top of page
Search
BULGAR

13-anyos, lumabo ang mga mata, nagka-uti at nagkatubig sa tiyan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 19, 2022


Ang paglalambing ng mga anak ay nagdudulot ng saya sa mga magulang. Nagpapakita ito ng pagmamahal at nagpapahayag ng pangangailangan nila ng mga bagay na nakakatulong sa araw-araw nilang buhay bilang nakababatang miyembro ng pamilya at lipunang kanilang ginagalawan. Bagama’t kadalasan, ang paglalambing ng mga anak ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang mga magulang, sa pamilya Valdez ng Tarlac, ito ay naghahatid ng mga alaalang may matinding kalungkutan. Ang ugat nito ay ang pagyao ng malambing na miyembro ng kanilang pamilya na si Maegan Valdez.


Si Maegan, 13, namatay noong Marso 1, 2019, ang ika-122 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 18, 2016, pangalawa noong Oktubre 11, 2016, at pangatlo noong Hunyo 21, 2017. Ito ay naganap sa isang health center sa Tarlac. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Domingo at Gng. Yolanda Valdez, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig din siyang sumayaw at maglaro ng volleyball. Gayundin, kailanman ay hindi pa umano siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw.


Nagsimula noong Abril 2018 ang pagkakasakit ni Maegan. Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at madalas humilab ang kanyang tiyan. Noong Setyembre 2018, lumabo ang kanyang kaliwang mata. Nagkaroon din siya ng kulani sa ilalim ng baba at siya ay nagkabeke. Nawala rin ang mga ito pagkatapos ng ilang araw. Noong Oktubre 2018, nagkalagnat siya at dinala siya sa isang ospital sa Tarlac, at pagkatapos masuri, napag-alaman na siya ay may urinary tract infection (UTI). Binigyan lamang siya ng gamot dahil ayon sa doktor, kaya pa itong pagalingin sa pag-inom ng gamot. Noong Disyembre 2018, siya ay matamlay, nawalan din siya ng ganang kumain at siya ay namumutla.


Pagdating ng taong 2019, narito ang ilan sa mga detalye ng mga nangyari kay Maegan hanggang siya ay pumanaw:

  • Enero 14 - Habang siya ay nasa eskuwelahan, muling humilab ang kanyang tiyan at sumakit ang kanyang ulo kaya siya ay pinauwi.

  • Enero 15 - Dinala siya sa isa pang ospital sa Tarlac at nalaman na may UTI siya at mababa ang kanyang platelet count. Sa kabila nito, sinabihan sila ng doktor na negatibo siya sa dengue infection. Na-admit pa rin siya sa ospital at taas-baba ang kanyang platelet count.

  • Enero 18 - Lumaki at tumigas ang kanyang tiyan. Matindi rin ang sakit ng kanyang tiyan, puson at sikmura.

  • Enero 20 - Base sa resulta ng ultrasound, nakita ng espesyalista na may tubig ang kanyang tiyan. Nagdumi siya nang kulay itim.

  • Enero 23 - Dinala siya sa isang pediatrician. Base sa pagsusuri, 28 ang kanyang platelet count at anim ang hemoglobin levels niya. Sinabihan sila na kailangang ilipat siya sa malaking ospital. Banat na banat na ang kanyang balat at manas ito. Sobrang sakit din ng kanyang tiyan. Dinala si Maegan sa isang ospital sa Tarlac na makakatugon sa kanyang pangangailangan. Ayon sa doktor, kailangan siyang salinan ng dugo. Hindi naman nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan. Iminungkahi ulit ng doktor na ipa-bone marrow aspiration siya, subalit hindi na nagawa dahil hindi kaya ng kanyang katawan.

  • Pebrero 7 at 11 - Nailabas si Maegan sa ospital noong Pebrero 7. Noong Pebrero 11, nanghina ang kanyang tuhod at hirap siyang makatayo. Naging mainitin na ang ulo niya at nawala ang gana niyang kumain, at tuwing kumakain siya, isinusuka niya rin ito. Namamanhid din ang kanyang paa at lumalabo na ang kanyang paningin.

  • Huling linggo ng Pebrero - Pabalik-balik ang kanyang lagnat. Siya ay nagwawala at siya ay nananakit; laking kaibahan, ayon sa kanyang mga magulang, sa dating anak nila na malambing. Noong Pebrero 28, lagi siyang naghahabol ng hininga at nahihirapan siyang matulog.

  • Marso 1 - Pinaliguan siya. Gustung-gusto niyang ngumuya ng yelo. Naiinitan siya, kaya itinututok sa kanya ang electric fan. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, tinanong niya ang kanyang mga magulang kung bakit mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. Mainit ang kanyang pawis at matapos nu’n ay dumumi siya. Pagsapit ng alas-11:30 ng gabi, sabi ni G. Valdez, “Naglambing pa si Maegan sa akin. Sinabihan niya ako na kandungin ko siya para masarap ang tulog niya, na akin namang ginawa. ‘Yun na pala ang huling lambing at hiling niya sa akin dahil pagkatapos nu’n, habang kandong ko siya ay tuluyan na kaming nilisan ng aming pinakamamahal na si Maegan.”


Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Acute Myocardial Infarction” (Immediate Cause); “Probably Secondary To Anemia” (Antecedent Cause); “Probably Secondary To Blood Dyscrasia” (Underlying Cause).


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Maegan. Hindi siya sakitin, at nang minsan siyang nagkasakit ay diretso na ito sa kanyang pagpanaw. Hindi namin maiwasang mag-isip kung anong klaseng gamot ang naiturok sa aming anak at ikinamatay pa niya ito.”


Ang higit pang nagpapasakit ng kanilang kalooban, anila, “Wala kaming masagot sa kanya sa tuwing tinatanong niya kung ano’ng nangyari sa kanya at bakit hindi siya gumagaling.”

Namatay si Maegan na hindi nila nabigyan ng kasagutan. Hindi na sila papayag na ang hustisyang nararapat kay Maegan ay hindi rin matugunan, kaya lumapit sila sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division. Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang ang hindi mauwi sa muli nilang pagkabigo ang hindi nila pagsuko sa labang ito.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page