top of page
Search
BULGAR

12-anyos, paulit-ulit sumakit ang ulo at inoperahan dahil sa tumor bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 10, 2023


Nahihilig ang mga kabataan sa iba’t ibang gadgets na nagagamit nila sa kanilang pag-aaral, pagsasaliksik ng mga bagay na may kaugnayan sa iba’t iba nilang interes, ganundin sa kanilang paglilibang. Sa kaso ni RB Dichoso Tamonan, ginamit niya ang kanyang tablet upang may matutunan mula sa internet tungkol sa kanyang mga nararamdaman.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Bernadette G. Dichoso ng Valenzuela City,

“Habang kami ay nasa ospital, nakita namin sa search history ng tablet niya ang mga searches niya sa internet hinggil sa pananakit ng ulo, tumor sa ulo, atbp.


Nagpapakita lamang ang mga ito na siya ay matagal nang may nararamdamang masama sa kalusugan.”


Si RB, 12, ay namatay noong Marso 10, 2019. Siya ang ika-150 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, si RB ay namatay dahil sa Ruptured Arteriovenous (Av) Malformation (Immediate Cause); T/C Medulloblastoma (Other significant conditions contributing to death).


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Hunyo 30, 2016; pangalawa, noong Enero 27, 2017; at huli, noong Hulyo 13, 2017. May naikuwento si Gng. Bernadette sa kanyang salaysay hinggil sa sitwasyon ng kanyang anak at tungkol din sa pagkakabakuna nito:


“Dahil madalas akong madestino sa malayong lugar, ang aking anak ay nakatira sa kanyang ama na si Romulo Tamonan noong siya ay maturukan ng bakuna kontra dengue. Kasamang tumitingin sa aking anak ang kanyang tiyahin na si Amelia Garcia (kapatid ni Romulo), dahil sa abroad ang trabaho ng kanyang ama. Nanatili na lamang siya rito sa Pilipinas noong 2016.


“Noong unang bahagi ng 2018, dahil maugong na ang balita hinggil sa kontrobersiya ng Dengvaxia at sakop ng kanyang edad ang mga naturukan nito, tinanong ko siya kung naturukan siya ng nasabing bakuna. Sinabihan niya ako na siya ay nabakunahan at mula noon ay palagi ko na siyang tinatanong hinggil sa kalagayan ng kanyang kalusugan. Sadyang malihim ang aking anak dahil madalas niyang sinasabi na maayos naman siya.”


Noong 2018 hanggang 2019, narito ang mga paghihirap ni RB bago siya pumanaw noong Marso 10, 2019:


  • Nobyembre 2018, ikalawang linggo at bago mag-Pasko - Sumakitang kanyang ulo. Siya ay pinainom ng paracetamol sa pag-aakalang sanhi ‘yun ng pagod sa pag-aaral dahil kakatapos lamang ng pagsali niya sa isang quiz bee. Umayos naman ang kanyang kalagayan noon, ngunit muling sumakit ang kanyang ulo bago mag-Pasko.


  • Enero 2019, huling linggo - Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo. Siya ay pinainom din ng paracetamol at dinala sa doktor. Ayon sa doktor, may vertigo si RB, kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito. Bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.


  • Pebrero 15, 2019 - Bumalik ang pananakit ng kanyang ulo. Sa pag-aakalang maaaring sa mata ang sanhi nito, dinala siya sa isang klinika upang ipasuri sa espesyalista. Habang siya ay sinusuri ng doktor, bigla siyang nangisay. Agad siyang isinugod sa isang ospital sa Marikina City. Masakit na ang ulo ni RB at hindi na siya makatayo.

  • Pebrero 16 at 18, 2019 - Sa isang ospital sa Quezon City, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Normal ang inisyal na pagsusuri sa kanya at siya ay negatibo sa dengue. Masakit pa rin ang kanyang ulo. Sumakit din ang kanyang tiyan noong Pebrero 18. Hindi na siya makakain nang maayos at hirap siyang makatayo. Siya ay isinailalim sa MRI. Sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan siyang operahan sa ulo dahil may nakitang tumor dito.


  • Pebrero 21, 2019 - Nagwala at nagsuka siya ng likido. Pagsapit ng gabi, cross-eyed na siya at hindi na makakilala ng tao. Nagwawala siya, at hirap makontrol ng mga tao.


  • Pebrero 22, 2019 - Inoperahan siya sa ulo. Hindi naman malignant ang tinanggal na specimen na isinailalim sa biopsy. Dinala siya sa ICU upangma-monitor, ngunit hindi na siya nagising.

  • Marso 9 at 10, 2019 - Dapat isailalim siyang muli sa MRI, subalit dahil hindi stable ang kanyang kalagayan, hindi ito natuloy. Ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan. Comatose na siya hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw noong Marso 10, 2019 matapos siyang subukang i-revive nang napakaraming beses.


Hinagpis ng kanyang ina,“Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ng aking anak.


Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball, volleyball at badminton. Siya ay may angking galing dahil madalas din siyang sumali sa mga quiz bee.


Kailanman ay hindi siya nagkasakit ng malubha at hindi nagkaroon ng dengue. Nito lamang siya naospital matapos siyang maturukan ng Dengvaxia.


“Humingi kami ng tulong sa Public Attorney's Office (PAO) para isailalim si RB sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya.”



Kasama rin sa hiling ng pamilya ni RB sa PAO ay ang mabigyan sila ng tulong legal para maipaglaban ang kamatayan niya. Kabilang ang pamilya ni RB sa mga nagsampa ng kaso na tinaguriang Dengvaxia cases, sa tulong ng PAO. Buo ang kanilang loob, bagama’t alam nila ang reyalidad hinggil sa hustisya – mailap na tila usa, lalo na sa mga biktimang tila mga isinakrispisyong mga tupa.


Nagsisilbi rin silang inspirasyon sa amin bilang kanilang mga manananggol at tinuturing na mga kapamilya na rin na pinagbuklod ng pagnanais na makamit ang katarungan para sa nasabing mga biktima. Tila nga napakahirap abutin ang kamay ng hustisya, lalo na’t mala-higanteng mga kumpanya ang aming sinasagupa. Subalit kami ay nananalig pa rin sa pantay na pagtingin ng Babaeng nakapiring habang hawak niya ang timbangan ng katarungan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page