ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 8, 2022
Ang buhay ng bawat bata ay mahalaga, sapagkat sila ang kayamanan ng kanilang mga magulang. Lahat sila ay may kabuluhan sa buhay at ang magpapatuloy ng kasaysayan. Alam at tanggap ito ng lahat ng mga magulang. Gayunman, may mga pagkakataon na may mga magulang na hindi maiwasang magkaroon ng hinanakit dahil tila napagdamutan ng kapalaran at hindi naging kasing-palad ng ibang bata ang kanilang anak. Isa sa mga magulang na ito si Gng. Elvira G. Tongco ng Malabon City, ina ni Kylie Zsaren G. Tongco, Dengvaxia vaccinee.
Aniya, “Hindi ko maiwasang mag-isip kung ano’ng klaseng gamot ang naiturok sa aking anak at ikinamatay pa niya ito. Sa katunayan, magkakasunod na nagka-dengue ang aking anak, ang kanyang pamangkin noong 2018 at pinsan nitong taong kasalukuyan. Ang pamangkin niya ay nagpagaling lamang sa bahay, samantalang pinagpala namang gumaling sa ospital ang kanyang pinsan. Kung silang hindi naturukan ng Dengvaxia ay nakaligtas sa dengue, paano nangyari sa aking anak na nagka-dengue at naging dahilan ng kanyang pagpanaw sa kabila ng tatlong beses na pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia na sinasabi nilang bakuna kontra dengue? Napakalaking palaisipan nito sa akin at sa iba pa naming mga kaanak.”
Si Kylie, 12, namatay noong Pebrero 10, 2019, ang ika-117 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Tatlong beses siyang nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan; una, noong Abril 7, 2016; ikalawa, noong Oktubre 4, 2016; ikatlo, noong Hunyo 27, 2017. Ani Gng. Tongco, si Kylie ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa niya, “Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na kinakailangan siyang maospital, maliban sa pagkakaroon niya ng pneumonia noong siya ay 6-anyos at nang siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw pagkatapos niyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”
Noong Enero 30, 2019 ay nagkalagnat, ubo at sipon si Kylie at siya ay nagka-UTI (urinary tract infection). Dinala siya ng kanyang ina sa isang klinika sa Malabon City. Bumuti naman ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw pagkatapos siyang painumin ng mga gamot na inireseta ng doktor. Sa kabila nito, noong Pebrero 7, 2019, malata at mahinang umuwi galing sa paaralan si Kylie. Siya ay mayroong matinding lagnat, mayroon din siyang matinding sipon at ubo, at sumuka ng plema at laway. Napansin din ng kanyang ina na may rashes siya sa dibdib, likod at binti. Ang mga sumunod na araw ng Pebrero 2019 ang mga huling sandali ni Kylie bago siya pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Pebrero 8 - Masakit ang kanyang ulo at tiyan.
Pebrero 9 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila. Hirap siyang huminga dahil sa kanyang matinding ubo at pananatili ng pananakit ng kanyang ulo at tiyan. Nagpositibo rin siya sa NS1.
Pebrero 10 at 11 - Dahil hindi masyadong namo-monitor ng mga doktor si Kylie, iniuwi siya ng kanyang nanay sa kanilang bahay. Habang sila ay nasa daan, “nagkulay ube” si Kylie at hirap siyang huminga at magsalita na “parang umaatras ang kanyang dila.” Siya ay lantang gulay na at nakaranas ng hallucination. Nang siya ay dumumi, kulay itim ito. Nang napansin ni Gng. Tongco na pahina nang pahina si Kylie, dinala siya muli sa isang ospital sa Malabon City. Anang kanyang ina, “Parang bibigay na ang katawan ng aking anak. Tatlong beses siyang sinubukang i-revive. Noong ikalawa at ikatlong beses ay umagos ang dugo sa kanyang bibig hanggang siya ay tuluyan nang pumanaw.” Base sa ante-mortem diagnosis na may petsang Pebrero 11, 2019, si Kylie ay namatay sa Dengue Shock Syndrome.
Dagdag pa niya, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Kylie. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Ako ay inabutan lamang ng isang papel upang magbigay ng pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata ay pinirmahan namin ang nasabing papel. Isa pa, ito ay kontra dengue kaya pumayag ako. Subalit ito ay sa pag-aakala na makabubuti ang nasabing bakuna sa kanya. Hindi naman nila ako sinabihan sa maaaring maging epekto nito sa kanya. Kaya maliwanag na ako ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot ng gamot na ito sa kalusugan ng aking anak.”
Malinaw sa pangyayaring ito sa kaso ni Kylie na hindi nailatag ng mga awtoridad sa kanyang mga magulang ang buong katotohanan sa nasabing bakuna. Napakahalaga ng pagbibigay ng kabuuang impormasyon at katotohanan upang magkaroon ng matalinong pagpapasya na may kaugnayan sa kalusugan at kaligtasan sa kapahamakan na maaaring kaharapin.
Ang pagsasabi ng katotohanan sa maaaring idulot ng isang gamot na pinag-aaralan pa lamang ang bisa ay isang obligasyong hindi dapat isantabi ng mga taong may mandatong pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Mas maingat pa sana sila, sapagkat ang mga tuturukan nila ay mga kabataan na pag-asa ng ating bayan. Dahil muling naisakripisyo ang katotohanan, muling may naganap na kawalan ng katarungan sa nabuwis na buhay sa katauhan ni Kylie. Ipinagkatiwala ng pamilya Tongco sa PAO ang pakikipaglabang legal para sa kaso ni Kylie. Sa abot ng aming makakaya, palalaguin namin ang kanilang tiwala sa pagkamit ng hustisya para sa kanilang anak na pumanaw sa isang trahedya.
Comentarios