top of page
Search
BULGAR

12 mins biyahe na lang... BGC-Ortigas Center Road Link, bubuksan na – DPWH

ni Lolet Abania | September 24, 2021



Target nang buksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) simula Oktubre 1, 2021, ang two-way, one-lane viaduct project na nasa Lawton Avenue, Makati City na direktang patungo sa 8th Avenue ng Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City para magamit na ng mga motorista.


“We’re excited that the Lawton Avenue to Global City viaduct section of the BGC-Ortigas Center Road Link Project will potentially be delivered to completion this September 30,” ani DPWH Secretary Mark Villar.


Nakumpletong gawin ang naturang bahagi ng BGC-Ortigas Center Road Link Project tatlong buwan matapos na buksan ng DPWH ang portion na kumukonekta sa lungsod ng Pasig at Mandaluyong patungong Kalayaan Avenue sa Makati via Sta. Monica-Lawton Bridge noong Hunyo 12, 2021.


Sinabi pa ni Villar, “Only a few more days, we are closer to our goal of cutting travel time between Bonifacio Global City and Ortigas Center to only 12 minutes.”


Ayon pa sa DPWH, base sa inspection report ni Unified Project Management Office (UPMO) Operations Undersecretary Emil Sadain, concrete-paved na ang approach 3 sa 8th Avenue na mayroong parapet wall sa magkabilang gilid, kasunod nito ang accelerated construction works ng joint venture contractor na Persan Construction Inc. at ng Sino Road and Bridge Group Co. Ltd. na aniya, “just in time for the planned inauguration this end of the month.”


“With the substantial completion of the median barrier, asphalt overlay of the viaduct ramp is anticipated by this weekend to be followed by the pavement marking and light post installation,” ayon kay Sadain.


Sinabi rin ng ahensiya na mahalaga ang 565-meter Lawton Avenue-Global City Viaduct dahil ito ang mag-uugnay sa dati nang nadaraanang Kalayaan Bridge na kilala rin bilang Sta. Monica-Lawton Bridge na nagli-link sa Pasig City at Makati City sa kahabaan ng Pasig River.


Ang viaduct at Kalayaan Bridge ay isinagawa bilang bahagi ng kabuuang 1.481-kilometer alignment ng P1.79-billion BGC-Ortigas Center Road Link Project.


Kabilang din sa konstruksiyon ng BGC-Ortigas Center Road Link Project ang kinakailangang improvement naman ng 362-meter Brixton Street (corner Reliance Street) patungong Fairlane Street at Pasig/Mandaluyong side para mas marami pang madaraanan ang mga motorista.


Ang BGC-Ortigas Center Link Road Project ay isa sa mga pangunahing Build, Build, Build na isinasagawa para matulungan ang EDSA Decongestion Program ng gobyerno na layong mapabuti ang sitwasyon ng trapiko sa nasabing lugar at iba pang pangunahing daan sa Metro Manila.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page