ni Lolet Abania | December 27, 2022
Umakyat na sa 13 katao ang bilang ng mga nasawi sanhi ng malalakas na mga pag-ulan at malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao nito lamang Pasko, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.
Sa kanilang 5AM report, sinabi ng NDRRMC na 7 sa mga namatay ay nai-report sa Northern Mindanao, 3 sa Bicol, 2 sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga.
“Ang datos po natin as of now, meron na po tayong 13 na namatay,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center head Diego Agustin Mariano sa isang televised public briefing.
Ayon sa NDRRMC, dalawa lamang na nasawi ang na-validate sa ngayon.
May kabuuang 23 indibidwal ang nai-report na nawawala, kabilang ang 12 sa Eastern Visayas, 8 sa Bicol, at 3 sa Northern Mindanao.
Ayon kay Mariano, karamihan sa mga nawawala ay mga mangingisda habang nagsasagawa na ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) ng search and rescue operations sa mga coastal areas.
“Ang ating kawani ng PCG ay patuloy ang search and rescue operation. Lalo na po kapag gumanda ang panahon, lalo na pong uusad ang operation dyan sa search and rescue ng nawawala,” pahayag ni Mariano.
Ang malakas na mga pag-ulan at pagbaha na sanhi ng shear line ay nakaapekto sa 166,357 katao o 44,282 pamilya sa 385 barangay sa Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, at Bangsamoro.
Samantala, may kabuuang 45,337 indibidwal o 10,536 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers.
Ayon sa NDRRMC, nagbigay na ng assistance na nagkakahalaga ng P5,247,313.29 sa mga biktima.
Maraming mga lugar sa Visayas at Mindanao ang binaha nitong Pasko, Linggo dahil sa epekto ng shear line, kung saan ang weather system ay nabuo sa pamamagitan ng pagme-meet sa pagitan ng isang cold front at isang warmer front.
Comments