ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 21, 2022
Ang kalayaan ay bahagi ng ating pagkatao, ngunit may mga pagkakataon sa ating buhay na nagiging balakid sa pagsasakatuparan nito. Sina Gng. Charlyn Ann Gregorio at Reynalyn Almachar, mag-inang taga-Pampanga, ay sinubok ng mga kadahilanang sumagka sa kanilang pagiging malaya.
Si Gng.Charlyn ay naging person deprived of liberty (PDL) at si Reynalyn ay nagkaroon ng matinding karamdaman na nauwi sa isang trahedya. Kapwa sila napagkaitan ng pagkakataon na buong laya na mapaunlad ang kanilang mga sarili at pamilya. Gayunman, kay Gng. Charlyn ay may banaag pang nakikita para sa magandang bukas, subalit kay Reynalyn, ang kagandahan ng bukas na naghihintay sa kanya ay hindi na niya masisilayan sa mundong ito kundi sa kabilang buhay.
Si Reynalyn, 14, ay namatay noong Abril 8, 2019. Siya ang ika-130 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Acute Respiratory Failure (Immediate); Acute Respiratory Distress Syndrome (Antecedent); Pneumonia High Risk (Underlying); at Pulmonary Tuberculosis Disease (Other significant conditions contributing to death).
Ipinagkatiwala ni Gng. Charlyn ang pangangalaga kay Reynalyn sa lola nito na si Gng. Annalyn M. Burlas ng Pampanga. Nasa pangangalaga na ni Gng. Annalyn si Reynalyn mula pagkabata at dahil nakulong ang kanyang ina sa isang pasilidad na nasa pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) mula noong Marso 18, 2019 hanggang Setyembre 23, 2019. Ayon kay Gng. Annalyn, si Reynalyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pampanga noong Abril 8, 2016, Oktubre 21, 2016, at Hunyo 28, 2017. Noong Hunyo 2017, dumaing si Reynalyn ng pananakit ng likod hanggang balakang. Sa tuwing humihinga, parang hinihika siya. Namanas din ang kanyang mukha, hita at paa, at siya ay nagkalagnat. Gayunman, gumaling siya makalipas ang tatlong araw.
Noong Enero 2019 hanggang Marso 2019, nadagdagan ang mga naramdaman ni Reynalyn:
Enero 5 - Pabalik-balik ang lagnat at pananakit ng ulo ni Reynalyn. Nawawala naman ito sa tuwing pinapainom siya ng paracetamol.
Marso, ikalawang linggo - Niregla siya at tumagal ito ng isang linggo. Ayon sa kanyang lola, “Labis ang regla niya dahil tumatagos ito sa kanyang napkin. Tumagal ng tatlong araw ang kanyang labis na pagregla.”
Marso 26 - Namanas ang mukha niya. Nagreklamo rin siya ng labis na pananakit ng ulo.
Marso 29 at 30 - Bandang alas-10:00 ng umaga, dinala siya ng kanyang lola sa isang ospital sa Pampanga upang patingnan sa espesyalista. Ayon sa doktor, may impeksiyon sa dugo si Reynalyn. Dapat ay i-a-admit siya, subalit dahil ayaw niya, inuwi siyang muli sa bahay at niresetahan ng antibiotics. Pagsapit ng alas-12:00 ng tanghali, hindi siya makakita at hindi niya maigalaw ang kanyang paa, kaya muli siyang itinakbo sa ospital. Isinailalim siya sa x-ray at base sa resulta, kumalat na diumano ang kanyang tuberculosis (TB) infection. Dahil kulang ang pasilidad ng nasabing ospital, ini-refer sila sa ibang ospital na kanila namang ginawa. Muli siyang isinailalim sa x-ray at nalaman na may kumplikasyon sa puso si Reynalyn, kung saan ang puso niya ay nabalutan ng plema. Dinala siya sa isolation room at pinainom ng antibiotics at muli siyang niregla. Noong Marso 30, 2019, muli siyang isinailalim sa x-ray; pareho ang resulta nito.
Ang unang linggo ng Abril 2019 ang naging kritikal na mga araw ni Reynalyn, na humantong sa kanyang kamatayan:
Abril 2 - Saad ng kanyang lola, “Ang kanyang pwerta ay nagtutubig na parang napaso.” Ayon sa OB-GYN, sanhi lang ito ng init sa kanyang katawan. Niresetahan siya ng antibiotics at umayos ang kanyang kalagayan matapos ang tatlong araw. Nagsuka rin siya ng dugo.
Abril 7 - Bandang alas-2:00 ng hating gabi, hindi siya makahinga, kaya in-intubate siya. Noong alas-4:00 ng hapon, pinalitan ng mechanical ventilator ang manual pump ng intubation niya. Hindi naging maayos ang lagay niya dahil barado ang mechanical ventilator, kaya ibinalik ang manual pump.
Abril 8 - Alas-2:00 ng madaling araw, hindi siya makahinga at nag-agaw buhay siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, tuluyan nang pumanaw si Reynalyn.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw nang may pagdadalamhati, sinabi ng kanyang lola, “Noong 2-anyos pa lamang ang aking apo ay nagka-primary complex siya. Taong 2011 din nang mag-umpisang magpabalik-balik ang kanyang ubo at sipon. Noong 2014 ay nagka-dengue infection siya, gayunman, lumaki siyang masigla.
“Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Reynalyn. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Nakapagtataka na matapos siyang maturukan ng Dengvaxia vaccine ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan.”
Maaalala na noong taong 2016 ang unang dalawang turok ng nasabing bakuna kay Reynalyn, subalit ang pagbabakunang ito ay nalaman lamang ng kanyang lola noong 2017, nang ibigay kay Gng. Annalyn ang kanyang vaccination card ng isang health worker sa kanilang lugar.
Isa na naman ito sa maraming kaso ng walang kapahintulutang pagbabakuna na nauwi sa trahedya. Katarungan para sa kaso ni Reynalyn ang inihihinging tulong ni Gng. Annalyn sa PAO at PAO Forensic Team. Sa abot ng aming makakaya, saklaw ng mandato ng aming Tanggapan, hindi namin sila bibiguin.
Comentários