top of page
Search
BULGAR

12-anyos, paulit-ulit nilagnat at nagka-rashes at hirap huminga bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 30, 2021



Marami na tayong naririnig na mga kuwento tungkol sa kabayanihan ng ating overseas Filipino workers (OFWs). Malaking bahagi ng mga kuwentong ito ang paghihirap nila sa ibang bansa upang maitaguyod ang minamahal na pamilya sa Pilipinas. Ngunit paano kung ang lahat ng bunga ng kanilang pagpupunyagi at pagsisikap ay hindi na mararanasan ng kanilang kapamilya dahil nawala sila sa mundong ito nang wala sa panahon? Hindi na kailangan sabihin pa na napakasakit nito, lalo na kung sa likod ng pangyayari ay may trahedya. Ito ang naging karanasan ni Gng. Jelly Ann Pascual sa kanyang anak na si Charisse Anne Pascual.


Si Charisse, 12-anyos na namatay noong Hulyo 28, 2018, ang ika-74 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Charisse ay tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Malolos, Bulacan noong Mayo 11, 2016, Enero 20, 2017 at Agosto 28, 2017. Nakasaad sa ibaba ang pahayag nina G. Charlie at Gng. Jelly Ann Pascual, mga magulang ni Charisse tungkol sa kanyang kalagayang pangkalusugan bago at pagkatapos niyang maturukan ng nasabing bakuna:


“Ang aming anak ay masayahin, masigla at malusog. Bukod sa pagkakaroon niya ng hika noong 5-anyos, hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman. Hindi rin siya nagkaroon ng dengue mula pagkabata, subalit matapos siyang maturukan ng bakuna kontra dengue ay nagbago ang kanyang kalusugan.”


Narito ang iba’t ibang sintomas na nagbibigay na ng mga pahiwatig sa magaganap na trahedya kay Charisse:

  • Disyembre 26, 2017 - Nagkalagnat, nagka-rashes at sumakit ang kanyang ulo. Siya ay pinainom ng paracetamol at bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan, subalit hindi nagtagal ay bumalik ang kanyang lagnat.

  • Disyembre 27, 2017 at ilang buwan pagkaraan nito - Dinala si Charisse sa doktor at niresetahan siya para sa lagnat at rashes. Bumuti ang kanyang kalagayan matapos inumin ang mga ito, ngunit paglipas ng ilang buwan, muli siyang nagkalagnat at nagka-rashes na sinabayan ng pananakit ng ulo. Muli siyang dinala sa doktor at niresetahan naman siya ng gamot para sa lagnat at rashes.


Pagdating ng Hulyo 2018, lumubha ang kalagayan ni Charisse na humantong sa kanyang kamatayan.

  • Hulyo 27 - Sa ikatlong pagkakataon, nagkalagnat at nagka-rashes si Charisse. Ipinakita pa niya ito sa kanyang ina nang magka-chat sila nito dahil nasa Riyadh si Aling Jelly Ann.

  • Hulyo 28 - Naninikip ang dibdib niya at siya ay nahihilo at bandang alas-11:00 ng umaga, dinala siya ng kanyang ama sa isang klinika. Siya ay niresetahan muli para sa lagnat at rashes. Pagkatapos ng kanyang check-up, dinala siya sa isang fast food restaurant upang pakainin dahil ang gamot na ibinigay sa kanya ay maiinom lamang pagkatapos kumain. Habang kumakain, nahilo, nagsuka at tuluyan siyang nawalan ng malay. Agad siyang dinala ni Mang Charlie sa isang ospital sa Malolos, ngunit hindi siya agad nagkamalay at namumutla siya. Wala siyang pulso at walang makuhang blood pressure sa kanya. Pagkalipas ng 30 minuto, nagkamalay din siya.


Siya ay inilipat sa isang ospital sa Malolos, Bulacan base sa payo ng mga doktor sa pinanggalingan niyang ospital dahil kumpleto diumano ang pasilidad doon. Hindi rin siya na-admit sa nasabing ospital dahil puno ng pasyente. Inilipat siya sa ibang ospital sa Bulacan, at nagreklamo siya ng paninikip ng dibdib at pananakit ng tiyan. Gayundin, siya ay nagsusuka na. Ipinayo ng doktor na kailangan siyang ilipat sa isang heart center, subalit hindi siya mailipat dahil napakataas ng kanyang heart rate na umabot sa 225 bpm (beat per minute). Si Charisse ay nahihirapan nang huminga.


Pagsapit ng alas-4:30 ng hapon, bahagyang bumaba ang kanyang heart rate. Habang bumababa ang kanyang heart rate, nagreklamo siya ng mas malalang hirap sa paghinga. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nawalan na ng oxygen sa katawan si Charisse at siya rin ay nawalan ng malay. Pagkatapos nito, in-intubate na siya at naging kritikal ang kanyang kalagayan. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-5:30 ng hapon, tuluyan nang pumanaw si Charisse.


Narito ang bahagi ng pahayag ng kanyang mga magulang tungkol sa kanyang pagkamatay, “Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia kay Charisse at sa iba pang mga bata. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kanyang kalusugan. Kung hindi nabakunahan si Charisse, nabubuhay pa sana siya ngayon kaya kailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.”


Ang pinaniniwalaan nina G. Charlie at Gng. Jelly Ann na kapabayaan ng mga taong responsable sa sinapit ni Charisse ay ninanais nilang papanagutin sa batas. Ang layunin nilang ito para sa minamahal nilang anak ang naghatid sa kanila sa aming tanggapan. Kasama nila ngayon ang PAO, ang inyong lingkod at kasamang mga public attorneys, ganundin ang buong PAO Forensic Team sa kanilang laban.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page