top of page
Search
BULGAR

13-anyos, dumanas ng pananakit ng ulo, tiyan, katawan at kasukasuan, bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 24, 2023


Ang kaarawan ay itinuturing na espesyal na araw ng taong nagdiriwang nito. May pagkakataon na kahit may mga pasanin sa buhay ay nagkakaroon ng kagaanan.


Ngunit, ang munting hiling ng dalagita na si Jessica Poquiz ay naipagkaitan at sa halip ay bigat ng kalooban ang kanyang naramdaman.


Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Jusite at Gng. Grace Poquiz ng Parañaque City, “Noong ika-8 ng Nobyembre 2018, kaarawan ng aming anak, sinabihan niya kami na mabigat ang loob niya dahil masama ang kanyang pakiramdam. Hanggang sa sumunod na taon ng 2019 ay naging pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo, tiyan, katawan at kasukasuan.”


Si Jessica, 13, ay namatay noong Nobyembre 1, 2019. Siya ang ika-148 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Cerebral Herniation (Immediate Cause), Ruptured Artenovenous Malformation Versus Intracranial Mass (Other Signigicant Conditions Contributing to Death). Si Jessica ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskwelahan sa Parañaque City. Noong Nobyembre 2017, nag-umpisa siyang dumaing ng pananakit ng likod at matapos noon, napansin ng kanyang mga magulang na siya rin ay hinihingal. Sa pagdaan ng mga buwan ay lumala ang kalagayan niya.


Sa mga taong 2018 at 2019, narito ang pinagdaanang mga karamdaman ni Jessica hanggang sa siya ay bawian ng buhay noong Nobyembre 1, 2019:


  • Pebrero 2018 Nagreklamo siya ng pananakit ng kalamnan, tiyan, ulo, likod, mga buto at kasukasuan. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Manila upang ipasuri. Ayon sa doktor, normal naman ang kalagayan niya. Payo pa nito, painumin lamang siya ng Gatorade na siya namang ginawa ng kanyang mga magulang. Gayunman, wala pa ring magandang pagbabago sa mga nararamdaman niya. Lagi siyang pagod kahit hindi naman siya nagpapakapagod. Nagpatuloy ang mga masasamang nararamdaman niyang ito sa mga sumunod na buwan.

  • Mayo 17, 2018 - Muli siyang dinala sa ospital sa Manila. Normal pa rin ang resulta ng pagsusuri ng doktor sa kanya, kaya siya ay pinauwi rin. Ang daing ni Jessica ay ang pananakit ng kanyang kalamnan, at paghingal at pagod. Hindi pa rin bumuti ang kalagayan niya.

  • Hunyo 2019 - Dahan-dahan na siya kung maglakad. Patuloy pa rin ang pagsakit ng ulo niya.

  • Hulyo 2019 - Namaga ang mukha ni Jessica. Dumaing siya ng pananakit ng kanyang ulo, tiyan at kalamnan. Hinihingal din siyang huminga. Hindi pa rin bumuti ang kalusugan niya sa mga sumunod na buwan.

  • Oktubre 29, 2019 - Dumaing siya ng sobrang pananakit ng ulo. Siya ay umuungol sa sakit, nagwawala, naduduwal at nagsusuka. Dahil doon, itinakbo siyang muli sa ospital. Habang sakay sila ng taxi, bumula ang bibig niya. Pagkadating nila ru’n, sinabihan sila ng doktor na nag-agaw-buhay si Jessica at kailangang i-revive. Dagdag pa nila, brain dead na siya at delikado ang kanyang buhay. Hindi na siya magising at puso na lamang niya ang tumitibok. Siya ay isinailalim sa CT scan, at base sa resulta, may pumutok na ugat sa utak niya. Pagsapit nga ng pasado alas- 7:00 ng umaga nang Nobyembre 1, 2019, tuluyan nang pumanaw si Jessica.


Salaysay nina G. at Gng. Poquiz, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aming anak. Hindi ipinaliwanag kung anong puwedeng maging epekto nito sa kanyang kalusugan. Hindi rin siya tinanong kung nagkaroon ba siya ng karamdaman na maaaring maging balakid upang siya ay mabakunahan nito. Kung nabigyan lamang kami ng pagkakataong malaman kung anong puwedeng maging epekto nito kay Jessica, siguradong hindi kami papayag. Kung hindi siya nabakunahan, nabubuhay pa sana siya ngayon, kaya kinakailangang may managot sa kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.


“Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Buo ang loob ng mag-asawang Poquiz na panagutin ang pinaniniwalaan nilang responsable sa trahedyang nangyari sa kanilang anak. Nilapitan nila ang aming tanggapan at PAO Forensic Team. Aming ibibigay ang lubos namin kakayahan sa kanyang kaso at sa tulad niyang biktima upang mapanagot sa matinding kapabayaan at kakulangan ng malasakit ang mga kinauukulan.


Habang ipinaglalaban ang tila napakailap na hustisya, ang magagandang alaala na ito ay nananatiling buhay sa gunita ng mga magulang ni Jessica.


Sabi nila, “Siya ay malusog at maliksing bata. Ang aming anak ay mabait, mapagmahal at may matayog na pangarap. Ayon sa aming anak, nais niyang mangibang-bansa upang dalhin kami du’n at aalagaan. Noong nabubuhay pa ang aming anak, tanging kapakanan naming mag-asawa ang namumutawi sa kanyang mga bibig.”


Ang nasayang na buhay at magagandang katangian ni Jessica ay nagsisilbing inspirasyon at hamon sa amin na ang kanyang sakrispisyo, tulad ng iba pang biktima, ay magkaroon ng saysay–nawa’y maipagkakaloob ang hustisya sa dulo ng labang ito.


Ito ay pangako na maaaring panghawakan ng mga magulang ng biktima ng eksperimentong bakuna na Dengvaxia na karamihan ay kabilang sa mahihirap. Ang laban nila sa kanilang mga kaso ay isang uri ng paglaban sa kahirapan at sa hustisya, na tiyak kami ay kaagapay.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page