ni Lolet Abania | October 6, 2021
Sisimulan na sa Nobyembre 15, ang pilot implementation ng limitadong face-to-face classes sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd) sa Senate hearing ngayong Miyerkules.
“We start on November 15, the face-to-face classes and tinaon po natin doon sa pilot schools, tinaon po ‘yan natin sa umpisa ng academic quarter two ng ating school calendar,” ani DOH Usec. Nepomuceno A. Malaluan sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. Base sa timeline ng DepEd, ang initial run ay tatagal hanggang Disyembre 22.
Matapos nito, magkakaroon ng assessment ang ahenisya hinggil sa pagsasagawa ng in-person classes. Ang naturang pilot study ay magtatapos naman ng Enero 31, 2022.
Kasunod nito, susuriin ng DepEd at ia-identify ang iba pang eskuwelahan para sa pagpapalawig ng pilot run, magsasagawa rin ng site inspection, dry-run at ipiprisinta ang expansion proposal kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Pebrero 2022.
Kapag naaprubahan naman ito, plano ng DepEd na simulan ang expanded pilot run ng face-to-face classes sa Marso 7, 2022.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Duterte nitong huling linggo ng Setyembre ang limited face-to-face classes sa mga lugar na may minimal risk ng impeksyon ng COVID-19.
Una nang pinayagan ang limitadong face-to-face classes sa 100 pampublikong paaralan at 20 pribadong eskuwelahan, kung saan para sa mga Kindergarten hanggang Grade 3 students.
Comentarios