ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 23, 2022
Sa Pilipinas, ang anihan ay nasa panahon ng tag-araw. Sa ibang mga lugar naman, halimbawa sa mga bansa sa Europa, ang buwan ng Setyembre ang tinaguriang harvest month. Sa harvest month na ito ng nasabing mga kanluraning bansa, nagkaroon ng malubhang karamdaman si Jhon Stephen Nepomuceno na nauwi sa kanyang dagliang kamatayan.
Sa iba’t ibang petsa ng Setyembre 2017, naramdaman ng pamilya Nepomuceno ang unti-unting pagdantay ng karit ng kamatayan kay Jhon Stephen, hanggang sa tuluyan siyang anihin nito nang maaga at wala sa panahon.
Si Jhon Stephen, 13, ay namatay noong Setyembre 27, 2017. Siya ang ika-138 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa Death Certificate ni Jhon Stephen, ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Tuberculous Meningitis (Immediate Cause). Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa barangay nila sa Cebu noong Hulyo 28, 2017. Sa kalendaryo ng buhay ng pamilya Nepomuceno, ang pinakamalungkot na panahon sa kanila ay ang Setyembre 2017, kung kailan naganap ang isang trahedya kay Jhon Stephen na humantong sa kanyang pagpanaw.
Narito ang mga kaugnay na detalye:
Unang linggo ng Setyembre 2017 - Nagkalagnat si Jhon Stephen. Madalas niyang isinusuka ang kanyang mga kinakain. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo.
Ikalawang linggo ng Setyembre 2017 - Dahil sa mga nabanggit na naramdaman ni Jhon Stephen, pinatingnan siya ng kanyang ina na si Ma. Lourdes N. Escabas sa doktor. Isinailalim siya sa iba’t ibang uri ng pagsusuri at ayon sa doktor, mayroon siyang viral infection.
Setyembre 11, 2017 - Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya sa isang ospital sa Cebu. Hindi maganda ang kalagayan niya at siya ay nagwawala dahil sa labis na pananakit ng kanyang ulo, kaya in-admit siya sa nasabing ospital. Hindi nawala ang kanyang lagnat. Kung anu-ano rin ang kanyang sinasabi at hindi na niya makilala ang kanyang ina na si Gng. Ma. Lourdes. Isinailalim siya sa CT scan at base sa resulta, may mild hydrocephalus at meningitis diumano siya.
Setyembre 13, 2017 - Inoperahan siya sa ulo upang tanggalin ang tubig na nakita ru’n. Matapos siyang maoperahan, hindi na siya muling nagising. Hindi na bumuti ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw.
Setyembre 27, 2017 - Sa araw na ito ay tuluyan na siyang pumanaw.
Sa salaysay ni Gng. Ma. Lourdes, sinabi niya, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Jhon Stephen. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Si Jhon Stephen ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball. Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan siya ay labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw.
“Labis din ang aking pangamba ngayon dahil ang isa ko pang anak na si Jhon Steven ay kasabay niyang naturukan ng Dengvaxia noong ika-28 ng Hulyo 2017.”
Ang kuwento ng yumaong si Jhon Stephen at kapatid niyang si Jhon Steven ay kuwento rin ng magkakapatid na parehong naturukan ng Dengvaxia – may mga binawian ng buhay at bagama’t may patuloy na nabubuhay ay pinangangambahan sa tuwina ang kanilang kaligtasan. Paulit-ulit man itong naririnig at naikukuwento, hindi nababawasan – sa halip ay lalo pang kumikinang – ang brilyo ng katotohanan hinggil sa nangyaring kapabayaan sa mga bata at kabataang naturukan ng nasabing bakuna.
Sapat ang aming mga ebidensya, kaya ang PAO at PAO Forensic Laboratory Division na nilapitan ng pamilya Nepomuceno at tulad nilang mga mahal sa buhay ng mga biktima ay nanatiling matibay ang paniniwala na malakas ang laban ng nasabing mga kaso sa hukuman. Anumang balakid na tatahakin ng aming tanggapan dahil sa pagtalima sa hiling na tulong legal ng mga biktima ng Dengvaxia ay aming matapang na haharapin sa ngalan ng hustisya.
Comments