top of page
Search
BULGAR

13-anyos, sumakit ang ulo, nagsuka ng dugo at namantal ang katawan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 23, 2022


Ang Araw ng mga Puso ay sikat na pagdiriwang sa mga taong nagmamahalan. Gayunman, may mga taong kahit pinagbubuklod ng pagmamahal ay may mapapait na alaala na may kaugnayan sa Valentine’s Day. Kasama rito ang pamilya Caidlang na iniwan ng kanilang pinakamamahal na anak na si Jovanni Carl Caidlang, nang ito ay pumanaw, isang araw pagkaraan ng Pebrero 14 noong taong 2019.


Si Jovanni, anak nina G. Conrado at Gng. Negressa Caidlang ng Cebu, 13, namatay noong Pebrero 15, 2019, ang ika-126 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jovanni ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 10, 2017 sa gymnasium ng kanilang barangay sa Cebu City. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani ng health center sa kanilang lugar. Noong Nobyembre 2018, sumakit ang ulo ni Jovanni at kusa naman itong nawala. Nang dumalaw sa kanyang burol ang kanyang kaklase, nalaman ng kanyang mga magulang na may pagkakataong nahihilo si Jovanni habang nasa eskuwelahan.


Sinabi pa ng kaklase niya, minsan ay nagsuka siya dahil sa sobrang sakit ng ulo. Noong Disyembre 30, 2018, ipinarating sa mga magulang ni Jovanni ng kapatid ni G. Conrado (Patricia Dela Cruz) na ang kanilang anak ay nahilo at nawalan ng balanse noong Disyembre 28, 2018, nang ito ay pansamantalang namalagi sa bahay ni Patricia.


Pagdating ng taong 2019, narito ang nangyari kay Jovanni, hanggang ay bawian siya ng buhay noong Pebrero 15, 2019:

  • Enero 4 at 8 - Masakit ang kanyang ulo. Siya rin ay nanghihina, nahihilo at sumasakit ang buto sa likod at mga kasu-kasuan sa kanang paa. Nagsuka rin siya at naulit ang mga sintomas na ito noong Enero 8 at muli siyang nagsuka.

  • Enero 10 - Dinala siya sa isang ospital sa Cebu. Sabi ng doktor, maaaring may hyper-acidity si Jovanni, kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito na kanyang iinumin sa loob ng dalawang linggo at bumuti naman ang kalagayan niya sa nasabing panahon. Subalit bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at panghihina. Mula nang makaramdam siya ng mga sintomas, madalas din siyang matulog nang nakahubad dahil naiinitan siya kahit hindi naman mainit ang panahon.

  • Pebrero 9 - Apat na beses siyang nagsuka at sumasakit ang kanyang ulo. Nahihilo rin siya, nanghina, sumakit at nangangalay ang kanyang likod pababa hanggang sa paa.

  • Pebrero 11, 12 at 13 - Noong Pebrero 11, muli siyang dinala sa ospital. Iminungkahi ng doktor na kailangan siyang i-CT scan, na siya namang nangyari noong Pebrero 12, 2019. Nalaman ang resulta nito noong Pebrero 13, 2019 na diumano ay may tubig ang kanyang utak. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, dinala ulit siya sa ospital. Pagkadating nila ru’n, nagsuka siya ng dugo. Makalipas ang ilang sandali, muli siyang nagsuka ng dugo, pero mas malapot na at nagkukulay itim na ito. Pagsapit ng hating gabi ay in-admit na siya sa ospital.

  • Pebrero 14 - Hindi niya makontrol ang kanyang pagkilos. Nasisilaw din siya kahit hindi naman maliwanag ang paligid. Labis ding masakit ang kanyang paa at pagsapit ng gabi, hindi na siya makatayo. Nagpupumiglas din siya at nais nang umuwi. Unti-unti na rin siyang hindi nakakakilala. Pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, sabi ng neurologist, kailangan siyang operahan. Inilipat siya ng ospital na may mas mababang bayad. Habang sila ay nasa ambulansya, may mga lumabas na pantal sa kanya na nawala rin, pero pagdating sa emergency room, bumalik ito at nangitim ang kanyang mga labi.

  • Pebrero 15 - Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, habang siya ay nasa emergency room, ni-revive siya. Ilang sandali lamang ay sinabihan ng doktor ang mag-asawang Caidlang na si Jovanni ay tuluyan nang pumanaw.


Salaysay ng mag-asawa, “Si Jovanni ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Kailanman ay hindi pa siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, bukod nitong kamakailan, kung saan malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Bukod pa ru’n, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection. Siya ay malusog, malambing, mapagmahal at masiglang bata. Siya ay mahilig sumayaw at wala siyang tanging kagustuhan kundi ang magbigay ng ligaya sa aming tahanan. Kaya napakasakit para sa aming pamilya ang pagpanaw ni Jovanni.”


Ang Dengvaxia cases ay puno ng mga totoong kuwento ng matitinding paghihirap ng mga biktima at ng kanilang naiwang mga pamilya. Sabi ng mga magulang ng yumaong si Jovanni, “Kung ano’ng hirap na naranasan niya ay dobleng sakit ng loob na naranasan namin dahil wala kaming magawa para tulungan siya. Kung puwede lang na kami na lang ang makaramdam ng kanyang sakit ay kukunin namin ito para hindi mahirapan ang aming anak.”


Hindi man makakasapat bilang pampawi ng hirap ng kalooban nina G. at Gng. Caidlang, buong sigasig naming itinataguyod ang kaso ni Jovanni na inilapit nila sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division.


Sa abot ng aming makakaya bilang kanilang mga manananggol, hindi namin hahayaan na ang maikling kuwento ng buhay ni Jovanni ay magtapos sa hapis kundi sa tagumpay na nag-uumpisa sa tatag ng kaloobang lumaban para sa katarungan.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page