ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 18, 2022
Lahat ng mga anak ay itinuturing na mutya ng kanilang mga magulang. Anuman ang kanilang mga katangian at kakayahan o kung may kakulangan man sa mga ito ay hindi nakakapagpabago sa pagtingin ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Sa mga pagkakataon naman na walang pagsidlan ng tuwa ang mga magulang dahil hitik sa magaganda at mabubuting katangian ang kanilang mga anak, masasabing sila ay mapalad na nabiyayaan ng kayamanan. Kabilang sa mapapalad na magulang na ito sina G. Jonathan at Gng. Dely Fillarca ng Bulacan sa pagkakaroon ng huwarang anak na si Mary Joy Fillarca.
Ayon sa salaysay ng mag-asawang Fillarca tungkol kay Mary Joy, “Ang aming anak ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball. Matulungin siya sa gawaing bahay at tinutulungan din niya kami sa pananahi ng ibebentang basahan.”
Kung ang salaysay nina G. at Gng. Fillarca ay nagtapos sa sinabi nila sa taas, ang maganda nilang kapalaran ay magpapatuloy sa kanilang katandaan. Subalit, may walang kasing-pait itong kadugtong. Salaysay ng mag-asawa, “Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”
Si Mary Joy, 14, ay namatay noong Mayo 6, 2019. Siya ang ika-134 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Mary Joy ay hindi na umabot nang buhay noong siya ay isinugod sa isang ospital sa Bulacan.
Ayon sa kanyang mga magulang, si Mary Joy ay, “Naturukan ng bakuna kontra dengue sa kanyang paaralan sa Bulacan. Sa aming pagkakaalam, noong una ay dalawang beses lamang siyang naturukan ng Dengvaxia. Una, noong ika-29 ng Hunyo 2016 at pangalawa noong ika-13 ng Setyembre 2017. Subalit nang kami ay kumuha ng katibayan ng pagbabakuna mula sa Center for Health Development ng Department of Health, napag-alaman namin na tatlong beses pala siyang nabakunahan. Una, noong Hunyo 24, 2016, pangalawa, noong Pebrero 24, 2017, at ikatlo, noong Setyembre 7, 2017.”
Matapos maturukan ng unang bakuna, si Mary Joy ay nakaranas ng pasulpot-sulpot na pananakit ng ulo. Noong magtatanghali ng Mayo 5, 2019, nagkaroon siya ng lagnat. Pinainom siya agad ng gamot at pagkagising niya ay nawala ang kanyang lagnat. Noong Mayo 6, 2019, alas-8:00 ng umaga, napansin ni Gng. Fillarca na inom nang inom ng tubig si Mary Joy. Tinanong niya ang kanyang anak kung bakit siya inom nang inom ng tubig, sagot naman ni Mary Joy, masakit diumano ang dibdib niya. Matapos nu’n ay napansin ni Gng. Fillarca na nahihirapan na siyang huminga. Nang tanungin niya si Mary Joy, nagreklamo ito na sumisikip ang kanyang dibdib at hirap siyang huminga. Siya ay agad namang isinugod sa ospital gamit ang tricycle ng kanilang pamilya. Habang sila ay nasa daan papuntang ospital at sakay ng tricycle, napansin nilang hindi na humihinga si Mary Joy. Hinipan ng kanyang magulang ang kanyang bibig upang bumalik ang kanyang paghinga, subalit hindi na ito nakatulong. Nang dumating sila sa ospital, agad siyang kinabitan ng oxygen ng mga doktor at sinubukang i-revive. Matapos ang ilang beses na pagtatangkang isalba ang buhay ni Mary Joy, sinabihan sila ng doktor na bigo sila, at du’n idineklarang dead-on-arrival ang kanilang anak.
Ayon kina G. at Gng. Fillarca, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Mary Joy. Kailanman ay hindi pa siya nagka-dengue o nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban na lamang noong siya ay 11-anyos nang mahulog siya sa puno.
“Pumayag kaming pabakunahan siya ng Dengvaxia sa kagustuhan naming siya ay maproteksyunan laban sa dengue infection. Sinabihan lamang niya kami na kailangan naming pirmahan ang papel na kanyang iniabot sa amin upang magbigay-pahintulot sa pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia. Hindi kami sinabihan kung kailan ang mga araw ng pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia. Maliwanag na napagkaitan kami ng oportunidad na malaman kung ano’ng puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak. Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”
Si Mary Joy at tulad niyang mga biktima ay kayamanan, hindi lamang ng kanilang mga pamilya kundi ng buong bayan. Kaya ang dismissal kamakailan ng ilan sa mga Dengvaxia cases sa kadahilanang hindi sila nabigyan ng Dengvaxia card na inamin naman sa “congressional hearings” ng mga nasasakdal (hindi lahat ay may card) ay tila pagbabalewala sa halaga ng kanilang buhay at maiaambag sana sa pagpapaunlad ng kanilang mga pamilya at ating bayan.
Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division ay patuloy na ipaglalaban ang ipinagkatiwalang Dengvaxia cases sa amin bilang pagpupugay sa kahalagahan nila Mary Joy. Sa pagpapahalagang ito ay kasama ang patuloy naming pagpupunyagi para sa nasabing mga kaso sa hukuman sa kabila ng mga balakid sa pagkakamit ng katarungan.
Nananalig ang aming tanggapan na sa awa ng Poong Maykapal at sa tamang kapasiyahan ng mga kinauukulang nabigyan ng responsibilidad na maggawad ng hustisya ay makakamit ng mga biktima ng Dengvaxia ang katarungang minimithi sa kabila ng mga nakaambang balakid at suliranin.
Comments