ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 3, 2023
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, isa sa mga pangyayari sa maraming kabataang biktima na napakasakit alalahanin para sa kanilang mga kapamilya at sa aming mga manananggol nila ay ang mga pagbabagong naganap sa kanilang pagkatao. Tila binura ng mga pagbabagong ito ang tunay na sila, at pinalitan ng mga gawi na kakaiba–nagmistula silang estranghero sa kanilang pamilya. May insidenteng kaugnay dito ang naganap kay Shekina Venice Arciaga, anak nina G. Quintin at Gng. Girlie Anne Arciaga ng Quezon City.
Noong Oktubre 23, 2019, may kakaiba siyang ginawa na ikinagulat ng kanyang mga magulang. Ayon sa salaysay ni G. Quintin, “Nagising at nagulat ako nang makita ko si Shekina Venice na may hinahalungkat sa kabilang kuwarto. Sa kuwarto naming mag-asawa natutulog ang aming anak. Tinanong ko kung ano ang ginagawa niya at tumugon naman siya na siya’y inutusan diumano ng kanyang ina na gumawa ng costume para sa isang United Nations activity.”
Anang kanyang ina, “Ako ay nagulat sa ginagawa ng aming anak dahil hindi ko naman siya inutusan na gumawa ng costume. Nabahala sa aming nasaksihan at agad namin siyang dinala sa isang ospital.”
Si Shekina Venice, 13, ay namatay noong Oktubre 28, 2019. Siya ang ika-149 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Dengue Severe (Immediate Cause). Siya ay naturukan ng tatlong beses ng Dengvaxia sa kanilang paaralan noong taong 2016 at 2018. Noong 2016, inabutan niya ang kanyang mga magulang ng isang papel, galing sa kanyang paaralan, kung saan ay magbibigay sila ng pahintulot upang siya ay maturukan ng nasabing bakuna. Saad ng kanyang mga magulang, “Sa kagustuhan naming siya ay maproteksiyunan laban sa dengue ay pinirmahan namin ito. Taong 2018, sa kasagsagan ng kontrobersiya hinggil sa Dengvaxia ay sinabihan kami ng aming anak na 3 beses siyang naturukan ng bakuna.”
Pagdating ng taong 2019, narito ang nangyari kay Shekina Venice, hanggang sa kanyang pagpanaw noong Oktubre 28, 2019:
Pebrero - Palagi siyang tulala at nagtuluy-tuloy ito sa mga sumunod na buwan.
Hunyo - Uminda siya ng pananakit ng ulo at napadalas din ang kanyang pagligo.
Oktubre 15 - Siya ay nagka-ubo’t sipon at dinala sa isang ospital sa Quezon City, du’n niresetahan siya ng antibiotics.
Oktubre 21 at 22 - Nagkalagnat siya, nagreklamo rin ng pananakit ng kanyang ulo at likod ng mata. Ito ay nagpatuloy kinabukasan.
Oktubre 23 - Pagdating sa ospital, ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang, “Ayaw pa nilang i-confine ang aming anak. Sinabihan namin ang doktor na siya ay 3 beses nabakunahan ng Dengvaxia. Tinanong kami ng doktor kung ano ang gusto naming mangyari para sa aming anak, kami ay nag-request na isailalim siya sa laboratory examinations. Base sa naging resulta, positibo siya sa dengue. Siya rin ay nagreklamo ng pananakit ng ulo at likod ng mga mata. Gayunman, kahit may dengue, ay nanatili siyang malakas. Ngunit nagpatuloy pa rin ang kaniyang pananakit sa mga sumunod na araw.”
Oktubre 25 - Naging iritable at isip-bata siya. Gayundin, ang kanyang pagregla kahit bagong regla pa siya. Tinanggal na rin ang kanyang suwero at ayon sa doktor ay maaari na siyang lumabas sa ospital ng Oktubre 27.
Oktubre 26 - Batay sa doktor, hindi normal ang kanyang pagreregla at nang magtanghali, lumapot ang kanyang dugo. Kinagabihan, nagsuka siya ng may kasamang dugo. Ubo siya nang ubo at nilagyan ng nasogastric tube (NGT) ngunit sa bawat pag-ubo niya ay may dugo itong kasabay.
Oktubre 27 at 28 - Nang papalitan ng kanyang ina ang napkin niya, siya ay nahimatay. Bumaba ang kanyang blood pressure kaya ibinalik ang kanyang suwero. Alas-4:00 ng umaga, naging kritikal ang kanyang kalagayan at kinailangan dalhin sa ICU. Ngunit dahil walang bakante, hindi sila nakalipat. Sa halip, ang mga ICU doctors na lang ang pumunta sa kuwarto niya at sinalinan siya ng dugo. Patuloy pa rin ang kanyang pag-inda ng papanakit ng ulo, puson at likod ng mga mata. Dakong alas-3:00 ng hapon, nag-seizure siya. Pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, sina-suction na siya upang lumabas ang mga nakabarang dugo. Matapos ang dalawang oras, habang naka-intubate, siya ay nagwala. Ayon sa doktor, huling gamot na ang ibibigay sa kanya dahil baka siya ay ma-overdose. Hindi na rin tumitigil ang kanyang pagwawala at tuluyan ngang tumitirik ang kanyang mga mata. Dahil sa paghihirap na kanyang dinanas, nagpasya ang kanyang mga magulang na tanggalin ang kanyang life support. Pagsapit ng halos ala-1:00 ng umaga, Oktubre 28, 2019, tuluyan nang pumanaw si Shekina Venice.
Ayon sa kanyang mga magulang, “Mula nang nalaman namin ang kontrobersiya hinggil sa nasabing bakuna, hindi kami nagkulang na bigyan siya ng bitamina upang mas gumanda ang kanyang kalusugan. Gayunman, hindi pa rin niya nakayanan ang masamang epekto ng Dengvaxia.”
Inilaban ng magkabiyak na Arciaga na mailigtas ang kanilang anak hanggang sa huli. Sa yugtong ito ng kanilang pakikipaglaban para makamit ang katarungan para kay Shekina Venice, inanyayahan kami sa PAO, at ang PAO Forensic na maging bahagi nito. Nasa amin ang karangalan, at patuloy kaming magpupursige na makamit ang hustisya sa dulo ng laban sa legal na paraan. Nawa’y kasihan kami ng Poong Maykapal sa aming patuloy na pakikipaglaban sa hustisya upang makamit ng mga batang naging biktima at nakitil ng kontrobersyal na Dengvaxia. Mailap man ang hustisya sa tibay ng kalaban, nananalig ang kanilang mga pamilya na mangingibabaw pa rin ang awa ng langit.
Comments