top of page
Search
  • BULGAR

12 yrs. makukulong… VICE, ION AT TONI FOWLER, KAKASUHAN HANGGANG SUPREME COURT DAHIL SA KALASWAAN

ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 18, 2024



Showbiz News

Nanalo pala ang Viva Entertainment sa kasong kriminal na isinampa ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBPI) laban sa ilang sexy stars ng Vivamax dahil sa malalaswang larawan nilang kumalat sa social media nu'ng nakaraang taon.


Sa ipinatawag na mediacon kahapon ng founder at chairman ng KSMBPI na si Doc Mike Aragon para sa unang digital advocacy series na kanilang ipo-produce, ang WPS (West Philippine Sea), ibinalita nito na natalo sila sa kaso dahil kasama sa freedom of expression and freedom of information ang pagpapalabas ng mga art form movies na ginagawa ng Vivamax.


At dahil nasa pang-adult streaming app naman napapanood ang mga sex movies na ito, kaya hindi ito puwedeng saklawan ng KSMBPI.


Ang maganda rito, ang pagsasampa ng kaso ng KSMBPI ay nauwi pa sa collaboration nila ng Viva Films dahil nagkasundo raw sila, thru the intervention of MTRCB, na susuporta ang Viva sa mga advocacy projects ng grupo. 


Kaya nga 'wag nang magtaka ang mga suki ng Vivamax kung bakit lumabas na sa kuwadra at nag-level-up na ang isa sa mga paboritong sexy stars dito na si Ayanna Misola na kasama sa WPS digital series na magsisimula nang mag-shooting sa October 1.


Masaya naman si Ayanna dahil nga maipapakita na raw niyang may talent din siya sa pag-arte bukod sa paghuhubad.


Pero kung natalo ang KSMBPI sa ikinaso nila sa Viva, ibinalita ni Doc Mike at ng lawyer ng organisasyon na si Atty. Mark Tolentino na ongoing pa rin ang criminal case na isinampa nila laban kina It's Showtime hosts Vice Ganda at Ion Perez at maging sa vlogger-content creator na si Tony Fowler dahil umano sa pagiging malaswa ng mga ito sa social media.


Matatandaang kinasuhan ng KSMBPI sina Vice at Ion dahil sa "icing lick" scene nila sa It's Showtime na napanood ng mga bata (kaya una nang sinuspinde ang show ng MTRCB) at kumalat din sa Facebook, Instagram, X at iba pang socmed platforms ang larawan ng dalawa sa diumano'y mahalay na sitwasyon.


Samantala, si Toni Fowler naman ay kinasuhan din ng KSMBPI ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa malaswang MPL music video nito.

Tinanong namin si Atty. Mark kung ano'ng puwedeng haraping parusa nina Vice Ganda, Ion Perez at Toni Fowler kung sakaling matalo sa kaso at pahayag nito, 6 to 12 yrs. daw na pagkakakulong.


Pero sinalo naman ni Doc Mike ang sinabi ni Atty. Mark at nagsabing puwede naman nilang iatras ang kaso kina Vice, Ion at Toni kung sasama lang ang mga ito sa kanilang advocacy project na WPS, tutal naman daw ay nakita rin ng doktor ang pagiging makabayan ng It's Showtime host.


Makipag-usap na lang daw ang mga ito sa kanila para iatras nila ang kaso, dahil kung magmamatigas daw ang mga It's Showtime hosts at ang vlogger, kahit makarating pa raw sila sa Supreme Court ay ilalaban nila ang kaso.


Speaking of WPS, excited na si Doc Mike Aragon na simulan ang shooting ng series sa October 1 dahil ito raw ang klase ng project na gigising sa kamalayan ng mga Pilipino sa pambu-bully na ginagawa sa atin ng China at pag-angkin nito sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas.


Pinangungunahan ang advocacy project na ito ng magdyowang sina AJ Raval at Aljur Abrenica (na parehong wala sa mediacon kahapon), magkapatid na Rannie at Lance Raymundo, Jeric Raval, Daiana Menezes, Ali Forbes, Ayanna Misola, Massimo Scofield, Jerica Madrigal, Lala Vinzon at Roi Vinzon.


Ang miyembro ng DGPI (Directors' Guild of the Philippines) na si Direk Karlo Montero ang magdidirek ng WPS.  


 
Sen. Bong

HINDI tatakbong mayor ng Maynila si Sen. Bong Revilla, Jr. kaya walang dapat ipangamba ang mga kakandidato sa naturang posisyon sa susunod na eleksiyon kahit nu'ng Linggo ay agad na naman palang rumesponde at nagbigay ng tulong ang aktor-pulitiko sa mga biktima ng malawakang sunog noong Sabado (Sept. 14) sa Tondo, Maynila. 


Halos dalawang libong pamilya ang nawalan ng bahay na natupok ng apoy sa Aroma Compound sa Vitas, Tondo na isang tenement area. 


Ang agap ni Sen. Bong, dumalaw agad sa mga evacuation centers kung saan pansamantalang nananatili ang mga apektado ng sunog. Nagdala ito ng libu-libong food packs, hot meals, bottled water at mga tsinelas para makatulong sa mga nasunugan.


“Kapag may mga ganitong sakuna, sinisiguro ko na agad akong makakapagpaabot ng tulong sa mga biktima dahil 'di ko lubos-maisip ang kanilang pinagdaraanan. Sa pamamagitan man lang ng ating konting tulong ay maibsan ang tindi ng kanilang pinagdaraanan,” ani Sen. Bong na consistent naman sa pagtulong sa panahon ng mga sakuna.


Sa ngayon, nananatili pa rin ang mga biktima ng sunog sa tatlong evacuation centers — covered courts ng Barangay 105 at Barangay 106 at sa Gen. Vincente Lim Elementary School. 


Hinikayat ni Sen. Bong ang iba pang mga kababayan natin na makapag-abot ng tulong sa mga nasunugan sa abot ng kanilang makakaya. 


“Marami namang tumutulong pero marami rin talaga ang apektado ng sunog na ito. Magsisimula ulit sila dahil wala na halos gamit na naisalba. Kaya hinihikayat ko ang mga kababayan natin na may ginintuang-puso na magpaabot din ng tulong. Oras muli para sa bayanihan,” dagdag pa ng senador.


0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page