top of page
Search
BULGAR

14-anyos, naging pasaway, hirap maglakad at nagkatubig sa utak bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 10, 2023


Ang tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, bukod sa mapanghamon, ay mabigat dalhin sa damdamin at isipan. Isa sa mga dahilan ay ang pagkakaroon namin ng mga kliyente na mga magulang na may mga anak na vaccinees na yumao na at may mga anak din na bagama’t buhay ay may mga nararamdaman na sa kanilang kalusugan.


Binabalikat nila ang tila bangungot na walang humpay na nambabalisa – hindi lamang sa kanilang pagtulog kundi higit pa, kung gising na gising ang kanilang diwa – hinggil sa sinapit ng kanilang mga anak.


Katulad nito ang pakiramdam ng mag-asawang Jerwin at Dina Deang ng Tarlac City, kaugnay sa pagtuturok ng Dengvaxia sa kanilang mga anak na si Joan Deang, at ang kuya niyang survivor na si Danny Boy Deang.


Sabi nina G. at Gng. Deang sa kanilang salaysay, “Labis pa ang pag-aalala namin ngayon dahil ang kuya niya ay nabakunahan din. Labis ang pagdadasal namin na biyayaan siya ng Maykapal ng magandang kalusugan. Mahal na mahal namin ang aming mga anak at hindi na namin kakayanin pa kung mayroong masamang mangyari kay Danny Boy dahil sa hindi nila pag-iingat na pagbabakuna ng Dengvaxia.”


Si Joan, 14, at namatay noong Setyembre 2, 2019. Siya ang ika-146 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic

examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Joan ay tatlong beses na naturukan ng nasabing bakuna sa kanilang paaralan. Una, noong Marso 30, 2016; pangalawa noong Oktubre 18, 2016; at pangatlo noong Hunyo 14, 2017. Ang nasabing pagkakabakuna sa kanya ay walang pahintulot ng kanyang mga magulang, ganundin ang pagkakabakuna sa kanyang kuya na si Danny Boy. Subalit, si Danny Boy ay isang beses lamang naturukan dahil sinabi nito kina G. at Gng Deang na natakot na siyang magpaturok dahil masakit diumano ito. Narito ang kaugnay na detalye hinggil pagkakabakuna kina Joan at Danny Boy, ayon sa kanilang mga magulang,


“Hindi nila ipinaalam sa amin na ang aming dalawang anak ay babakunahan ng Dengvaxia.


Hanggang sa matapos ang pangalawa at pangatlong pagbabakuna ng Dengvaxia kay Joan ay wala pa rin kaming kaalam-alam. Kung nabigyan kami ng pagkakataong malaman kung ano’ng puwedeng maging epekto nito sa aming mga anak, siguradong hindi kami papayag na sila ay mabakunahan ng Dengvaxia, subalit kami ay napagkaitan nito.”


Sa iba’t ibang petsa ng Agosto 2019, narito ang mga naramdaman ni Joan na nagpahirap sa kanyang murang katawan hanggang sa siya ay bawian ng buhay:


  • Agosto 17 - Ligo siya nang ligo. Napansin din ito ng kanyang mga magulang. Anila, “Taliwas sa dating masunuring pag-uugali ng aming anak, biglang tumigas ang kanyang ulo nang araw na ‘yun. Nagpatuloy ang pag-uugali niyang ito ng mga sumunod na araw.”

  • Agosto 23 - May lagnat siya. Hindi niya rin nakikilala ang kanyang mga magulang. Masakit ang kanyang ulo, tiyan at kasu-kasuan. Masakit din ang kanyang mga paa kung ilalakad niya ang mga ito, kaya kailangan siyang alalayan sa paglalakad. Dinala siya sa isang barangay health center sa Tarlac. Ayon sa health worker na tumingin sa kanya, may lagnat at pasma lang siya. Siya ay niresetahan ng paracetamol at bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos niyang uminom ng gamot.

  • Agosto 24 - Bumalik ang kanyang lagnat. Hirap din siyang ilakad ang kanang bahagi ng kanyang paa. Pinainom ulit siya ng paracetamol, subalit hindi na bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Agosto 27 - Dinala siya sa isang ospital sa Tarlac. Masakit ang kanyang buong katawan. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Agad siyang dinala sa intensive care unit (ICU) ng ospital dahil hirap siyang huminga.

  • Agosto 28 at 29 - Hindi na siya makakain. Siya rin ay comatose na at kinabukasan, walang nagbago sa kanyang kalagayan. Ayon sa doktor, kailangan siyang operahan sa ulo dahil nagkatubig ang kanyang utak. Nakatakda siyang operahan noong Setyembre 2, 2019.

  • Agosto 30 hanggang Setyembre 2 - Malala pa rin ang kanyang kondisyon. Hindi nawala ang mataas niyang lagnat sa mga nasabing araw at hindi na rin siya nagising. Alas-2:00 ng hapon noong Setyembre 2, 2019, nang bigla siyang nahirapang huminga. Tutubuhan dapat siya, pero hindi pumayag ang kanyang mga magulang. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, tuluyan na siyang pumanaw.


“Noong namatay ang aming anak, aming tinanong ang doktor kung ano ang sanhi ng kanyang pagpanaw, subalit hindi kami nasagot ng doktor. Napakasakit para sa aming pamilya ang dagliang pagpanaw ni Joan. Wala siyang naging malalang sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na nangailangan siyang dalhin sa ospital, maliban lamang nitong kamakailan kung saan siya ay pumanaw. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine na ito sa aming anak na si Joan sa kuya niyang si Danny Boy at iba pang mga bata.


“Kung hindi nabakunahan si Joan, marahil ay nabubuhay pa siya ngayon, kaya kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Joan.


Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Nilapitan ng mag-asawang Deang ang PAO at PAO Forensic Team upang makatulong sa kanila na mapanagot sa batas ang mga kinauukulan. Kami naman ay dagling tumugon at patuloy na tumutulong sa mga aspetong kailangan pa rin ang aming serbisyo. Ang malusog, maliksi, at marunong sa gawaing bahay na si Joan noong siya ay nabubuhay ay hindi na maibabalik pa.


Ang kanyang paglisan ay dagok sa kanyang pamilya na kahit sa matagal na panahon ay hindi na makakalimutan, sapagkat buhay ang nawala— buhay ng isang batang marami pa sanang pangarap na tutuparin. At dahil dito, lalong nararapat na mapanagot ang mga hindi nagbigay-halaga sa naging desisyon ng mag-asawang Deang para sa kanilang mga menor-de-edad na anak hinggil sa pagtuturok ng nasabing bakuna.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page