top of page
Search
BULGAR

12-anyos na nabakunahan ng Dengvaxia, nagka-acute Leukemia, nagka-bukol sa panga at paulit-ulit

sinalinan ng dugo bago namatay sa bakuna


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 5, 2021



Kahit may pandemya, patuloy ang aming tanggapan sa pagpupursige na maipaglaban sa hukuman ang mga hawak naming kaso. Kabilang sa mga ito ang Dengvaxia cases.


Narito ang ilang statistical data na may kaugnayan sa nabanggit na mga kaso: 61 civil cases na ang naisampa sa husgado (as of October 28, 2021) at 157 criminal cases naman ang nai-file (as of December 11, 2020). Ang bilang ng mga yumaong mahal sa buhay na ipinasailalim ng kanilang pamilya sa forensic examination ng PAO Forensic Team ay umaabot na sa 165 (as of June 2, 2021). May mga nagnanais pa ring mag-request ng autopsy, ngunit dala ng mga limitasyon sa panahon at regulasyon na nararapat sundin, nagpasya ang mga pamilya ng yumaong mga biktima na ilibing na lang muna ang labi ng huli. Sa mga naganap naman na pre-pandemic forensic examinations ng PAO Forensic Team, kabilang sa mga ‘yun ang naisagawa na sa yumaong si Elijah Rain De Guzman.


Si Elijah Rain, 12, ay binawian ng buhay noong Setyembre 17, 2018. Siya ang ika-87 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Elijah Rain ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Abril 29, 2016; pangalawa, noong Oktubre 21, 2016; at pangatlo, noong Setyembre 11, 2017 sa kanilang eskuwelahan. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Jonathan at Gng. Fatima De Guzman ng Taytay, Rizal, siya ay aktibo, masayahin, masigla at malusog na bata.


Dagdag pa ng mag-asawa, “Siya ay isang atleta at naglalaro ng basketball. Hindi siya kailanman nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital bukod lamang noong siya ay tatlong taong gulang dahil sa hika at nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.”


Noong Nobyembre 9, 2017, nahilo at nagkaroon siya ng lagnat. Noong Disyembre 2017, nagsimula siyang mamutla. Noong Disyembre 2017, Enero at Pebrero 2018, pabalik-balik ang kanyang lagnat, pagsusuka at pananakit ng tiyan. Narito ang ilan pa sa mga pinagdaanan niya:

  • Pebrero 26 at Marso 2, 2018 - Kinuhanan siya ng peripheral blood smear sa isang ospital at base sa naging resulta noong Marso 2, 2018, may blast cells diumano si Elijah Rain.

  • Marso 7, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at nalaman na siya ay positibo sa blast cells, at may Rheumatic Heart Disease. Ni-rule out ang Leukemia bilang sakit niya at siya ay binigyan ng gamot para sa puso.

  • Marso 17 at 23, 2018 - Base sa resulta ng bone marrow aspiration, may Acute Leukemia siya. Na-confine siya sa ospital at inuwi ng kanyang mga magulang noong Marso 23, 2018.

  • Mayo 7- 17 2018 - Naospital siya ulit at nalaman na mababa ang kanyang CBC at hemoglobin. Ni-refer siya sa ibang ospital upang patingnan sa isang hema-oncologist. Nalaman na positibo siya sa blast cells; mataas ang kanyang white blood cells at siya ay sinalinan ng dugo. Namalagi siya roon hanggang Mayo 17, 2018.

  • Mayo 22 - 31, 2018 - May bukol siya sa kaliwang panga. May cervical abscess diumano siya at ito ay inoperahan upang tanggalin ang bukol. Siya ay sinalinan ulit ng dugo. Na-admit siya roon hanggang Mayo 31, 2018 at ibinabalik siya kada linggo upang masalinan ng dugo depende sa resulta ng CBC niya.

  • Hulyo 1 - 17, 2018 - Siya ay naospital hanggang Hulyo 17, 2018 at hindi siya nakakain hanggang Hulyo 8. Sinalinan siya ng dugo habang siya ay naka-confine.


Lalo pang lumubha ang mga nararamdaman ni Elijah Rain. Narito ang ilan sa mga detalye:

  • Agosto 12, 2018 - Namaga at nagdugo ang kanyang mga gilagid. Dinala siya sa isang ospital sa Makati na mayroon diumanong Dengvaxia fast lane, subalit hindi siya nalibre sa ospital dahil ayon sa ospital, hindi konektado sa Dengvaxia ang sakit niya. Kinagabihan, inilipat siya sa isang ospital sa Ortigas. Masakit ang kanyang ulo, tiyan at lalamunan, gayundin, sinalinan siya ng dugo. Binigyan din siya ng anti-depressant dahil ayon sa doktor, nadi-depress si Elijah Rain. Lumaki ang kanyang tiyan (hanggang Agosto 24, 2018).

  • Agosto 31 - Setyembre 7, 2018 - Inilipat siya sa ibang ospital. Masakit ang kanyang tiyan, nananakit at namamaga rin ang kanyang lalamunan at mataas ang kanyang white blood cells. Na-confine siya roon mula Agosto 31 hanggang September 7, 2018. Habang siya ay naka-confine, namanas ang buo niyang katawan.

  • Setyembre 17, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat. Siya ay nagtatae ng maitim at ilang beses nagsuka. Naging paisa-isa ang kanyang paghinga hanggang sa siya ay huminga ng malalim at bumula ang bibig niya. Dinala siya sa ospital at sinubukang i-revive, subalit tuluyan na siyang pumanaw at nag-umpisang lumubo.


Ayon sa mga magulang ni Elijah Rain:


“Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak. Wala sa medical history namin ang sakit na leukemia. Isa rin siyang honor student mula Nursery hanggang Grade 7. Sumasali pa siya sa mga patimpalak na may kinalaman sa journalism at teatro. Ganu’n ka-aktibo ang aming anak at naglaho ang lahat ng ito dahil maaga siyang kinuha sa amin.”


Inilapit nina G. at Gng. De Guzman ang kaso ng kanilang anak sa aming tanggapan.


Ngayon ay bahagi na ng aming laban sa hukuman ang kaso ni Elijah Rain — isa na namang buhay na nagtapos sa trahedya at dumadaing ng hustisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page