ni Thea Janica Teh | October 26, 2020
Labing-dalawang mangingisda sa Catanduanes ang naiulat ngayong Lunes na nawawala dahil sa patuloy na paglakas ng bagyong Quinta, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Cashean Timbal, ang mga mangingisda ay mula sa Bgy. Pananogan, Bato; Bgy. Cagdarao, Panganiban at Bgy. District 3, Gigmoto.
Dagdag pa ni Timbal, patuloy pa rin ang mga ito sa pagkalap ng detalye tungkol sa pagkawala ng mga mangingisda.
Sa ngayon ay wala pang natatanggap na impormasyon ang NDRRMC na namatay dahil sa bagyong Quinta. Umabot sa 2,475 pamilya o 9,235 katao mula sa Region 4A (Calabarzon), 4B (Mimaropa), 5 at Cordillera Administrative Region ang apektado ng bagyong Quinta.
Bukod pa rito, nawalan din ng kuryente ang bayan ng Quezon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon dahil sa lakas ng hangin na dulot ng bagyo.
Comentarios