top of page
Search
BULGAR

12-anyos, pabalik-balik ang lagnat, nanikip ang dibdib at nagkaroon ng enlargement

of the heart bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 16, 2021



Isa sa pinakamasasayang sandali sa buhay ng mga magulang ay ang nakakakilala na ang anak na sanggol ng kanyang mga magulang. Salungat naman dito ang damdamin ng nasabing mga magulang kung ang anak na minumutya ay nawalan ng kakayahan na makakilala ng kanyang mga mahal sa buhay. Ang higit pang nagpapabigat ng damdamin ng nasabing mga magulang ay kung naganap ang mapait na pangyayaring ito kaugnay ng kamatayan ng pinakamamahal na anak. Ito ay nangyari kay G. Elezar Brigoli, Sr. (G. Brigoli) at sa kanyang yumaong anak na si Elezar B. Brigoli, Jr.


Si Elezar ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 4, 2018. Siya ang ika-59 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Elezar ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 28, 2017. Ayon sa kanyang ama na si G. Brigoli ng Cebu, ang batang Elezar ay nagkaroon ng nasabing bakuna habang siya ay nakatira sa kapatid ng ama na si Aling Imelda Brigoli. Dagdag pa ni G. Brigoli,

“Nakatira si Elezar sa kapatid ko mula nang siya ay nasa Grade 2 dahil walang magbabantay sa kanya sa bahay dahil kami ng kanyang mga kapatid ay nagtatrabaho na. Kada buwan ay dumadalaw sa bahay si Elezar upang kumuha ng kanyang buwanang allowance para sa pag-aaral at pangkain niya. Ang aking anak ay walang naging sakit mula sa kanyang pagkabata, sa katunayan ay kumpleto siya ng lahat ng bakuna na ibinibigay sa mga bata.”


Noong Marso 2018, nang dumalaw si Elezar sa bahay ng Tatay niya, nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib. Narito ang kaugnay na mga detalye, ayon kay G. Brigoli, “Sinabihan ko ang aking kinakasama na dalhin niya si Elezar sa The Generic Pharmacy kung saan mayroong mga libreng doktor doon at pinatingnan siya. Dahil siya ay may ubo at sipon, binigyan siya ng solmux at amoxicillin. Matapos noon ay ipina-X-Ray na rin siya ng aking kinakasama at nang lumabas ang resulta ay sinabi sa amin na mayroong enlargement of the heart si Elezar.”


Ang insidenteng ‘yun ay naging daan upang malaman ni G. Brigoli ang pagkakaturok ng Dengvaxia sa kanyang anak. Binanggit ito sa kanya ng kanyang pamangkin na kinumpirma naman ni Aling Imelda. Mula sa nasabing kapatid ni G. Brigoli, nalaman ng huli na dalawang buwan (bandang huling linggo ng Setyembre, 2017) matapos na mabakunahan si Elezar ng Dengvaxia, nagkaroon siya ng pabalik-balik na lagnat at nakararanas ng pananakit ng dibdib, lalo na kapag humihinga siya nang malalim. Narito ang naging reaksiyon ni G. Brigoli, “Nang malaman ko na nabakunahan ang aking anak ng Dengvaxia, lubos akong nag-alala sapagkat ang mga nararamdaman niya ay katulad ng mga nararamdaman ng ibang bata na namatay na naturukan ng nasabing bakuna na lumalabas sa mga balita.” Ang pag-aalalang ‘yun ni G. Brigoli ay tila naging hudyat ng paparating na trahedya sa kanyang anak na naramdaman din ng buo nilang pamilya. Sa iba’t ibang petsa ng Abril 2018 hanggang sa mamatay si Elezar noong Mayo 4, 2018, naganap ang mga pangyayari sa ibaba kaugnay sa nasabing trahedya:

  • Abril 2018 - Nakaramdam si Elezar ng pananakit ng ulo, tiyan at pagsusuka. Dinala siya ng kanyang ama sa albularyo upang patingnan.

  • Abril 21 at 23, 2018 - Dinala siya ng kanyang ama sa isang municipal hospital, subalit dahil sa kakulangan ng mga kagamitan doon ay inilipat nila si Elezar ng ospital noong Abril 23, 2018, kung saan sinabi sa kanila ng doktor na ang enlargement of the heart nito ay maaaring naroon na isang taon na ang nakalilipas. Nanatili siya sa ospital subalit hindi naman bumubuti ang kanyang kalagayan.

  • Mayo 2 at 4, 2018 - Naging maligalig si Elezar at nagsimula siyang magwala at hindi na siya makakilala. Ani G. Brigoli, “Nagulat kami dahil sa pagbabago ni Elezar. Hindi naman nagwawala ang aking anak, pero noong araw na ‘yun ay hindi siya mapigilan sa kanyang pagwawala.” Gusto na rin niya lumabas sa ospital. Dinala si Elezar sa intensive care unit (ICU), at nilagyan ng oxygen matapos itong tumigil sa kanyang pagwawala dahil naging kritikal na siya. Habang nasa ICU si Elezar, namaga ang kanyang mga braso at mukha, at nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at dibdib. Binigyan siya ng mga gamot, subalit hindi na niya naligtasan ang kanyang nararamdamang sakit at iginupo na siya ng kanyang karamdaman noong Mayo 4, 2018.

Narito ang pahayag ni G. Brigoli sa pagkamatay ng kanyang anak:


“Nakapagtataka talaga na napakabilis na mawala si Elezar, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Subalit nang siya ay mabakunahan ay bigla na lamang siya nakaramdam ng maraming masasakit sa kanyang katawan. Sa isip ko, alam ko na Dengvaxia ang naging dahilan ng pagkakasakit at maagang pagkamatay ng aking bunsong anak.”


Hiniling ni G. Brigoli sa aming Tanggapan at sa inyong lingkod na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanyang anak. At kaugnay nito, katulad ng nabanggit na sa itaas ay hiniling din niya ang forensic services ng PAO Forensic Laboratory Division. Ang mga kagyat naming serbisyo ay naibigay na kina G. Brigoli, at ang mga kailangan pa nilang tulong ay patuloy naming ipagkakaloob hanggang sa makamit ang katarungan para kay Elezar.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page