ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 23, 2021
Marami nang nagtagumpay sa pagiging maagap. Ngunit sa harap ng matinding panganib, lalo na kung may kaugnayan sa kalusugan, may mga pagkakataon na ang pagiging maagap ay hindi sapat kaya naman nauuwi pa rin ito sa kabiguan o matinding pagdadalamhati. Ganito ang naging karanasan nina Mang Jose Arriola at Aling Rosanna Rodelas ng Lipa City sa kanilang pinakamamahal na anak na si Julliane R. Arriola na nabakunahan ng Dengvaxia. Ani Mang Jose at Aling Rosanna:
“Matapos mabakunahan si Julliane ay wala naman kaming nakitang pagbabago sa kanyang kalusugan. Subalit nang dahil sa mga naririnig naming balita tungkol sa mga batang naturukan ng Dengvaxia ay binigyan na namin siya ng vitamins upang mapalakas ang kanyang resistensiya.”
Sa abot ng makakaya ng nasabing mag-asawa ay ginawan nila ng paraan upang mailigtas sa panganib — sa pamamagitan ng pagpapainom ng mga bitamina at gamot, at pagpapagamot sa ospital — si Julliane, ngunit hindi pa rin ito nailigtas sa kamatayan. Si Julliane ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 28, 2018. Siya ang ika-60 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Julliane ay naturukan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan nang tatlong beses. Una noong Abril 15, 2016; pangalawa noong Oktubre 19, 2016; at pangatlo noong Hunyo 28, 2017. Bago nangyari ang nasabing pagbabakuna kay Julliane, hindi siya nagkaroon ng anumang karamdaman na maaaring maging dahilan upang siya ay madala sa ospital kaya hindi pa siya nadadala sa roon kahit minsan. Kumpleto rin siya sa mga bakuna.
Noong Mayo 2018, naganap ang trahedya kay Julliane na nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:
Mayo 8 at 18, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat, kaya pinainom siya ng kanyang mga magulang ng Paracetamol. Nagtae rin siya ng tubig kaya binigyan siya ng Immodium, pinainom ng Gatorade at pinakain ng Sky Flakes para mabawi niya ang kanyang lakas. Nawala naman ito nang bahagya, ngunit bandang alas-10:30 ng gabi, nag- seizure si Julliane. Bigla siyang nawalan ng malay at nag-lock ang kanyang panga, kaya dinala agad siya sa isang ospital sa Lipa City. Sinabi na kailangan siyang mailipat sa ibang ospital dahil kailangan niyang mailagay sa ICU. Agad naman siyang nailipat ng ospital at bumuti naman ang kanyang kalagayan. Matapos ang 10 araw, tuluyan siyang lumakas kaya siya ay pinalabas na sa ospital noong Mayo 18, 2018.
Mayo 21, 2018 - Napansin ng mga magulang ni Julliane na ang hinigaang kutson nito ay nabasa. Nabasa rin ang kanyang damit at kumot kaya nagtanong sila kung siya ay naihi, subalit ang sabi niya ay pawis lamang ‘yun. Masakit din ang dibdib ni Julliane at nahihirapan siyang huminga. Dahil may sipon at hirap huminga ay binigyan siya ng kanyang mga magulang ng Salbutamol at inilagay ito sa nebulizer sapagkat ito diumano ang payo sa kanila ng doktor.
Mayo 24-27, 2018 - Dinala muli si Julliane sa ospital para sa kanyang follow-up check-up at binigyan siya ng antibiotics para sa kanyang ubo. Pag-uwi nila sa bahay, nanghihina na siya at ang gusto na lamang niyang humiga. Kapag siya naman ay nakahiga, panay siyang nakabaluktot. Nagpatuloy ito kinabukasan hanggang noong Mayo 27, 2018, para nang lantang gulay si Julliane. Siya ay hinang-hina na, napansin din ng kanyang mga magulang na tumutulo ang kanyang laway at hindi niya ito mapigilan at awang-awa sila noon sa kanilang anak. Bandang alas-5:00 ng hapon noong Mayo 27, 2018, natumba sa CR si Julliane. Dumaing siya na masakit ang kanyang dibdib at hirap siyang huminga kaya dinala siyang muli sa ospital. Tinanong siya ni Mang Jose kung ano ang nararamdaman niya dahil namamanhid ang kanyang mga kamay, subalit ang sagot lamang niya ay okay lang siya. Anang kanyang ama, “Sadya kasing mabait si Julliane. Marahil ayaw na niya kaming mag-alala pa sa kalagayan niya.”
Mayo 28, 2018 - Bandang alas-5:00 ng madaling-araw, nagreklamo si Julliane ng pananakit ng ulo at paninikip ng dibdib. Makalipas ang tatlong oras ay sinabihan ang mga magulang ni Julliane na lalagyan ang huli ng tubo para matulungan siyang huminga dahil kritikal na ito. Noong nalagyan siya ng tubo, siya ay nagwawala at sinusubukan niyang tanggalin ang tubo, kaya itinali ang mga kamay niya. Pumipiglas pa rin siya kahit nakatali at nagpatuloy ‘yun hanggang unti-unti na siyang manghina at tuluyan nang binawian ng buhay.
Narito ang bahagi ng pahayag ng mga magulang ni Julliane sa pagkamatay ng kanilang anak:
“Nakapagtataka talaga na napakabilis mawala sa amin si Julliane, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Nagreklamo lang siya na masama ang pakiramdam nitong Mayo 2018 at tuluy-tuloy na ito. Isa lang naman ang alam naming mag-asawa na kakaiba na nailagay sa kanyang katawan— ‘yun ay ang Dengvaxia vaccine na ayon sa mga naglalabasang balita ay nagdudulot ng malulubhang sakit. Nang dahil malaki ang paniniwala namin na Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng dati naming malusog na anak ay napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney's Office para mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.”
Ang idinulog na kahilingan ng mga magulang ng yumaong si Julliane ay kagyat naming inaksiyunan, at ang mga serbisyong patuloy nilang kailangan ay amin pa ring ibinibigay sa kanila. Ang sinapit ni Julliane ay isa sa pinakamatinding hirap na pinagdaanan ng mga biktima ng nasabing bakuna. Sa dulo ng laban namin para sa kanila, nawa ay naghihintay ang tagumpay ng katarungan.
Comments