ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 31, 2023
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, marami kaming nalamang kuwento ng mga bata at kabataan na hitik na hitik sa magaganda at mabubuting katangian. Sa kasamaang-palad, hindi na lumawig at umabot sa maunlad na kinabukasan ang kanilang kahusayan.
Isa sa kanila si Noreen Martinez Labrague. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Zenaida Martinez Pardiñan ng Caloocan City, “Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng badminton. Kailanman, hindi pa siya nagkasakit nang malubha nito lamang siya na-ospital dahil sa pagkakaroon ng malubhang sakit na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan. Hindi rin siya nagka-dengue infection. Sa katunayan, siya ay may magandang pangangatawan at matangkad siyang bata. Matayog din ang pangarap ng aking anak.”
Si Noreen, 14, ay namatay noong Disyembre 26, 2019. Siya ang ika-151 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Dalawang beses umano siyang naturukan ng Dengvaxia.
Siya ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia. Una, noong Agosto 29, 2017 sa isang barangay health center sa Caloocan City, at pangalawa noong Pebrero 2018 sa kanilang paaralan sa Caloocan City din. Sa pagkabakuna kay Noreen at kapatid nito, narito ang bahagi ng salaysay ni Gng. Zenaida, “Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan kahit wala akong pahintulot dahil nalaman ko ang mga hindi magandang epekto ng bakuna at dahil wala na akong magawa sa nauna niyang bakuna, sinabi ko na tama na ‘yung isang bakuna. Subalit, sa kasamaang-palad, naturukan pa rin siya ng pangalawa. Bukod kay Noreen, naturukan din ang isa ko pang anak na si Noel Jr. Martinez Labrague ng Dengvaxia ng 1 beses. Magkasama silang naturukan sa aming barangay health center, Malaria, Caloocan City.”
Sa iba’t ibang petsa ng 2019, narito ang ilan sa mga pinagdaanang hirap ni Noreen bago siya pumanaw noong Disyembre 26, 2019;
Mayo - Nag-umpisang magkalagnat si Noreen, ngunit nawawala naman tuwing umiinom siya ng paracetamol.
Agosto - Nang magkaregla si Noreen, ito ay pabalik-balik.
Setyembre 2 - Dahil ilang linggo nang pabalik-balik ang kanyang regla, dinala siya ni Gng. Zenaida sa isang ospital, at base sa pagsusuri, mababa ang platelet count niya. Inulit ang pagsusuri sa kanyang dugo at ayon sa doktor, may infection sa dugo ni Noreen, at posibleng may leukemia siya. Maputla ang kanyang mga labi at may mga red spots sa kanyang kaliwang binti at pasa sa kanyang parehong binti.
Setyembre 3 - Sinalinan siya ng dugo dahil hindi pa rin nawala ang kanyang pagdurugo.
Setyembre 7 at 12 - Nag-request ng bone marrow test para sa kanya. Noong Setyembre 12, tiningnan siya ng OB-GYNE, at niresetahan ng pills, pampatigil ng pagdurugo.
Setyembre 16 at 17 - Base sa resulta ng bone marrow test, may Acute Myeloid Leukemia (AML) siya. Kinabukasan, nag-umpisa siyang mag-chemotherapy. Ngunit dahil bumababa ang dugo niya, isinailalim ulit siya sa blood transfusion at itinigil ang chemotherapy.
Oktubre 22 - Siya ay na-discharge sa ospital upang magpalakas muna sa kanilang bahay.
Nobyembre 2 - Muling isinagawa ang chemotherapy cycle niya. Nahihilo siya sa tuwing natatapos ang kanyang chemotherapy. Lagas na rin ang buhok niya at hirap na siyang maglakad. Madalas siyang magreklamo ng pananakit at pangangalay ng kanyang mga binti.
Nobyembre 21 - Na-discharge siya sa ospital, ngunit may kaunting pagdurugo pa rin siya idinaraing
Disyembre 1 at 10 - Lumalala na naman ang pagdurugo niya. Muli siyang sinalinan ng dugo dahil bumaba na naman ito. Noong Disyembre 10, sumailalim siya ultrasound at nakita na lumala ang impeksyon sa kanyang dugo, at nakaranas din siya ng LBM.
Disyembre 17 - Namamanas na ang kanyang mukha, mga kamay at paa.
Disyembre 18 - Pinalitan ng kanyang OB-GYNE ang kanyang pills ng mas malakas na gamot para pampatigil ng kanyang pagdurugo. Siya ay naging lupaypay na rin.
Disyembre 24 at 25 - Nag-seizure siya. Sinundan ito ng dalawa pang seizures, alas-3:00 ng madaling-araw at alas-8:00 ng umaga noong Disyembre 25. Bandang ala-1:00 ng hapon, na-CPR siya at na-intubate. Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi, inilipat siya sa ICU at kritikal na ang kalagayan.
Disyembre 26 - Pagsapit ng pasado alas-6:00 ng umaga,tuluyan nang pumanaw si Noreen.
Ayon sa kanyang ina, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aking anak. Dahil dito, humingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim si Noreen sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng kanyang biglaang pagkamatay.
Kinakailangan kong gawin ito upang matahimik ang aking kalooban. Kasama sa aking hiling sa PAO ay ang mabigyan ako ng tulong legal para maipaglaban ko ang kamatayan ng aking anak. Hindi makatarungan na siya ay namatay nang napakabata.”
Nakapanghihinayang ang buhay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia na inaasahan sanang magliligtas sa kanila laban sa sakit. Subalit, iba ang naging dulot nito, sapagkat hindi ito pinag-aralang mabuti ng mga taong dapat nangangalaga ng kalusugan ng sambayanan.
Kaya naman ang mga kahilingan na katulad ng kay Gng. Zenaida ay hindi lamang namin dagliang tinutugunan, patuloy din namin silang tinutulungan at ipinaglalaban hanggang sa Kataas-taasang Hukuman, kung kinakailangan makamtan lamang ang katarungan.
Comments