top of page
Search
BULGAR

12-anyos, nagkabukol sa iba't ibang parte ng katawan at nagka-TB bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 18, 2022



May magandang nagagawa ang mga pangarap sa ating buhay. Ito ay tila may mga pakpak na may kakayahang dalhin tayo sa mas magandang bukas. Mapalad ang mga nangangarap na may talentong maaaring magsilbing karagdagang bagwis na makatutulong sa kanila na maabot ang kanilang mga inaasam. Si Kyla Nicole Macasaquit ay kabilang sa mga kabataang nabiyayaan ng mga talento na maaari niyang maging puhunan sa pagpapaunlad sa kanyang sarili at paghahanda sa kinabukasan. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Herman at Gng. Lucita Macasaquit ng Pampanga,


“Siya ay madalas sumali sa pageant at iba pang contest sa paaralan. Mahilig din siyang sumayaw at mahusay siya rito kaya ito ang kanyang ginagamit na talento sa kanyang pagsali sa mga patimpalak.”


Sa kasamaang-palad, siya ay hindi na nagkaroon ng panahon upang higit pang mapalago ang kanyang mga talento. Si Kyla Nicole,12, namatay noong Nobyembre 16, 2018, ang ika-101 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 13, 2016, pangalawa noong Oktubre 18, 2016 at pangatlo noong Hunyo 14, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon kina G. at Gng. Macasaquit, si Kyla Nicole ay masayahin, masigla at malusog na bata. Sabi pa nila,


“Siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital bukod lamang noong siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.”


Matapos siyang maturukan ng Dengvaxia, nagbago ang kanyang kalusugan. Noong Nobyembre 2016, matapos ang pangalawang dose ng nasabing bakuna, nagkabukol siya sa kanang tagiliran.


Masakit diumano ito at mabilis lumaki. Noong Pebrero 2017, pinaopera ang bukol niya.


Noong Abril 2017, mayroon muling lumitaw na bukol sa kanyang kanang tagiliran. Ito ay sinundan ng paglitaw ng bukol sa kaliwang bahagi ng kanyang likod noong Agosto 2017.


Noong Oktubre 2017 naman, nagkaroon siya ng bukol sa kaliwang tagiliran. Nabawasan ang ganang kumain ni Kyla Nicole at siya ay naging bugnutin. Madalas din siyang mainitan at naiirita kapag naiinitan. Noong Disyembre 2017, siya ay nagkaroon ng ubo; pinatingnan siya sa pribadong klinika at binigyan ng gamot para sa ubo. Isinailalim siya sa x-ray rin at maayos naman ang resulta nito. Bumuti ang kalusugan niya matapos mainom ang nasabing gamot.Subalit pagdating ng 2018, nagkaroon ng problemang pangkalusugan si Kyla Nicole, ito ay lumubha at humantong sa kanyang kamatayan.


Narito ang kaugnay na mga detalye:


  • Mayo - Masakit ang kalahating parte ng kanyang ulo. Sinabayan ito ng pagkahilo at pag-ubo. Namamanhid din ang kanyang mga paa.

  • Hunyo - Pabalik-balik ang ubo niya at tuwing umuubo, may kasamang dugo ang kanyang plema.

  • Hulyo 21 - Muli siyang dinala sa doktor at ayon sa pagsusuri, maaaring may tuberculosis (TB) siya.

  • Hulyo 27 - Binigyan siya ng mga gamot kontra TB. Siya ay mas nangayayat dahil sa kawalan ng ganang kumain. Hirap na rin siyang huminga. Mula noon, madali na siyang mapagod at madalas hingalin.

  • Oktubre 15 - Dinala siya sa isang ospital sa Pampanga dahil hirap siyang huminga at hindi gumagaling ang kanyang ubo. Na-confine siya roon at pagdaan ng mga araw, lalong bumagsak ang kanyang kalusugan. Palagi siyang nakayuko dahil hindi makahinga nang maayos at masakit ang lalamunan. Init na init din ang kanyang katawan. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng CT scan at x-ray. Base sa resulta, may nakitang bukol sa kanyang kaliwang baga.

  • Nobyembre 3 - Muli siyang isinailalim sa x-ray at ayon sa doktor, may lamat na ang baga niya.

  • Nobyembre 10 - Dahil sa mas lumalang kondisyon, sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangang ilipat siya sa isang ospital sa Quezon City, ngunit hindi siya nailipat dahil walang bakanteng higaan. Hirap na hirap na siyang huminga at malala ang kanyang ubo. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng likod, lalamunan at paninikip ng dibdib. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw.

  • Nobyembre 15 at 16 - In-intubate si Kyla Nicole. Siya ay inilipat sa ICU nang ala-1:00 ng hatinggabi ng Nobyembre 16 dahil siya ay naging kritikal. Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, tuluyang pumanaw si Kyla Nicole. Pagkaraan ng ilang sandali matapos siyang mamatay, lumabas ang mga pantal sa kanyang katawan.


Ayon kina G. at Gng. Macasaquit,

“Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Naniwala kaming makabubuti sa kanya ang Dengvaxia, kaya pumayag kaming mabigyan si Kyla Nicole nito, subalit kabaligtaran ang nangyari. Naloko kami nang pinaniwala nila kaming makabubuti ang Dengvaxia vaccine sa kanya at ‘yun lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak.”


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na ipinagkatiwala ng aming mga kliyente, kasama na rito ang kaso ni Kyla Nicole, masasabi na ang maraming sambahayan at ang atin mismong sambayanan ay napagkaitan ng maipagmamalaking bahagi ng henerasyon na makatutulong sana sa pagpapaunlad at pagpapatatag sa mga bagay na nasimulan na, ngunit patuloy na pinagyayaman pa.


Dahil dito, wala nang ibang maaaring ihandog ang mga kinauukulan sa nasabing mga napagkaitan kundi katarungan. Gagawin ng aming tanggapan ang lahat ng paraan na naaayon sa batas upang mabigyan ng katarungan ang mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa maling pagbabakuna. Hindi ito kalabisan, sapagkat maging ito ay kulang — hindi na maibabalik ang mga buhay na napaslang at inutang.


תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page