ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | April 28, 2023
Maraming buhay ang nabuwis noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. May mga pamilyang mapalad na ligtas ang lahat sa kanila, ngunit hindi sa dengue. Ganito ang nangyari sa Pamilya Diola ng Bulacan. Ang isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya na si Diana Diola ay namatay.
Bagama’t siya ay Dengvaxia vaccinee, ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay Dengue Severe.
Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Arman at Gng. Maricel Diola,
“Matapos bumigay ang murang katawan ng aming anak na si Diana dahil sa Dengue Severe ay sinabihan kami ng mga doktor na ilabas na agad sa ospital para hindi siya maisama sa mga may COVID-19. Sinabihan kami na ang sanhi ng kamatayan ng aming anak ay Dengue Severe at ‘di ang COVID.”
Si Diana, 13, at namatay noong Hunyo 26, 2020. Siya ay ang ika-154 na naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA).
Si Diana ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Bulacan. Siya ay unang nabakunahan noong Abril 11, 2016, pangalawa noong Oktubre 11, 2016, at pangatlo noong Abril 19, 2017.
Noong Hunyo 2016, matapos siyang mabakunahan ay sumakit ang kanyang tiyan. Siya ay dinala sa Sapang Palay Ospital, at pinauwi rin matapos maresetahan ng gamot. Kapag nakakainom siya ay nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan.
Nasundan ng pagsakit ng kanyang tiyan noong 2017, matapos siyang mabigyan ng pangatlong bakuna. Mula nang siya ay mabakunahan ng Dengvaxia, madalas nang sumasakit ang kanyang tiyan at wala na ring ganang kumain. Binigyan siya ng kanyang mga magulang ng vitamins upang ganahan kumain. Nagpatuloy ang kanyang pananakit ng tiyan, at tuwing nangyayari ito, dinadala ni Gng. Maricel sa ospital at isinasailalim sa laboratory tests si Diana, ngunit wala silang makita na sanhi ng pananakit ng kanyang tiyan. Nagpatuloy din ang kawalan niya ng ganang kumain kaya pinaiinom siya ng gatas para may pandagdag na nutrisyon sa kanyang katawan.
Noong 2018 hanggang 2020, narito ang sinapit na hirap ni Diana dahil sa papalalang mga suliraning pangkalusugan hanggang sa siya ay pumanaw noong Hunyo 26, 2020.
Taong 2018 - Nagpatuloy ang pananakit ng kanyang tiyan. Sa kabila ng laboratory tests na isinagawa sa kanya, hindi matukoy kung ano ang dahilan ng pagsakit nito. Sa tuwing nabibigyan siya ng gamot ay nawawala ang sakit ng kanyang tiyan, subalit bumabalik makalipas ng ilang buwan. Gayunman, patuloy ang pagkawala ng kanyang ganang kumain. Nagtaka ang kanyang mga magulang dahil kahit ano’ng check-up, walang nakikitang dahilan kung bakit sumasakit ang kanyang tiyan.
Hunyo 2018 - Hindi na siya kumakain at nanghihina na. Ipinasok siya sa ospital, at nanatili siya roon nang walong araw. Walang makitang mali sa kanyang laboratory tests, kaya inuwi na siya.
Taong 2019 - Nagpatuloy ang pagsakit ng kanyang tiyan. Tuwing sumasakit ang kanyang tiyan, pinaiinom siya ng gatas dahil inisip ng kanyang mga magulang na baka sanhi lamang ng kanyang paghinang kumain ang pagsakit ng kanyang tiyan.
Hunyo 21, 2020 - Dumaing siya ng pananakit ng tiyan at nilagnat. Dinala ulit siya sa pinagdalhang ospital sa Sapang Palay. Umabot sa 39 degrees Celsius ang taas ng kanyang lagnat, at ayon sa kanyang laboratory test, mayroon siyang Urinary Tract Infection (UTI). Pagkatapos noon ay iniuwi na siya.
Hunyo 23, 2020 - Nilagnat at dinala siyang muli sa ospital. Dumaing siya ng pananakit ng tiyan, ulo at kasu-kasuan. Sa laboratory tests, UTI pa rin ang nasa findings. Niresetahan siya ng antibiotics at iniuwi siya pagkatapos. Noong uminom siya ng gamot, bumuti naman ang kanyang kalagayan.
Hunyo 25, 2020 - Habang siya ay nagsisipilyo, wala umano siyang makita, nahihilo at namamanhid ang kanyang mga paa, at nawalan din siya ng malay. Binuhat siya ni G. Arman upang madala muli sa ospital. Nalaman na mababa ang kanyang platelet count at may dengue siya. Nabanggit din ng doktor na wala umanong pulso at blood pressure si Diana at kritikal na siya. Dahil sa kanyang kalagayan at walang espesyalista sa dengue ang ospital, inilipat siya isang ospital sa Pampanga. Kritikal pa rin ang kanyang kalagayan at dinala sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU).
Hunyo 26, 2020 - Si Diana ay sinalinan ng dugo. Naging kritikal siyang muli. Naglabasan na ang dugo sa kanyang bibig, ilong at sa ibang parte ng kanyang katawan. Siya ay binawian ng buhay alas-6:00 ng umaga, nang araw na ‘yun.
Ayon sa kanyang mga magulang, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aming anak. Siya ay masiyahin, masigla at malusog na bata bago siya mabakunahan ng Dengvaxia. Subalit nang siya ay mabakunahan, naging matamlay at nawalan na siya ng gana kumain. Ito pala ang epekto ng Dengvaxia, ano’ng klaseng gamot ito at nagdulot ng sakuna sa kalusugan ng aming anak?
“Napakadali lamang naglaho ang lahat ng pangarap ng aming anak. Matalino siya sa kabila ng madalas na pagsakit ng kanyang tiyan at pagkawala ng ganang kumain ay nanatili siyang nangunguna sa klase. Dahil dito, kahit mayroong General Community Quarantine (GCQ) at hirap makakuha ng sasakyan ay pumunta kami at humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim si Diana sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagpanaw niya. Kasama sa aming hiling sa PAO ay ang mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban namin ang kamatayan ng aming anak.”
Ang GCQ at mas matitindi pang pagsubok ay hinarap ng Pamilya Diola, mabigyan lamang ng katarungan ang sinapit ni Diana. Kasama ang kanyang kaso ngayon sa tinaguriang Dengvaxia cases na patuloy na ipinaglalaban ng aming Tanggapan sa kabila ng mga balakid na makamtan ang hustisya para kay Diana at tulad niyang mga biktima.
Isa na naman ang kaso ni Diana na nagpapakita na hindi pinag-aralang mabuti ang bakunang Dengvaxia, sapagkat sa halip na siya ay mabigyan ng proteksyon ng naturang bakuna, siya ay namatay dahil sa severe dengue. Paano ipaliliwanag ng mga kinauukulang responsable sa pagpapatupad ng pagbabakuna ng Dengvaxia na isa na namang bata ang nagbuwis ng buhay dahil sa naturang bakuna? Ang masakit pa rito, Dengue Severe ang sanhi ng maagang paglisan ni Diana, parehas ng sakit na sana ay napigilang dumapo ng bakunang Dengvaxia kung ito ay naging mabisa tulad ng sinasabi ng mga nasasakdal sa usaping Dengvaxia fiasco.
Tuloy ang laban dahil ang pinakamatinding pandemya ay hindi ang COVID-19 kundi ang kawalan ng hustisya!
Comments