top of page
Search
BULGAR

12-anyos, nagka-UTI, paulit-ulit sumakit ang ulo at nagka-nana sa utak bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 14, 2022


Malusog masigla, mahilig sumayaw at mapagmahal. Ganito ang pagkakalarawan ni G. Primo Lomtong ng Taytay, Rizal sa kanyang anak na si Shaira Mae Lomtong. Ang larawang ito ay malayo sa naging kalagayan ni Shaira Mae nang siya ay paulit-ulit na naospital bago pumanaw.


Napakasakit para kay G. Primo ng gunitang ito. Ang higit pang nagpapahapdi sa alaalang ito ay ang ipinagtapat niya na hindi pagbibigay ng halaga sa kanyang sinasabi noon sa mga awtoridad sa ospital. Aniya, “Habang naka-confine ang aking anak, ilang ulit kong sinabihan ang mga doktor at nurses na siya ay nabakunahan ng Dengvaxia, pero hindi man lang ako pinansin ng mga doktor at empleyado ng ospital.”

Si Shaira Mae, 12, ay namatay noong Marso 27, 2019. Siya ang ika-129 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang ama, si Shaira Mae ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia: una, noong Abril 12, 2016; pangalawa, noong Oktubre 21, 2016, at pangatlo noong Setyembre 14, 2017 sa kanilang paaralan. Noong Oktubre 2016, ilang araw matapos ang pangalawang pagkakaturok sa kanya ng nasabing bakuna, nag-umpisa siyang makaranas ng pabalik-balik na pananakit ng ulo. Noong Enero at Pebrero 2018, nagreklamo si Shaira Mae ng pananakit ng batok kasabay ng pananakit ng ulo. Naging pabalik-balik pa rin ang mga nararamdaman niyang ito sa mga sumunod na buwan.

Narito ang ilang mga detalye sa mga nangyari kay Shaira Mae mula Pebrero 2019 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Marso 27, 2019:

  • Pebrero - Matamlay siya. Masakit ang kanyang batok, tiyan at ulo. Madalas niya ring isinusuka ang kanyang mga kinakain at palaging inaantok. Tulog siya nang tulog pagkagaling niya sa eskuwela.

  • Huling linggo ng Pebrero - Dinala siya ni G. Primo sa isang ospital sa Taytay, Rizal. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng kanyang urinalysis, may urinary tract infection (UTI) siya. Binigyan siya ng antibiotics ng doktor para sa kanyang UTI.

  • Unang linggo ng Marso - Muling sumakit ang kanyang ulo at siya rin ay nilagnat. Siya ay matamlay at muling nagreklamo ng pananakit ng batok. May pagkakataon pa ring isinusuka niya ang kanyang kinakain at palaging inaantok.

  • Marso 11 at 12 - Sumakit ang kanyang ulo. Pagkatapos nito, nawalan na siya ng malay kaya muli siyang dinala sa ospital. Nilagyan siya ng swero at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri, niresetahan din siya ng pain reliever dahil sa sobrang pananakit ng kanyang ulo. Dahil walang bakanteng kuwarto ang nasabing ospital, ni-refer sila sa isang ospital sa Pasig City. Pumunta sila sa nasabing ospital, pero dahil pumutok ang septic tank du’n, inilipat si Shaira Mae sa isang ospital sa Quezon City noong Marso 12, 2019. Isinailalim siya sa CT scan at may nakitang nana diumano sa kanyang utak.

  • Marso 13 at 14 - Inoperahan ang kanyang ulo upang tanggalin ang nakitang nana. Marso 14, 2019 nang matapos ang kanyang operasyon, subalit sa kabila nito ay hindi nila natanggal ang lahat ng nakitang nana. Ayon sa doktor, may kaunting naiwan sa maselang bahagi ng kanyang utak. Hindi diumano nila maaaring tanggalin ang lahat ng nakitang nana dahil delikado at baka tamaan ang kanyang utak. Naging maayos naman ang kanyang kundisyon sa mga sumunod na araw.

  • Marso 23 - Magkasunod siyang hinimatay. Ito ay nangyari, dalawang minuto lamang ang lumipas nang siya ay ilabas sa ICU at matapos niyang mag-seizure. Pagdating ng gabi, muli siyang hinimatay.

  • Marso 25 - Nang iniangat ni G. Primo ang kamay ni Shaira Mae ay malambot na ito. Sinabihan ng doktor si G. Primo na comatose na si Shaira Mae. Isasailalim dapat sa CT scan si Shaira Mae, bandang alas-8:00 ng umaga nang mawala ang pagtibok ng kanyang puso. Siya ay ni-revive at naging matagumpay naman ito, subalit comatose pa rin si Shaira Mae. Pagkatapos nito, na-CT scan siya at base sa resulta, kumalat na ang nana sa kanyang ulo. Hindi na rin stable ang kanyang vital signs.

  • Marso 27 - Nag-agaw buhay si Shaira Mae bandang alas-3:00 ng madaling-araw at pagdating ng alas-3:40 ng madaling-araw, tuluyan na siyang pumanaw.


Ani Mang Primo, “Sa napakaikling panahon, nawala ang aking anak. Hindi ipinaliwanag sa akin kung ano’ng puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak. Bago siya mabakunahan ng Dengvaxia, inabutan niya lamang ako ng kapirasong papel na dapat kong pirmahan upang magbigay-pahintulot na siya ay maturukan ng Dengvaxia vaccine. Bilang magulang at sa kagustuhan kong mabigyan ng proteksyon ang aking anak laban sa dengue infection, pinirmahan ko ang nasabing papel. Bukod sa sinabing bakuna sa dengue ang ituturok sa kanya, hindi na ako sinabihan kung kailan ang pagbabakuna sa aking anak, kaya hindi ko siya nasamahan nang binakunahan siya. Maliwanag na ako at ang aking pamilya ay napagkaitan ng pagkakaton na malaman ang epekto ng nasabing bakuna sa aking anak.”

Noong Marso 25, 2019, pinakain pa ni Mang Primo si Shaira Mae. Walang nag-akala sa mag-ama na dalawang araw pagkatapos nito ay may magpapaalam na isa sa kanila. At dahil ‘yun ay “huling paalam,” wala nang ganitong pagkakataon na maibabalik sa mag-amang Lomtong. Gayunman, kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na kanilang nilapitan ay patuloy sa masigasig na paglaban ng kaso ni Shaira Mae sa legal na pamamaraan. Kami ay umaasa na ang matatamong katarungan sa dulo ng labang ito ay makakapagpagaan sa bigat na hatid ng alaala sa pamilya Lomtong ng naturang “huling paalam.”

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page