ni Thea Janica Teh | December 5, 2020
Umabot sa P802 milyong halaga ng ayuda ang ipinamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga public utility vehicle (PUV) operators na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, may kabuuang P802,860,500 ayuda ang ipinamahagi sa 123,517 PUV units.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, naglaan ng P1.158 bilyong halaga ng ayuda para sa mga operator ng PUV na nawalan ng mapagkakakitaan sa panahon pandemya.
"Tuluy-tuloy lang po ang pamimigay ng subsidiya sa mga PUV operators na lubhang apektado ang kabuhayan ng kasalukuyang pandemya. Patunay po ito sa nais ng pamahalaan na sila ay tulungang makabangon. Hindi po sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng pandemya," dagdag ni Delgra.
Samantala, makukuha naman ng 17,612 PUV units ang kanilang ayuda sa mga susunod na araw. Ito ay parte ng P917,338,500 “obligated” fund para sa mga PUV operators.
Sa ilalim ng Direct Subsidy Program, ang bawat operator ay makatatanggap ng P6,500 per PUV unit sa ilalim ng kanilang franchise.
Ngayong Disyembre, nasa P724 milyong halaga ng ayuda na ang naipamahagi para sa 110,000 operators.
תגובות