top of page
Search
BULGAR

14-anyos, nagka-ulcer, nawala sa sarili at nagka-pneumonia bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 15, 2021



Walang kasing-sakit para sa mga magulang na makita ang matinding dinaramdam ng kanilang mga anak. Nagmamarka sa kanilang alaala at patuloy na sumusugat sa puso ang manipestasyon ng nasabing karamdaman sa katawan at pag-uugali ng kanilang mga anak. Ganito ang karanasan nina G. Danilo at Gng. Sheryll M. Bautista ng Taguig City sa kanilang anak na si John Lloyd M. Bautista, na naturukan ng Dengvaxia. Narito ang bahagi ng kanilang mapait na alaala sa sinapit ni John Lloyd:


“Namula ang kanyang mga mata na tila dumudugo at nangitim ang mukha, mga kamay at paa niya. Lumala ang kanyang kondisyon dahil tila nawala siya sa sarili. Kung anu-ano ang kanyang sinasabi.”


Si John Lloyd ay 14-anyos nang namatay noong Marso 31, 2018. Siya ang ika-63 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Narito ang pagkakaalala ng mga magulang ni John Lloyd sa pagkakabakuna sa kanya:


“Noong Nobyembre 2017, nag-ikot sa aming lugar ang mga barangay health workers ng Taguig City at sinabing mayroong libreng bakuna laban sa dengue. Ibinalita na lamang sa amin ni John Lloyd na nagpalista siya at Nobyembre 16, 2017 umano siya babakunahan sa health center. Sinabi rin niya na kailangang may kasamang magulang. Noong Nobyembre 16, 2017, sinamahan ko si John Lloyd sa health center. Bago bakunahan, tinanong lang ako ng isang doktor kung may sakit ang aking anak. Bawal daw kasi ang bakuna sa may mga sakit. Matapos nito ay tinurukan si John Lloyd ng isang nurse.”


Kalagitnaan ng Disyembre 2017, namaga ang itaas na bahagi ng ilong ni John Lloyd. Nag-umpisa rin siyang mahilo, sumakit ang ulo at mga kasukasuan. Pinatingnan siya ng kanyang mga magulang sa health center at siya ay binigyan ng gamot at gumaling naman. Pagdating ng 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni John Lloyd at naging seryoso ang kanyang kondisyon na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang iba’t ibang petsa mula Enero hanggang Marso 2018, hinggil sa ilan sa mga detalye ng mga nangyari kay John Lloyd:

  • Enero 2018 - Nag-umpisa siyang magkaroon ng sinat. Pinainom siya ng gamot, ngunit bumabalik ang kanyang sinat tuwing gabi. Ayon sa mag-asawa, dahil nabalitaan nila ang tungkol sa panganib ng Dengvaxia, dinala siya sa health center para matingnan at mabigyan ng kaukulang lunas.

  • Pebrero 2018 - Tuloy-tuloy ang kanyang lagnat kahit umiinom siya ng gamot. Nagsimula ring sumakit ang kanyang tiyan, ulo, likod at batok at nagsuka. Kahit anong kainin o inumin ay isinusuka niya. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Taguig. Nagsagawa roon ng laboratory examinations, negative diumano siya sa lahat.

  • Pebrero 27, 2018 - Pinatingnan siya sa isang ospital sa Pasig City. Sinabi ng kanyang mga magulang na naturukan siya ng Dengvaxia at nagsagawa ng mga laboratory examinations. Sinabi ng doktor na gastritis o ulcer diumano ang sakit ni John Lloyd. Nagreseta siya ng gamot na pang-isang linggo, pagkatapos ay pinauwi na sila.

  • Marso 2, 2018 - Bumalik sila John Lloyd sa pinuntahan nilang ospital sa Pasig dahil hindi siya gumaling kahit umiinom siya ng gamot. Nagreseta ang doktor ng mas malakas na gamot para sa dalawang linggo at sinabihan ang kanyang mga magulang na obserbahan ang kanilang anak. Lumala ang kanyang kondisyon dahil tila nawala siya sa sarili at kung anu-ano ang kanyang sinasabi. Araw-araw din siyang sumisigaw dahil sa sakit ng ulo. Hindi na naibalik sa ospital si John Lloyd dahil sa kakulangan sa pera.

  • Marso 24, 2018 - Inuwi si John Lloyd sa Pio Duran, Albay dahil na rin sa kagustuhan niya na sa bahay ng kanyang lolo magpagaling. Unti-unti siyang humina at hindi na makapagsalita at nakahiga na lamang. Nahirapan na rin siyang huminga kaya dinala siya sa isang ospital doon. Sinabi sa mga magulang ni John Lloyd na nagka-pneumonia ito. Apektado na rin diumano ang kanyang puso at bato.

  • Marso 31, 2018 - Bumuti ang lagay ni John Lloyd, ngunit nang araw na ito, matapos siyang saksakan ng antibiotic, bigla siyang nanginig. Namula ang kanyang mga mata na tila dumudugo at nangitim ang mukha, mga kamay at paa niya. Nagalit ang mga magulang ni John Lloyd dahil mabuti ang lagay ng kanilang anak bago siya turukan ng gamot, kaya inilabas nila ito sa ospital. Naiuwi pa nila si John Lloyd sa bahay ngunit namatay siya matapos ang humigit-kumulang kalahating oras.

Narito ang bahagi ng pahayag nina G. at Gng. Bautista hinggil sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Malakas, masigla at masayahing bata ang aming anak bago pa siya ay maturukan ng nasabing bakuna. Sa katunayan, hindi pa siya nagkakaroon ng malubhang sakit gaya ng dengue o nadala man lang sa ospital bago siya maturukan ng bakuna laban sa dengue. Nagbago lamang ang kanyang kondisyon matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna. Kaya malakas ang aming paniniwala na may kinalaman ito sa kanyang kamatayan.”


Ang paniniwalang ito ang nagdala kina G. at Gng. Bautista sa aming tanggapan upang mabigyan ng katarungan ang nangyari kay John Lloyd. Katapat ng kanilang matatag na paniniwala ang matitibay na ebidensya ng aming tanggapan sa pagsulong sa kaso ni John Lloyd hanggang sa makamit ang hustisya para sa sinapit niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page