ni Lolet Abania | April 25, 2022
Tinututukan ng Department of Health (DOH) ngayon ang 13 lugar sa bansa na nakapag-record ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.
Gayunman, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay hindi nakababahala.
“We are not seeing significant increases as of this time. And most specifically, mas importante po, doon po sa mga pagtaas ng kaso na nakikita natin na bahagya, ay hindi po natin nakikitang napupuno ang mga ospital,” saad ni Vergeire sa isang interview ngayong Lunes.
Binanggit naman ni Vergeire na kabilang sa binabantayang lugar ang Pateros, Malabon at Navotas sa Metro Manila dahil sa naitatalang bilang ng kanilang mga kaso at hospital occupancy.
“May positive growth rate po ang Pateros. Meron din po sa ibang area na napupuno po ang kanilang (intensive care unit) katulad sa Malabon. Pero nu’ng pinag-aralan naman po natin, tatatlo lang po ang ICU beds nila. And ngayon po, puno na ang kanilang 3 ICU beds,” sabi ng opisyal.
“Sa Navotas naman po, meron lang ho tayo diyan 46 beds for COVID ward. At ngayon po, medyo may pagtaas. Pero it’s still less than 60 percent. Pero kakaunti po kasi kaya madaling mapuno,” dagdag niya, subalit hindi na siya nagbanggit pa ng ibang lugar.
Ayon kay Vergeire, ang bahagyang pagtaas ng mga COVID-19 cases ay maiuugnay sa pagpapabaya ng marami sa pagsunod sa minimum public health standards, isinasagawang mga gatherings sa mga campaign sorties, at mga indibidwal na nagsipagbakasyon noong Semana Santa.
Paalala ni Vergeire sa publiko na patuloy na sumunod sa mga health protocols para maiwasan ang pagtaas ulit ng mga kaso ng COVID-19.
Una nang nagbabala ang DOH na ang pagpapabaya sa pagsunod sa mga ipinatutupad na pandemic guidelines ay posibleng magdulot ng active coronavirus infections ng tinatayang kalahating milyon sa kalagitnaan ng Mayo.
Comments