ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 30, 2022
Sa pamilyang Pilipino, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng panganay na anak. Inaasahan na maitataguyod niya ang kanilang pamilya sa mga pagkakataon na kailangan niyang gampanan ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga magulang. Walang duda na kayang gampanan ito ni Trisha Janelle Olarte kung hihingin ng pagkakataon dahil sa kanyang magagandang katangian.
Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Leslie at Rowena Olarte ng Pililla, Rizal, “Panganay siya sa aming mga anak at napakabait nito.” Ayon pa sa kanila, si Trisha Janelle ay
“Malakas, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at may mataas na pangarap sa buhay.” Sa kasamaang-palad, si Trisha Janelle ay maagang nawala at lubos itong pinanghinayangan at dinamdam ng kanyang mga magulang.
Si Trisha Janelle, 14, ay namatay noong Hunyo 20, 2019. Siya ang ika-139 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa Death Certificate ni Trisha Janelle, ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Septic Shock Secondary To (Immediate Cause); Disseminated Tuberculosis (Potts Disease, Tuberculous Meningitis Stage 2) (Antecedent Cause). Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia. Si Trisha Janelle ay unang nabakunahan noong Abril 19, 2016 sa kanilang paaralan sa Bulacan. Siya ay nabakunahan sa pangalawang pagkakataon noong Nobyembre 7, 2016 sa nilipatan niyang eskuwelahan sa Pililla, Rizal, ganundin sa pangatlong pagkakataon noong Hunyo 15, 2017. Noong Oktubre 18, 2018, siya ay nagkaroon ng lagnat, nagsuka, at nagtae. Siya ay dinala sa isang ospital sa Morong, Rizal. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, siya ay maaaring may amoebiasis. Matapos siyang i-rehydrate, pinauwi rin siya ng doktor.
Pagdating ng taong 2019, narito ang mga naramdaman ni Trisha Janelle, hanggang sa siya ay bawian ng buhay noong Hunyo 20, 2019.
Marso 9 at 10 - Sumakit ang kanyang kaliwang binti. Kinabukasan, nagkalagnat din siya. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw.
Marso 13 - Dahil patuloy ang pananakit ng kanyang binti, pinahilot ito ng kanyang mga magulang. Bahagyang bumuti ang kanyang pakiramdam, ngunit bumalik ang pananakit ng kanyang paa, at ito ay pabalik-balik.
Abril - Hirap na siyang maglakad. Walang lakas ang kanyang mga paa at madalas siyang nakahiga. Pinainom siya ng B-complex na bitamina, pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Sumakit ang ibabang bahagi ng kanyang likod at sa pagdaan ng mga araw, sumakit din ang iba pang bahagi ng kanyang likod at kasu-kasuan, gayundin, nagka-stiff neck siya. Dinala siya sa isang ospital sa Siniloan, Laguna. Maputla si Trisha Janelle, hirap na rin siyang maglakad at kailangang may umalalay sa kanya upang siya ay makatayo. Kapag nakaupo siya, kailangang nakasandal siya sa unan at kapag wala siyang sasandalan, sumasakit ang kanyang likod. Dahil napansin ng doktor na malakas at mabilis ang pagtibok ng kanyang puso, iminungkahi nito na ipa-ultrasound ang thyroid niya, subalit dahil sa kakapusan ng pera ay hindi nila ito nagawa.
Mayo, ikalawang linggo - Hindi na niya makontrol ang kanyang pag-ihi. Hindi rin regular ang kanyang pagdumi; nakakadumi lamang siya pagdaan ng ilang araw, at minsan ay linggo. Sumasakit din ang kanyang bibig kaya naapektuhan ang kanyang pagkain.
Mayo 15 at 16 - Dahil sa lumalala niyang kondisyon, siya ay muling dinala sa isang ospital sa Morong, Rizal. Subalit dahil sa kakulangan sa pasilidad, inilipat siya sa isang ospital sa Marikina City at napag-alaman na siya ay may Chronic Anemia.
Mayo 17 at 20 - Sinalinan siya ng dalawang bag ng dugo. Madalas na sumasakit ang buo niyang katawan at hirap na hirap na rin siyang maglakad. Hindi na rin siya makakain nang maayos, kaya siya ay pumayat nang husto. Matapos ang apat na araw (Mayo 20), nag-seizure siya. Wala na rin siyang makita. Dahil sa takot ng mga doktor na baka umakyat na ang impeksyon sa kanyang ulo, iminungkahi nilang isailalim siya sa MRI.
Mayo 23 at 28 - Isinagawa ang MRI, at ayon sa kanyang mga magulang, ang resulta ay hindi diumano naipaliwanag sa kanila ng doktor.
Hunyo, unang linggo - Nahihirapan na siyang huminga. Siya ay minsang na-coma nang linggong ‘yun, pero nagising din siya pagkalipas ng ilang oras. Gayunman, hindi pa rin siya makakita.
Hunyo 16 - Namanas ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan at kamay. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw.
Hunyo 19 at 20 - Nawala ang pintig ng puso niya. Siya ay ni-revive ng doktor at naging matagumpay naman ito. Matapos nu’n ay nag-umpisa nang mangitim ang kanyang kanang paa. Naging kritikal ang lagay niya at pagsapit ng alas-5:45 ng madaling-araw ng Hunyo 20, 2019, tuluyan nang pumanaw si Trisha Janelle.
Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Trisha Janelle. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”
Ang sakit sa dibdib ng mag-asawang Olarte ang nagtulak sa kanila na magsagawa ng hakbang upang mapanagot ang pinaniniwalaan nilang responsable sa nangyari kay Trisha Janelle. Ayon sa kanila, “Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia kay Trisha Janelle at iba pang mga bata. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan at sa hindi pagpapaliwanag sa amin sa puwedeng maging epekto nito sa kalusugan ng aming anak. Kung naipaliwanag sa amin na puwede itong makasama sa kalusugan ni Trisha Janelle at magiging sanhi pa ng kanyang pagpanaw ay hindi kami papayag na siya ay mabakunahan.”
Inilapit nila sa PAO at PAO Forensic Team ang pagnanais nilang mapanagot sa batas ang pinaniniwalaan nilang may kinalaman sa nangyari sa kanilang anak. Hanggang ngayon ay hinihintay nila na maghari ang katarungan para sa kanilang anak. Ito lamang ang maaaring magbigay sa kanila ng katahimikan sa susunod pang mga araw ng kanilang pamamalagi sa mundong ito at hanggang sa muli nilang pagkikita ng kanilang anak na si Trisha Janelle.
Patuloy nila kaming kasama sa laban at gagawin ang lahat ng aming makakaya sa legal na paraan upang makamtan ang katarungan para kay Trisha Janelle at tulad niyang mga biktima.
Comments