

Mapait ang tinuran ng kanyang mga magulang sa kanilang Salaysay. Narito ang nabanggit na bahagi sa kanilang Salaysay:

Napakalungkot ang mawalan ng anak na inalagaan mula sa kanyang pagsilang at dahil lamang sa bakuna na ibinigay sa kanya ay nag-iba na ang naging kalusugan niya. Kung titingnan namin ang kanyang kalagayan habang siya ay sumasailalim sa Chemotherapy ay awang-awa kami, kahit hindi niya ipinapakita sa amin ang kanyang pinagdadaanan.”

  • Setyembre 2020 - Napadalas din ang pagsasalin ng dugo sa kanya.

  • Disyembre 20, 2020 - Patuloy ang hirap na pinagdaanan niya. Dinala siyang muli sa nasabing ospital sa Quezon City, dahil nilalagnat na naman siya at nagkaroon ng impeksyon ang kanyang operasyon.

Ayon sa kanyang mga magulang: “Maraming hirap ang kanyang pinagdaanan hanggang sa bumigay ang kanyang murang katawan sa karamdaman na idinulot ng nakamamatay na Dengvaxia vaccine.


Dagdag pa nila: “Malaki rin ang paniniwala namin na dahil sa Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagkamatay [niya] dahil ang kanyang mga nararamdaman ay parehas ng mga naramdaman ng mga batang katulad niyang nabakunahan at namatay din.


Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito sa aming anak at ng iba pang mga bata. Kung hindi siya nabakunahan, malamang ay nabubuhay pa siya ngayon at maipagpapatuloy pa namin ang mga pangarap [niya].”

Sa pagpanaw ni Sam Gavriel muling may nasayang na buhay, muling may mga pangarap na hindi nabigyan ng pagkakataon na matupad, at talinong hindi ganap na napaunlad at naihandog sa pamilya at sa bayan. Ang matinding kawalan na ito, at ang kanilang personal na pagdadalamhati ay hindi tinapos ng Pamilya Mendoza sa lungkot at pait, kundi sa paglaban at paghahanap ng katarungan para sa yumao at pinakamamahal nilang si Sam Gavriel. Kasama nila ang PAO at PAO Forensic Team sa laban na ito.


Pamilyar na sa amin ang kuwentong ito. Maaaring iba ang mga tauhan ngunit magkakawangis ang trahedyang pinagdaanan ng mga biktima at ang mga pamilyang naiwan nila. Ang ganitong sitwasyon ay hindi nakamamanhid ng damdamin, kundi lalong nakapagpapaalab ng paninindigan at pagpupunyagi na makamit ang katarungan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page