ni Lolet Abania | September 5, 2020
Nakatanggap ang pamahalaan ng 120,000 piraso ng N95 masks mula sa gobyerno ng Canada bilang donasyon muli sa bansa kamakailan.
Sa naganap na turnover ceremony na dinaluhan ng mga opisyal ng Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA) at Canadian Embassy, ipinagkaloob ang donasyong particulate respirator N95 masks na tinatayang nagkakahalaga ng P30.4 milyon bilang pagsuporta ng Canada sa paglaban ng bansa sa pandemya ng COVID-19.
Labis na nagpasalamat si Health Undersecretary for Health Policy and Systems Development Dr. Mario Villaverde sa ipinagkaloob na donasyon, na ayon sa kanya, napakahalaga para sa mga frontliners na nagseserbisyo sa buong bansa.
Nagbigay din ng pahayag si Canadian Ambassador James Peter MacArthur na nagsabing ang ginagawang ito ay kaugnay ng pakikipagtulungan ng naturang bansa sa ASEAN na layong malabanan ang nakamamatay na sakit na COVID-19.
Gayundin, ayon kay MacArthur, umaasa silang mapapaigting ang kooperasyon ng Pilipinas at Canada pagdating sa pangkalusugan at edukasyon.
תגובות