top of page
Search
BULGAR

14-anyos, pabalik-balik ang ubo, lumuwa ang mga mata at nagka-Pneumonia bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 1, 2022


Ang kahalagahan ng isang pirasong papel na personal na nilagdaan ay hindi mapasusubalian. Ito ay isang mensahe na paulit-ulit na naaalala sa Dengvaxia cases na hinahawakan ng aming tanggapan. Sina G. Amorando at Gng. Concepcion Picones ng Binangonan, Rizal ay kabilang sa mga magulang ng mga biktima na may mapait na alaala sa pagkakaturok ng nasabing bakuna sa kanilang anak na si Sandara Picones.


Ani G. at Gng. Picones, “Kami ay inabutan lamang ng aming anak ng papel upang magbigay-pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata, pinirmahan namin ito.”


Ang kanilang pahintulot ay nag-ugat sa kanilang tiwala sa mga awtoridad na pinaniniwalaang may kasanayan sa medisina at pampublikong kalusugan, ganundin ay may mabuting hangarin sa nabanggit na pagbabakuna. Ngunit sa kasamaang-palad, ang ipinagkaloob nilang tiwala ay nasira at maraming buhay ang nawala.


Si Sandara, 14, namatay noong Pebrero 1, 2019, ang ika-116 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Sandara ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 21, 2016, pangalawa noong Oktubre 4, 2016, at pangatlo noong Hunyo 13, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon pa sa mga magulang ni Sandara, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa nila, “Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya mabakunahan.”


Pagdating ng Marso 2018, nagsimula ang kalbaryo ng pamilya Picones dahil sa trahedyang nangyari kay Sandara na nauwi sa kanyang pagkamatay noong Pebrero 1, 2019. Narito ang ilang mga detalye:

  • Marso - Nagkalagnat at sumakit ang tiyan at ulo ni Sandara. Inuubo at nagtatae rin siya at madalas siyang magkaroon ng kuliti. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa health center ng Binangonan, Rizal. Sinuri at niresetahan siya ng amoxicillin at ambroxol.

  • Abril - Muli siyang pinatingnan sa doktor. Bumuti ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan.

  • Agosto - Bumalik ang kanyang ubo. Nahihilo siya at masakit ang kanyang ulo. Dinala siya muli sa health center at parehas na klase ng gamot ang inireseta sa kanya. Pabalik-balik pa rin ang mga nararamdaman niyang sakit.

  • Nobyembre - Nag-umpisa siyang mawalan ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pagpayat. Lumuwa rin ang kanyang mata. Dahil hindi nawawala ang kanyang ubo, dinala siya sa isang ospital sa Binangonan, Rizal at isinailalim sa x-ray. Base sa resulta, mayroon siyang pneumonia. Matapos niyang inumin ang mga iniresetang antibiotics, bumuti naman ang kanyang kalagayan.

  • Disyembre - Nawawalan siya ng balanse at parang nasusubsob. Nagreklamo rin siya na naduduling. Madalas ding sumakit ang kanyang ulo at tiyan; madalas din ang kanyang pag-ubo.

  • Enero 2, 7, 10, 2019 - Muli siyang dinala sa nabanggit na ospital sa Binangonan, Rizal noong Enero 2 dahil sa pagluwa at pagduduling ng kanyang mga mata. Nadala siya sa isang ospital sa Maynila noong Enero 7, may ubo pa siya na may plema. Sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang i-CT scan. Na-discharge siya sa naturang ospital noong Enero 10.

  • Enero 21 - Nabasa ng isang ospital sa Pasig ang resulta ng CT scan na isinagawa sa kanya noong Enero 14. Ayon sa resulta, may bukol diumano siya na nangangailangang operahan agad. Hindi makapagpasya agad ang kanyang mga magulang kaya sa mungkahi ng doktor ay inuwi muna siya. Nag-umpisa siyang mahirapang maglakad.

  • Pebrero 1, alas-7:00 ng umaga - Nag-seizure siya, dinala siya sa nabanggit na ospital sa Binangonan, Rizal. Sinabihan sila ng doktor na wala silang sapat na pasilidad para matugunan ang kanyang kondisyon. Naninigas din ang katawan niya at bumubula ang kanyang bibig at kritikal na siya. Matapos ang ilang ulit na pag-seizure, tuluyan siyang binawian ng buhay, alas-11:00 ng umaga. Sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Cranial Herniation” (Immediate Cause); “Cranial Tumor” (Antecedent Cause).

Anang mag-asawang Picones, “Napakasakit ng pagpanaw ni Sandara. Siya ay masigla at malusog na bata, kaya nakapagtatakang bigla siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito.

“Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klaseng gamot ang naiturok sa kanya.”


Ang terminong “First, do no harm” ay bahagi ng ethical rules sa larangan ng medisina. Subalit, sa kaso ng mga Picones at tulad nilang mga magulang, hindi lamang ang nasawing mga anak ang nasaktan kundi pati silang mga naiwan. Patuloy silang nasasaktan ng mga kinauukulan na dapat ay kanilang nasasandalan.


Isinalaysay nina G. at Gng. Picones na, “Sa tuwing sinasabi na nabakunahan ng Dengvaxia ang aming anak ay hindi kami sinasagot at pinapansin ng mga doktor na pinagsasabihan namin.” Mahalagang impormasyon ito sa nabanggit na mga doktor upang bigyan ng ibayong pansin ang kalagayan ni Sandara. Ngunit ipinagwalang-bahala lamang nila ito. Ang ganitong asal ay walang lugar sa larangan ng paglilingkod-bayan o maging sa araw-araw na pamumuhay. Bilang kanilang mga manananggol, hindi namin ito pababayaang lumawig pa, ganundin ang kawalan ng katarungan na nangyari kay Sandara at sa tulad niyang mga biktima.

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page