top of page
Search
BULGAR

13-anyos na naturukan ng Dengvaxia, lumaki ang puso, namanas ang katawan...

at nagsuka ng dugo bago namatay.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 26, 2021



Sa mga kasong hinahawakan namin na may kaugnayan sa Dengvaxia, madalas naming naririnig sa mga magulang ng mga biktima ng nasabing bakuna ang pahayag na ito, “Hindi ipinaliwanag sa amin kung ano ang bakunang itinurok sa aming anak.” Ito ay tila babala na naririnig natin ngayon sa usaping bakuna sa COVID-19. Mulat na ang mga tao, kaya sa pagdedesisyon sa pagpapabakuna kontra COVID-19, humihingi sila ng matibay na batayan ng pagiging epektibo at ligtas ng mga available na bakuna para sa nagaganap na pandemya. Dahil sa taas ng antas ngayon ng kamalayan ng mamamayan hinggil sa mga bago at hindi pa gaanong subok na mga bakuna, masasabing nagsisilbing munting bayani ang mga batang biktima ng Dengvaxia. Isa sa mga munting bayani na ito si Marlon Jay A. Lorenzo (Kokey).


Si “Kokey”, anak nina G. Marlon at Gng. Ana Marie Lorenzo ng Nueva Ecija ay 13-anyos nang namatay noong Mayo 15, 2018 sa kanilang bahay. Siya ang ika-57 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Kokey ay naturukan ng Dengvaxia noong Abril 26, 2016 sa kanilang barangay. Nasundan ito ng pangalawang turok noong Oktubre 26, 2016. Pagkaraan nito ay nakita ng pamilya ni Kokey ang pababago sa kanyang kalusugan. Nagkaroon siya ng ubo, lagnat at nakaranas ng pagsusuka. Ang kanyang lagnat ay naging pabalik-balik din. Nawalan na rin siya ng ganang kumain at unti-unting nawalan ng sigla.


Sa iba’t ibang petsa ng mga buwan ng Abril, Hunyo at Setyembre 2017 ay ipinagamot si Kokey ng kanyang mga magulang sa iba’t ibang pagamutan upang malunasan ang kanyang mga nararamdaman. Narito ang kaugnay na mga detalye:


  • Ikatlong linggo ng Abril 2017 - Dinala ng kanyang mga magulang si Kokey sa lying in na malapit sa kanilang lugar. Binigyan siya ng gamot pero hindi umigi ang karamdaman niya. Ipinagpatuloy nila ang gamutan hanggang sa maubos ang gamot na binili nila.

  • Hunyo 9, 2017- Dinala si Kokey sa isang district hospital, ngunit hindi siya tinanggap dahil kulang ito sa pasilidad. Itinakbo siya ng kanyang mga magulang sa ibang ospital sa Cabanatuan City at in-admit siya ng 15 araw. Habang siya ay ginagamot, sinabi ng mga doktor na tumitingin na nagkaroon siya ng paglaki ng puso. Nagkaroon siya ng pamamanas at nagsuka rin ng dugo. Umigi naman ang pakiramdam niya hanggang sa siya ay nakalabas na sa ospital, subalit kailangan niyang uminom ng gamot para sa puso at pampaihi. Kada 21 araw ay kailangan din siyang mabigyan ng antibiotics at itinuturok ito sa kanya sa nabanggit na ospital sa Cabanatuan City. (Kalaunan ay bumibili na lang ng antibiotics ang kanyang mga magulang at pinatuturukan siya sa lying in na malapit sa kanilang lugar.) Nang makauwi sila sa kanilang bahay matapos ma-cofine si Kokey sa ospital ay umangat ang kanyang balikat at bumaba ang kanyang timbang. Nawalan na rin siya ng ganang kumain.

  • Setyembre 22, 2017 - Nahirapang huminga si Kokey. Nagtatae at nilalagnat din siya kaya siya ay dinala sa isang district hospital. Sa emergency room, mababa ang kanyang blood pressure. Ito ay natala na 50/70 kaya inilipat siya ng ospital kung saan nanatili siya ng 15 araw at napansin ng kanyang mga magulang na namanas na ang kanyang buong katawan. Pabalik-balik din ang kanyang lagnat at malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Nakalabas si Kokey sa ospital matapos umigi ang kanyang pakiramdam, ngunit ipinagpatuloy ang pagpapainom sa kanya ng gamot.


Tulad ng nakasaad sa itaas, si Kokey ay namatay noong Mayo 15, 2018. Nang araw na ‘yun, alas-2:00 ng madaling-araw, inubo, nilagnat, sumakit ang likod at tiyan ni Kokey. Minasahe siya ng kanyang mga magulang hanggang sa maibsan ang nararamdamang sakit. Alas-9:00 ng gabi, sumakit ulit ang tiyan ni Kokey. Dumumi siya ng dalawang beses, na ayon sa kanyang mga magulang ay “mabaho” at nagpapawis din siya nang malamig. Pagkahiga ni Kokey para matulog, bigla siyang bumangon at sinabi niya na nahihirapan siyang huminga at nanginig siya ng mga limang segundo hanggang sa binawian na siya ng buhay.


Anang kanyang mga magulang sa pagkamatay ni Kokey, “Napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Kokey. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Nais din naming liwanagin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan at walang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan ni Kokey kundi ang Dengvaxia.”


Noon, may paboritong pelikula ang mga bata na naging fantaserye rin sa telebisyon na pinamagatang “Kokey”. Maaalalang ang karakter na si Kokey ay isang maamo at mabait na alien na napunta sa Earth. Marahil, ang magagandang katangiang nito ang naging dahilan sa pagpapalayaw kay Marlon Jay ng Kokey. Ngunit ang Kokey na ito na naging biktima ay hindi kathang-isip lamang kundi totoong tao na naisakripisyo ang kabataan at pangarap. Dahil dito, totohanan din at walang humpay na pagtulong sa usaping legal at forensic science/medicine ang aming handog kina G. at Gng. Lorenzo hinggil sa inilapit nila sa amin na kaso ni Kokey.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page