top of page
Search
BULGAR

12-anyos, hinang-hina ang katawan, 3 linggo sa ospital bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 28, 2021



May mga magulang na may napakapait na kapalaran sa pagkakaroon ng mga anak na maaga na ngang nawalay sa kanilang piling ay nagkaroon pa ng masasakit na pangyayari na nagpahirap sa kanila at kanilang pamilya bago namatay. Ganito ang naranasan nina G. Joseph at Gng. Annalyn Llantero ng Albay sa kanilang anak na si Ar-jay Llantero. Nais man nilang ipadama kay Ar-jay ang kanilang pagmamahal at pagdamay sa pamamagitan ng mga yakap ay hindi nila noon magawa. At kahit sa huling pagkakataon sana ay maipagdiwang nila ang kaarawan nito, subalit ito ay ipinagkait din sa kanila. Anila:


“Lagi siyang humihingi ng maiinom na malamig na tubig dahil sa matinding init na nararamdaman niya sa buong katawan. Nang dahil sa init na nararamdaman niya ay ayaw niyang magpahawak o madikit man lang sa kahit kanino. Lalong masakit na isipin na dalawang araw na lamang sana ay magdidiwang na siya ng kanyang ika-13 kaarawan ngunit hindi niya na ito naabutan.”


Si Ar-jay ay 12-anyos nang namatay noong Hunyo 24, 2018. Siya ang ika-65 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Ar-jay ay nabakunahan ng tatlong beses ng Dengvaxia noong Hunyo 16, 2016; Enero 10, 2017; at Setyembre 18, 2017. Ayon kay Aling Annalyn, “Bago siya naturukan ng Dengvaxia vaccine ay hindi pa siya nagkaroon ng dengue o anumang malalang karamdaman na kinailangan ng pag-confine sa isang ospital. Sa katunayan ay isa siyang masayahin, malikot at malusog na bata.”


Ngunit bandang Nobyembre 2017, nagkaroon ng pagbabago sa kalusugan ni Ar-jay; nawalan siya ng ganang kumain, nangayayat, sumakit ang batok, leeg, balikat at likod. Umuubo rin siya at nahihirapang lumunok kaya gumagamit siya ng straw para hindi siya mahirapang uminom ng tubig. Dinala siya sa isang health center sa Pampanga upang ipasuri at sabi roon ay mayroon siyang pulmonya. Binigyan si Aling Annalyn ng reseta na agad niyang binili at ipinainom kay Ar-jay sa loob ng isang buwan. Ngunit hindi bumuti ang kanyang kondisyon; ang ubo niya lamang ang nalunasan. Dahil sa paglala ng karamdaman ni Ar-jay, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral mula Nobyembre 2017 hanggang Abril 2018. Binigyan siya ng konsiderasyon ng kanyang mga guro — ipinasa siya at binigyan ng diploma ng kanyang paaralan kahit hindi siya nakadalo sa kanilang graduation. Simula noong Nobyembre 2017 hanggang bago siya pumanaw ay nakaratay siya sa kanyang higaan.


Pagdating ng Mayo 2018 hanggang Hunyo 2018, lumala ang kondisyon ni Ar-jay at nauwi ito sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga pangyayari:

  • Mayo 2018 - Umuwi sina Aling Annalyn at Ar-jay sa Albay, lalong lumala ang karamdaman ng huli. Matindi ang kanyang panghihina at hindi na siya makagalaw. Patuloy din ang pananakit ng kanyang mga balikat, leeg, batok at likod. Hindi na siya makapagbuhat ng mga bagay-bagay. Hindi na rin siya makatayo kaya pinapagamit na siya ng diaper para sa kanyang pag-ihi at pagdumi. Pina-confine siya sa isang ospital sa Albay. Pagkatapos manatili roon ng tatlong linggo, inilabas sa ospital si Ar-jay dahil ayon sa doktor, bumuti na ang kalagayan nito. Siya ay na-diagnose na mayroong Koch’s Pneumonia,Right Pleural Effusion, Consolidation, Status Post Dengvaxia Vaccine. Makalipas ang ilang araw ay ibinalik siya sa ospital at lalong lumala ang mga sintomas na kanyang naramdaman.

  • Hunyo 24, 2018 - Napansin ni Mang Joseph na nangingitim si Ar-jay. Ginigising niya ang kanyang anak, ngunit tila wala nang malay kaya isinugod niya ito sa ospital. Pagdating doon ni Aling Annalyn, naabutan niya si Ar-jay na nakaratay sa pediatric ward. Si MangJoseph ang nagpa-pump ng ambu-bag para tulungang makahinga si Ar-jay na sa panahong ‘yun ay nangingitim na. Napakataas ng kanyang lagnat at mataas din ang kanyang blood pressure. Nang araw na ‘yun ay pumanaw si Ar-jay.


Narito ang pahayag ng mag-asawang Llantero sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at ayaw umabsent sa eskuwela, kaya napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Ar-Jay. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Ang pagdududa naming ito ay lalong tumibay nang ilagay ng doktor na si Ar-jay ay na-diagnose na mayroong Koch’s Pneumonia, Right Pleural Effusion, Consolidation, Status Post Dengvaxia Vaccine.”

Ayon pa kina G. at Gng. Llantero, ang masayahing bata na si Ar-jay ay nangarap maging pulis. Hindi lamang diumano ito pansarili, sapagkat ito ay naisip ni Ar-jay na isang paraan upang maiahon niya ang kanyang pamilya sa kahirapan. Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na hiningan ng tulong ng kanyang mga magulang ay sumasaludo kay Ar-jay sa kanyang kagitingan at kabutihan ng puso. Kasabay ng pagsaludo naming ito ang pangako na sa abot ng aming makakaya ay ipaglalaban namin ang kanyang kaso sa legal na proseso hanggang ang tagumpay ay matamo.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page