ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 17, 2022
Mula sa bibig ng mga bata, may mga pagkakataon na tayo ay nakakarinig ng mga bagay at ideya na hindi natin inaakalang malaman sa kanila dahil limitado ang kanilang kaalaman sa buhay dahil sa kanilang murang edad.
Mula sa bibig ng 10-anyos na anak ni Gng. Lovely Anne Laure ng Cardona, Rizal, may narinig si Gng. Laure na balita na nagmistulang hudyat ng mapait na kahihinatnan ng isa pa niyang anak na si Trixie Marie Laure. Ani Gng. Laure, “Nalaman ko sa aking anak na si Marian, na si Trixie Marie ay nabakunahan ng bakuna kontra dengue. Sumagot pa ako na maigi nang hindi siya ma-dengue.”
Si Trixie Marie, 14, namatay noong Nobyembre 24, 2017 ang ika-114 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Siya ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 2016 at pangalawa noong Hunyo o Hulyo 2017. Sa iba’t ibang petsa ng Mayo 2017 hanggang Nobyembre 2017, narito ang ilan sa mga detalye ng nangyari kay Trixie Marie hanggang sa kanyang pagpanaw noong Nobyembre 24, 2017.
Mayo - Hindi siya nireregla. Sumasakit din ang kanyang tagiliran, nilalagnat at giniginaw siya tuwing gabi. Pinainom siya ng paracetamol. Nag-umpisa siyang mangayayat kaya siya ay dinala sa isang health center sa Cardona, Rizal. Matapos resetahan ng paracetamol at antibiotics, bumuti naman ang kanyang kalagayan, subalit siya ay muling nilagnat. Hindi siya makahinga nang maayos; masakit din ang kanyang buto-buto. Pabalik-balik ang mga nararamdaman niyang ito sa mga sumunod na buwan. Bumubuti naman ang pakiramdam niya sa tuwing pinapainom siya ng paracetamol.
Hulyo - Lubusan siyang pumayat; isinama na siya sa feeding program ng kanilang paaralan. Hindi pa rin siya nireregla at madalas lagnatin tuwing hapon.
Agosto - Binigyan siya ng doktor ng vitamins dahil maputla siya. Binigyan din siya ng antibiotics at gamot para sa ubo dahil inuubo siya. Bumuti ang kalagayan niya pagkatapos uminom ng mga nabanggit na gamot. Subalit muli siyang nagkalagnat, hirap makahinga, masakit ang ulo, tiyan, kasu-kasuan at giniginaw. Kaya noong Agosto 10, 2017 ay dinala siya sa isang ospital sa Rizal. Ayon sa doktor, may problema siya sa pagdumi at kailangan din diumano siyang ipa-2D echo. Binigyan siya ng gamot para sa pagdumi at pinauwi rin matapos niyang makadumi.
Setyembre 10 - Siya ay giniginaw at nilalagnat. Muli siyang dinala sa ospital sa Rizal. Base sa resulta ng x-ray, lumaki ang kanyang puso. Binigyan siya ng gamot at pinauwi rin, pero sinabihan sila na dapat nang ma-confine si Trixie Marie. Dahil hindi sila ma-admit sa nasabing ospital, ni-refer sila sa isang ospital sa Pasig at umuwi sila. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
Setyembre 13 - Dinala siya sa isang ospital sa Marikina City. Sinabihan sila na lumalaki ang kanyang puso. Ipinasok siya sa ICU, nanatili siya ru’n nang halos dalawang linggo, at halos isang linggo sa ward.
Oktubre - Nag-agaw buhay siya at muling dinala sa ICU. Nanatili siya ru’n hanggang Oktubre 19.
Oktubre 20 - Muli siyang nag-agaw buhay habang nasa ward, kaya ibinalik siya sa ICU. Anang doktor kay Gng. Laure, baka hindi na magtagal ang buhay ni Trixie Marie. Na-stroke na diumano ito at patay na ang kalahati ng kanyang katawan. Sobrang payat niya at nakatulala na lang. Hindi na rin siya makapagsalita at nakangiwi ang kanyang bibig. Base sa resulta ng magnetic resonance imaging (MRI) scan na isinagawa sa kanya, may hemorrhage sa kanyang utak. Kailangan diumano siyang maoperahan, pumayag naman si Gng. Laure sa kagustuhan nitong madugtungan pa ang buhay ng anak.
Nobyembre 23 at 24 - Hirap sa paghinga si Trixie Marie. Sinabihan si Gng. Laure na kailangan itong i-intubate. Hindi na natuloy ang operasyon kay Trixie Marie, tuluyan na siyang binawian ng buhay noong Nobyembre 24, 2017.
Ani Gng. Laure, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Trixie Marie dahil siya ay masigla at malusog na bata, kaya nakakapagtaka na bigla siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito.
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Nalaman ko lang ito nang sinabi ng kanyang kapatid ang tungkol dito. Gayundin, wala sa pamilya namin ang nagkaroon ng sakit ng puso na sinasabi nilang sakit ni Trixie Marie. Mas masakit pa ang naramdaman ko dahil sa awa sa kanya habang nakikita ko na paunti-unting nilalamon ng sakit ang kanyang murang katawan. Kaya kinakailangang may managot sa kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.”
Bagama’t hindi nasabihan at napaliwanagan ng mga awtoridad si Gng. Laure tungkol sa naganap na pagbabakuna kay Trixie Marie, kung pagbabasehan ang kanyang pahayag sa ikalawang talata ng artikulong ito, masasabing binigyan niya ng pagkakataon ang pagkakaroon ng positibong pananaw. Nasambit niya nang malaman niyang nabakunahan si Trixie Marie ng Dengvaxia na “maigi at hindi na ma-dengue”. Ito ay tinuran niya sa pag-aakalang makabubuti ang bakunang naiturok sa kanya. Umasa siyang ito ay magbibigay-proteksyon sa kanya laban sa dengue, subalit kabaligtaran ang nangyari.
Sa pagkamatay ng kanyang anak, si Gng. Laure ay palabang ina na naniningil ng katarungan mula sa mga kinauukulan. Kasama niya ang hiningan niya ng tulong para sa labang ito – ang PAO, ang inyong lingkod at kasamang senior public attorneys at forensic doctors. Tunay kaming kaisa ni Gng. Laure, isang ina na naging mandirigma ng hustisya sa ngalan ng anak na pumanaw sa isang trahedya.
Comments