top of page
Search
BULGAR

13-Anyos, nagkabutas sa puso, natuyuan ng utak, nabulag at namatay dahil sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 10, 2022


Napakahalaga ng tama at sapat sa detalye sa pagbabalita. Ito ay nakatutulong sa mga mamamayan na magkaroon ng gabay tungo sa matalinong pagpapasya sa mahahalagang usapin sa buhay, lipunan at bayan.


Si Aling Jenalyn De Jose ng Antipolo City, ina ni Joyce Ann Brizuela, ay nagpasya hinggil sa napakahalagang bagay na may kaugnayan sa kalusugan at buhay ng kanyang mga anak. Subalit, sa kaso ng panganay niyang si Joyce Ann, hindi naganap ang kanyang kagustuhan kundi ang kabaligtaran nito.


Ani Aling Jenalyn, “Noong ika-23 ng Mayo 2018 nang magreklamo si Joyce Ann na siya ay nahihilo, nanlalabo ang paningin at sumasakit ang ulo at dibdib. Maugong ang mga balita noon hinggil sa mga batang namamatay dahil sa Dengvaxia vaccine, kaya sinabihan ko ang aking mga anak na huwag magpabakuna nito sa kanilang eskuwelahan. Subalit, sinabi ni Joyce Ann sa akin na siya ay tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia. Ipinag-alala ko ito nang labis, lalo na noong may mga kakaiba siyang nararamdaman.”


Si Joyce Ann, 13, namatay noong Enero 24, 2019, ang ika-113 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 17, 2016; pangalawa noong Enero 20, 2017, at pangatlo noong Setyembre 26, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang ina at lola (Pricilla Brizuela), si Joyce Ann ay masigla, aktibo at malusog na bata, gayundin, mahilig maglaro ng volleyball. Dagdag pa nila, kailanman ay hindi siya nagkaroon ng dengue at malubhang karamdaman na nangangailangang madala siya sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Pagdating ng 2018 at Enero 2019, ito ang mga nangyari kay Joyce Ann:

  • Mayo 25 at 26, 2018 - Hindi pa rin nawawala ang mga hindi magandang nararamdaman niya at siya ay nagkalagnat kaya dinala siya sa isang ospital sa Pampanga. Siya ay isinailalim sa X-ray at ECG at ayon sa doktor, parang inaatake si Joyce Ann. Dahil hindi kaya ng ospital ang sitwasyon niya, inilipat siya sa ibang ospital sa Pampanga noong Mayo 26, 2018. Nalaman na lumaki ang butas ng puso niya at maaaring kumalat sa dibdib niya ang impeksyon sa kanyang tonsils. Nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib, ulo at tiyan. Hindi bumuti ang kalagayan niya sa mga sumunod na linggo; siya ay nanatili sa ospital nang halos isang buwan.

  • Hunyo 22, 2018 hanggang Enero 2019 - Lumabas siya sa ospital kahit hindi pa siya lubusang magaling. Patuloy siyang nagreklamo ng pananakit ng ulo.


Sa iba’t ibang petsa ng Enero 2019, narito ang mga detalye ng nangyari kay Joyce Ann:

  • Enero 16 - Matindi ang sakit ng kanyang ulo, lumalabo ang kanyang paningin at siya ay nanghihina.

  • Enero 17 - Muli siyang dinala sa ospital at isinailalim sa X-ray at CT scan; nalaman na mas lumaki ang butas sa puso niya at ang kalahati ng kanyang utak ay natuyuan.

  • Enero 18 - May lumabas na dugo sa bibig niya. Namaga rin ang mga paa niya at siya ay nagkalagnat.

  • Enero 19 - Inilipat siya sa ICU. Pinayuhan ng doktor ang kanyang pamilya na kailangan siyang tubuhan pero hindi sila pumayag. May lumalabas na dugo sa bibig niya na minsan ay nagkukulay itim at hirap na hirap siyang huminga. Nais siyang ilipat ng kanyang pamilya sa ibang ospital, subalit hindi sila pinayagan. Bumagsak na ang katawan niya.

  • Enero 20 - Muling sinabihan ng mga doktor ang kanyang pamilya na kailangang matubuhan siya, ngunit hindi sila pumayag. Sabi ng doktor, maaaring hindi niya kayanin ito. Paralisado na ang kalahating parte ng kanyang katawan— hindi na siya nakakapagsalita at lumalabas ang dugo sa bibig at ari niya.

  • Enero 23 - Nagsusuka siya ng dugo. Masakit ang kanyang dibdib, tiyan at ulo. Nag-agaw buhay siya.

  • Enero 24 - Nagwala siya dahil sa pananakit ng kanyang ulo, dibdib at tiyan. Hindi na rin siya makakita at hirap sa paghinga. Muli siyang nag-agaw buhay at tinurukan siya ng pampatibok ng puso, subalit tuluyan siyang pumanaw. Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas ang mga pantal sa katawan niya. May mga lumalabas ding itim na dugo sa kanyang bibig.


Anang kanyang ina at lola, “Kung hindi nabakunahan si Joyce Ann ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi ng kanyang pagkamatay. Wala sa pamilya namin ang nagkaroon ng sakit ng puso na sinasabi nilang sakit ni Joyce Ann. Sobra rin siyang nahirapan dahil siya ay nabulag, naparalisa ang katawan at nagsusuka ng dugo at hindi na pinakakain. Dobleng sakit ang naramdaman namin dahil sa awa kanya, kaya kinakailangang may managot sa kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.”


Upang makamit ang hustisya laban sa mga taong may kapabayaan sa nangyari kay Joyce Ann, kasama ng pamilya Brizuela ang PAO, ang inyong lingkod at PAO Forensic Team, ito ay bilang pagtalima sa kanilang kahilingan, pagsunod sa aming mandato at kautusan ng Department of Justice (DOJ).


Sa aming pagtalima at pagsunod sa mandato, maraming masasagasaang tao na nagsasabing sila ay kilala sa larangan ng kalusugan. Ang iba sa kanila ay personal na ang atake sa aming mga pribadong buhay, ngunit nangingibabaw ang aming pagtugon sa daing ni Joyce Ann at tulad niyang mga biktima na nagtiwala na maliligtas sa karamdaman, ngunit kamatayan ang kanilang kinahantungan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page