ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 03, 2021
Ang pagdadalaga ay masayang yugto sa buhay ng kababaihan. Ito ay may mga panahong pinagsasaluhan o bonding moments ng mag-iina na kapwa nagiging mahalaga, kapaki-pakinabang at hindi malilimutang sandali para sa kanila. Sa kasamaang-palad, hindi natamasa ng mag-inang Terry at Ashly Nicole Barbacena ang masasayang sandali ng pagdadalaga ng huli. Salungat dito ang naranasan ng pamilya Barbacena.
Halos araw-araw na pagdaing sa tindi ng sakit ng katawan at ulo ang maririnig kay Ashly. Bahagi ng malulungkot at mapapait na alaala na nauwi sa trahedya ang naikuwentong ito ng mga magulang ni Ashly na sina G. Avenger at Gng. Terry Barbacena ng Binangonan, Rizal:
“Buwan ng Oktubre 2017 nang mag-umpisang datnan ng buwanang dalaw ang aming anak. Isang beses sa isang buwan siya noon kung datnan, subalit noong Disyembre 2017 ay dalawang beses na siyang dinatnan sa loob lamang ng isang buwan. Ang pag-aakala ko (Terry), normal ‘yun dahil bago pa lang siya dinatnan ng kanyang buwanang dalaw. Pagsapit ng Enero 2018 ay dalawang beses sa isang buwan pa rin ang buwanang dalaw niya. Hindi rin normal ang dami ng dugo na kanyang inilabas. Dahil sa labis na dami ng lumalabas na dugo niya ay pinagsuot namin siya ng diaper.”
Si Ashly Nicole, 12-anyos na namatay noong Agosto 16, 2018, ang ika-79 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses na naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Binangonan, Rizal, una noong Abril 15, 2016, pangalawa noong Oktubre 14, 2016, at pangatlo noong Hunyo 9, 2017. Ayon kina G. at Gng. Barbacena, si Ashly Nicole ay isang masayahin, masigla at malusog na bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa siya naospital maliban na lamang noong nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos niyang maturukan ng nasabing bakuna. Bukod sa mga naranasan ni Ashly Nicole na nabanggit, narito ang ilan sa mga detalye sa naging karamdaman niya na nauwi sa kanyang kamatayan:
Pebrero 2018 - May mga buo-buo at parang jelly na dugo na sumasama sa kanyang regla. Napapadalas ang kanyang pagkahilo at pamumutla. Nag-umpisa ring mamula at magluha ang kanyang kanang mata.
Marso 21 at 22, 2018 - Napag-alaman sa isang ospital sa Binangonan, Rizal na mababa ang kanyang platelet count at hemoglobin. Sinabihan ng doktor ang mga magulang niya na kailangan siyang i-admit sa isang ospital sa Marikina City, na nangyari naman noong Marso 22, 2018. Sa mga tests ay nakumpirma ang naunang test na isinagawa sa kanya. Sinalinan siya ng tatlong bags ng dugo. Hindi tumitigil ang labis niyang pagreregla at nilagnat din siya nang mga panahong ‘yun.
Abril 3, 2018 - Apat na beses siyang sinubukang kuhanan ng bone marrow samples, subalit walang nakuha. Ayon sa doktor, siya ay may aplastic anemia.
Abril 8 at 9, 2018 - Nahilo siya at pagkatapos ay hinimatay. Mataas din ang kanyang lagnat. Sinalinan ulit siya ng dugo noong Abril 9, 2018. Inilipat siya sa isang ospital sa Quezon City.
Abril 11, 2018 - Muli siyang kinuhanan ng sample ng bone marrow. Pagkalipas ng tatlong araw, napag-alamang may leukemia siya.
Abril 16, 2018 - Nag-umpisa siyang isailalim sa chemotherapy.
Hunyo 2018 - Muli siyang nag-chemotherapy. In-admit siya sa pinagdalhang ospital sa Quezon City at pagkatapos ng sampung araw ay na-discharge siya.
Hulyo 25, 2018 - Isinagawa ang kanyang pangatlong chemotherapy.
Agosto 5-6, 2018 - Muling lumabas ang mga rashes sa kanyang katawan. Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City noong Agosto 6, 2018 at napag-alaman na lima na lang ang kanyang platelet count. Muli siyang sinalinan ng dalawang bags ng platelet pagkatapos ng ilang araw. Mula noong Agosto 6, 2018 ay nilalagnat na siya. Matapos siyang masalinan ng nasabing platelet ay nag-chill na siya at mas tumaas ang kanyang lagnat.
Agosto 9-10, 2018 - Namaga ang gilid ng kanyang kanang mata. Mas kumalat ang pamamaga ng paligid ng kanyang mata noong Agosto 10, 2018 at umihi rin siya noon ng dugo.
Agosto 13-16, 2018 - Sinalinan siya ng 18 units ng platelet noong Agosto 13 at 14, 2018 subalit hindi umakyat ang kanyang platelet count, sa halip ay bumaba pa ito sa dalawa. Siya ay nagsusuka at nagdudumi ng dugo. Naging kritikal na ang kanyang kondisyon at pagdating ng Agosto 16, 2018, alas-7:30 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw. Anila G. at Gng. Barbacena, “Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Ashly Nicole. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak.
“Hindi nila kinuha ang pahintulot namin hinggil sa pagtuturok nila ng bakuna kontra dengue sa aming anak kaya walang pagpapaliwanag sa kung anong maaaring maging epekto nito sa kalusugan niya.”
Namatay si Ashly na baon ang paghingi ng hustisya laban sa mga nag-eksperimento sa kanyang murang katawan. Sa bawat gabi ay ramdam ng naulila niya at parang naririnig pa rin ang kanyang mga daing mula sa hukay na pinaglibingan sa kanya.
Ang kaso ni Ashly Nicole ay idinulog ng pamilya Barbacena sa aming Tanggapan, kaya ito ay kasama na sa aming ipinaglalaban sa hukuman. Ang nangyari kay Ashly Nicole ay repleksyon din ng matinding hirap na inabot ng mga katulad niyang biktima bago binawian ng buhay. Nawa sa kasong ito, ang matatamong hustisya para sa isa ay maigawad sa kanilang lahat.
Komentáře