ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 8, 2022
Ang kamatayan ay may katiyakan, kaya ito ay dapat paghandaan. Gayunman, napakasakit sa mga magulang na makitang unti-unting nawawalan ng buhay ang kanilang anak dahil sa kapabayaan ng mga dapat na nangangalaga sa kanila. Hindi nanaisin ng isang magulang na siya ang maghatid sa kanyang anak sa huling hantungan dahil magdudulot ito ng labis na sakit sa kalooban.
Ang ganitong sitwasyon ang naranasan ni Gng. Jovelyn Jumao-As ng Caloocan City sa kanyang anak na si Charmelyn Jumao-As. Ang aktibo at girl scout na si Charmelyn ay hindi inaasahang maging handa sa napakaagang pagpanaw sa edad na 12.
Ayon kay Gng. Jumao-As, si Charmelyn ay masayahin, masigla, at malusog na bata. Dagdag pa niya, “Aktibo rin siyang makilahok sa mga activities sa paaralan gaya ng pagsasayaw at sa Girl Scout of the Philippines. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya mabakunahan ng Dengvaxia.”
Si Charmelyn ay namatay noong Enero 18, 2019. Siya ang ika-118 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Charmelyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 24, 2016, pangalawa noong Enero 5, 2017, at pangatlo noong Agosto 3, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanyang paaralan.
Sa iba’t ibang petsa ng Setyembre hanggang Nobyembre 2017, narito ang mga pinagdaanan ni Charmelyn bago siya binawian ng buhay:
Setyembre 27 - Nahihirapan siyang huminga. Nangangalay din ang kanyang likod at binti at ipinahilot ito sa kanyang ina. Dahil sa labis na pag-aalala, dinala siya sa isang ospital sa Caloocan City at pagkatapos masuri ru’n, nalaman na siya ay may bronchial asthma. Siya ay na-admit sa ospital at nanatili ru’n hanggang Oktubre 1, 2017. Dahil nahihirapan siyang huminga tuwing siya ay inaatake ng asthma, binilhan na siya ng sariling nebulizer para magamit sa bahay.
Oktubre 17 - Matapos ang isang linggo mula nang makalabas sa ospital si Charmelyn, siya ay nagkaubo at nagkasipon. Kaya sa petsang ito, muli siyang dinala sa nabanggit na ospital sa Caloocan City, at niresetahan siya ng gamot at bitamina. Bumuti naman ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan.
Disyembre 28 at 31 - Nakaranas siya ng labis na pag-ubo at hirap siya sa paghinga. Dahil dito, muli siyang dinala sa nasabing ospital sa Caloocan City. Nanatili siya ru’n hanggang Disyembre 31, 2017. Sa mga sumunod na buwan, bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.
Nobyembre 27, 2018, alas-5:00 ng madaling-araw - Muli siyang isinugod sa naturang ospital sa Caloocan City dahil sa parehong sintomas na hirap sa paghinga. Pinauwi rin sila nang alas-10:00 ng umaga. Sa kabila nito, ayon sa kanyang ina, “Nag-aalala na ako sa mga nararamdaman niya dahil sa mga nababalitaan ko na nangyayari sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia. Nakatatlong turok ang aking anak, subalit hindi naman nila binibigyan ng halaga ang Dengvaxia card kahit ito ay ipinakita ko.”
Pagdating ng Enero 2019, wala pang 20 araw ang mga naging huling sandali ni Charmelyn. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Enero 4 - Muling nagkaubo si Charmelyn. Matapos niyang mag-nebulize, bumuti ang kanyang kalagayan.
Enero 17 hanggang 18 - Bumalik ang kanyang ubo. Nagpatuloy ito kinabukasan (Enero 18, 2019), kung saan siya ay nahirapan muling huminga at nagkasipon. Bandang alas-6:45 ng umaga, isinugod siya sa ibang ospital sa Caloocan City. Ito ay matapos siyang pilitin ng kanyang ina na dalhin sa nasabing ospital dahil ayaw niyang pumunta sa ospital. Nang mga panahong ‘yun, nagsasabi si Charmelyn na “parang torete ang kanyang ulo at parang sasabog ito.” Nabanggit din niya na “hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.” Habang papunta sila sa nasabing ospital, nawalan ng malay si Charmelyn. Pagdating sa ospital nang alas-7:45 ng umaga, sinabi ng mga doktor na hindi na umabot nang buhay si Charmelyn. Ani Gng. Jumao-As, “Base sa kanyang Certificate of Death, namatay siya sa Pneumonia [Immediate Cause]; Bronchial Asthma [Antecedent Cause].”
Ayon pa kay Gng. Jumao-As, “Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna sa aking anak. Ako ay inabutan lamang niya ng isang papel upang magbigay ng pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia vaccine sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata at ito ay kontra dengue, pumayag ako. Subalit ito ay sa pag-aakala na makabubuti ang nasabing bakuna sa kanya. Hindi nila ako sinabihan sa maaaring maging epekto nito sa aking anak.”
Totoo na ang kamatayan ay may katiyakan. Ang katotohanang ito ay kailangan tanggapin na bahagi ng buhay. Subalit, ang kamatayang ang sanhi ay kapabayaan, kailanman ay hindi magiging katanggap-tanggap. Sa pamayanang ito, inaasahan ang pagkakaroon ng mataas na antas ng pagiging makatarungan, makatao, at higit sa lahat ay maka-Diyos. Bahagi ang PAO at ang PAO Forensic Laboratory sa pagbabantay at pakikipaglaban para sa pananatili kung hindi man ikatataas ng nasabing antas. Dahil dito, ang hiling ng mga kliyente namin sa mga kasong inilalapit sa amin tulad ng Dengvaxia cases, kabilang ang kaso ni Charmelyn, ay patuloy naming tatanggapin at kakalingain.
Ito ang mandato ng aming opisina at ipaglalaban namin ito, ayon sa isinasaad ng batas.
Comments