top of page
Search
BULGAR

12-Anyos, pabalik-balik ang ubo, sipon at lagnat, nagka-pneumonia pa bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 29, 2022


Hindi matatawaran ang pagmamahal ng mga lolo’t lola sa kanilang mga apo. Wala silang ibang hangarin kundi ang kabutihan ng mga ito. Ang pagmamahal na ito ang nagtulak sa isang lola na pabakunahan ang kanyang apo sa pag-aakalang makabubuti ito sa kanya. Ngunit may mga pagkakataon na maging ang manipestasyon ng pagmamalasakit at pagmamahal sa pagitan ng dalawang henerasyon na ito ay nauuwi sa trahedya. Ganito ang nangyari sa pamilya Acla.


Narito ang bahagi ng salaysay ni G. Edwin Acla tungkol sa kanyang anak na si Nathaniel Acla:


“Siya ay dinala ng aking nanay na si Juanita Acla sa covered court ng aming barangay upang paturukan ng nasabing bakuna. Ito ay base rin sa anunsiyo ng barangay na libreng Dengvaxia vaccine ng aming health center. Sa kagustuhan ng aking ina na mabigyan ng proteksyon laban sa dengue si Nathaniel, dinala niya ito sa covered court para mapabakunahan. Wala sa isipan namin na hindi pala ito maaasahang klase ng bakuna.”


Si Nathaniel, 12, ay namatay noong Pebrero 23, 2019. Siya ang ika-119 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Nathaniel ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 30, 2017 sa isang covered court sa Las Piñas City, na pinangunahan ng mga taga-health center. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Edwin at Gng. Jalean Acla, si Nathaniel ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig magbisikleta at maglaro ng basketball.


Dagdag pa nila, “Noong 7-anyos ang aming anak, nagkaroon siya ng primary complex. Gayunman, pagkatapos ng gamutan ay nanatili siyang malusog at hindi na nagkaroon ng malubhang sakit. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang madala siya sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong na sa kanyang pagpanaw.”


Pagdating ng 2018, narito ang mga naramdaman ni Nathaniel:

  • Pebrero - Nag-umpisa siyang magkalagnat at ubo, at naging madalas ito. Nagkaroon din siya ng mga pantal. Dinala siya sa doktor sa isang pribadong klinika at niresetahan siya ng antibiotics at paracetamol.

  • Abril at Agosto 2018 - Bumalik ang kanyang pag-ubo at lagnat na sinabayan ng sipon. Pagkatapos kumain, agad siyang dumidiretso sa palikuran, na hindi naman niya kaugalian. Dinala siya sa isang klinika at siya ay isinailalim sa x-ray at normal naman ang resulta nito. Gayunman, niresetahan siya ng antibiotics at bumuti naman ang kanyang kalagayan. Noong Agosto 2018, muling bumalik ang kanyang ubo, sipon, at lagnat; muli rin siyang dinala sa klinika. Umayos naman ang kanyang kalagayan pagkatapos niyang inumin ang mga inireseta sa kanya.

  • Nobyembre - Bumalik ang kanyang ubo, sipon at lagnat. Siya ay muling isinailalim sa x-ray at nalaman na siya ay may primary complex. Siya ay isinailalim sa medikasyon sa loob ng anim na buwan. Siniguro ng kanyang mga magulang na naiinom niya ang kanyang maintenance.


Noong 2019, lumubha ang kondisyon ni Nathaniel at nauwi sa kanyang pagpanaw:

  • Enero 30 - Nagkalagnat siya, nanikip ang kanyang dibdib, sumakit ang kanyang ulo, tiyan at binti. Palagi niyang sinusuntok ang kanyang mga binti dahil sinasabi niyang nangangalay ang mga ito. Naging bugnutin na rin siya at bumagsak ang kanyang katawan, kaya dinala siya sa isang ospital sa Las Piñas at doon nalaman na siya ay may pneumonia. Siya ay na-admit at ginamot ang kanyang pneumonia. Gayundin, niresetahan siya ng antibiotics sa loob ng 14 na araw.

  • Pebrero 14 at 21 - May pneumonia pa rin siya. Pinalitan ng doktor ng mas malakas na klase ng antibiotics ang iniinom niya. Noong Pebrero 21, 2019, lalong nanghina si Nathaniel. Nawalan siya ng ganang kumain at nagkasingaw siya sa bibig na parang bulak ang hitsura. Mabilis din ang pagtibok ng kanyang puso at siya ay hinihingal. Nanatili ang kanyang pag-ubo, sipon at lagnat. Nananakit din ang kanyang mga binti, habang ang kanyang dumi ay may pula na may laman na parang plema.

  • Pebrero 22 at 23 - Hirap na siyang magsalita at lumunok ng pagkain. Noong Pebrero 23, 2019, parang nalulunod na siya dahil sa hirap sa paghinga. Siya ay in-intubate at naging kritikal ang kanyang kalagayan. Siya ay nag-agaw buhay at pagsapit ng alas-8:00 ng umaga, tuluyan nang pumanaw si Nathaniel. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang agarang pagpanaw ay “Respiratory Failure” (Immediate Cause); “Pneumonia Severe” (Antecedent Cause); “Multi Drug Resistant Tuberculosis” (Underlying Cause).


Ayon sa kanyang ama, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ng aming anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Nasa trabaho kami nang nabakunahan ng Dengvaxia si Nathaniel. Ayon sa aking ina, hindi ipinaliwanag ng mga empleyado ng health center ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kanya. Ang primary complex ay karaniwang sakit ng mga bata at nagagamot naman ito. Hindi namin pinabayaan ang kalusugan niya kahit na gumastos pa kami sa doktor at gamot. Sa pribadong klinika rin namin siya dinadala upang siguraduhing mabibigyan siya ng tamang pag-asikaso, subalit sa kabila ng paggamot sa kanya ay hindi bumuti ang kalagayan niya.”


Ginawa ng mga magulang ni Nathaniel ang lahat ng kanilang makakaya upang maisalba ang kanyang buhay, ngunit hindi naging sapat ‘yun, kaya ang laban ngayon ng mag-asawang Acla ay karugtong ng kanilang naumpisahan noon.


Hindi na maibabalik ang buhay ni Nathaniel, ngunit ang katarungang matatamo ang magbibigay-dangal sa buhay na inutang sa naganap na nasabing trahedya. Ang PAO at PAO Forensic Team na nilapitan ng pamilya Acla ay nananatiling masigasig at matibay na kasangga nila sa labang pang-hustisya.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page