sa Dengvaxia.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 08, 2021
Sa gitna ng matitinding pagsubok sa buhay, kailangan ng ating kapwa ang pagdamay. Ngunit may mga magulang na may anak na nagkaroon ng malulubhang karamdaman, na sa halip na tulong ang natanggap ay paninisi— halos ipagtabuyan pa sila ng kanilang hiningan ng tulong. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Julie Braga at Gng. Helen Casaljay ng Antipolo City, mga magulang ni Jocelyn Braga, nabakunahan ng Dengvaxia. Anang mag-asawa hinggil sa naging karanasan nila sa isang pampublikong ospital sa Manila:
“Nakiusap kaming tanggapin nila ang aming anak dahil hinang-hina na siya at sinabihan nila kaming late kami sa pagpunta dahil stage 4 cancer na raw. Hindi nila kami inasikaso at sinabihan pang kasalanan namin ang paglala ng sakit ng aming anak dahil mas sinunod namin ang kagustuhan niyang hindi siya dalhin sa ospital. Ipinaalam namin na si Jocelyn ay dalawang beses na naturukan ng Dengvaxia, kaya kami ay nakiusap na suriin nilang mabuti ang aming anak. Sinabihan kami ni Dr. Xxx (‘di pinangalang doktor) na walang kaugnayan ang Dengvaxia at panggulo lang kung babanggitin ko pa ulit ito bilang sanhi ng paglala ng sakit ng aming anak. Wala na raw silang magagawa sa bukol sa tiyan ni Jocelyn dahil malaki na ito, kaya ni-refer na lang kami sa isang pulmonologist.
Si Jocelyn ay 14-anyos nang namatay noong Hunyo 13, 2018 sa isang ospital sa Marikina City. Siya ang ika-62 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 29, 2016 sa isang eskuwelahan at nasundan ng pangalawang turok noong Enero 9, 2017 sa isang health facility. Narito ang pagkakaalala ng mag-asawa sa pagkakaturok kay Jocelyn:
“Nalaman lang namin na naturukan ng Dengvaxia ang aming anak noong siya ay naka-confine na. Nakita ng kanyang mga guro ang kanyang litrato na naka-post sa kanyang FB account habang siya ay naka-confine sa ospital at pinakuha nila sa aming anak na si Jerald ang kopya ng kanyang Immunization Record.”
Noong Agosto 2017, nagkaroon siya ng mga sintomas at lumala ang kanyang kondisyon. Narito ang ilan sa mga detalye:
Agosto 2017 - Sumakit ang tiyan ni Jocelyn. Pinainom siya ng nilagang dahon ng guyabano at nawala naman ang sakit ng tiyan niya. Naninilaw din ang kanyang balat.
Oktubre 13, 2017 - Pinasuri sa isang ospital ang bukol niya sa ovary at kailangan umano siyang maoperahan. Bago siya operahan, inuuntog niya ang kanyang ulo at sinasabunutan. Inaawat siya ng kanyang mga magulang, pero ang sabi niya ay sobrang sakit ng tiyan at ulo niya.
Oktubre 20, 2017 - Inoperahan si Jocelyn, sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan ipa-biopsy ang nakuha sa ovary niya dahil sobrang laki ng nakuhang bukol. Tinanggal ang kanyang ovary at matapos ang operasyon, sinabihan ang mga magulang ni Jocelyn na kailangang maghanap ng doktor dahil kailangang sumailalim sa chemotherapy si Jocelyn. Subalit hindi muna sila naghanap ng doktor dahil ang sabi ni Jocelyn ay papasok na lang muna siya sa eskuwela dahil ayaw na niyang lumiban pa. Kailangan diumano muna niyang tapusin ang klase niya dahil gusto niyang makapagtapos at saka ituloy ang gamutan niya kapag tapos na ang klase niya. Maayos na rin umano ang pakiramdam niya, kaya sinunod nila si Jocelyn dahil ayaw nila na itong ma-stress dahil sabi diumano ng doktor nang siya ay matapos na maoperahan ay bawal siyang ma-stress.
Sa mga petsa sa ibaba naging kritikal ang kalagayan ni Jocelyn at nauwi sa kanyang kamatayan:
Marso at Mayo 2018 - Sumasakit na naman ang kanyang operasyon. Pinilit siya ng kanyang mga magulang na pumunta ng ospital. Sabi ng doktor, mayroon lang siyang kabag kaya binigyan lamang siya ng gamot para sa kabag at pagsusuka. Umuwi na sila at tiniis niya ang pagsakit-sakit ng kanyang tiyan hanggang sa nagtapos na siya ng Grade 6. Pagkatapos ng kanyang graduation, nanghina na siya. Dinala siya sa isang ospital sa lugar nila at pinayuhan silang pumunta sa isang ospital sa Manila kung saan mas kumpleto ang pasilidad. Subalit ayaw silang tanggapin doon dahil nalaman nilang naoperahan sa ibang ospital si Jocelyn. Doon din naganap ang pangyayaring hindi pag-asikaso sa kanila na nailahad na sa itaas, at pag-refer sa kanya sa isang pulmonologist noong Mayo 26, 2018. Doon ay in-intubate si Jocelyn.
Mayo 29, 2018 - Pinauuwi na si Jocelyn dahil baka mahawa pa diumano siya sa sakit.
Hunyo 2, 6, at 13, 2018 - Inilabas siya sa ospital noong Hunyo 2, 2018. Noong Hunyo 6, 2018, naka-schedule siya para sa kanyang follow-up check-up, subalit hindi na niya kayang bumiyahe. Anang kanyang mga magulang:
“Magmula noong October 2017 ay palagi nang nagrereklamo na mainit ang loob ng katawan ng aming anak. Bukod pa roon, nahihirapan daw siyang magbasa dahil madilim ang kanyang nakikita. Nagpatuloy ang mga nararanasan niyang ito hanggang sa siya ay tuluyan nang pumanaw noong June 13, 2018.”
“Si Jocelyn ay hindi nadadala sa ospital mula pagkabata maliban na lamang nitong huling pagka-confine niya. Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at ayaw umabsent sa eskuwela.”
Ang paglalarawang ito kay Jocelyn ay iniwan sa amin ng kanyang mga magulang. Hindi na ito mabibigyan ng buhay, maipinta man ito ng magaling na pintor. Gayunman, bilang manananggol, pinagsisikapan naming mabigyan ng katarungan ang sinapit na trahedya ng batang kanilang inilarawan.
Comentários