ni Lolet Abania | February 5, 2021
Tinatayang nasa 116,000 health workers ng National Capital Region (NCR) ang sumailalim na sa pre-registration para makatanggap ng COVID-19 vaccine, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Dr. Razel Nikka Hao, Deputy of COVID-19 Surveillance and Quick Action Unit, ang 116,000 health workers ay kabilang sa inisyal na listahan pa lamang habang nagpapatuloy ang registration para sa coronavirus vaccine.
“At this point, we are in the process of master listing for group A1 or all of the workers in frontline health care services. Since January this year, we have reached out health care facilities and local governments, to determine sino magpi-fit sa mga criteria, sino itong mga eligible... We are getting the numbers which will guide our operational plans,” ani Hao sa isang online briefing ngayong Biyernes.
Sa ilalim ng COVID-19 vaccination program ng gobyerno, ang mga empleyado na nasa frontline health services ang una sa priority list na mabakunahan.
Gayunman, dahil limitado ang supply ng COVID-19 vaccine, kinokonsidera nilang bawasan ang mga nasa listahan base sa kaso ng COVID-19 sa lugar, ang kapasidad ng isang local government unit (LGU) na magkaroon nito at kayang ipamahaging vaccines, maging ang exposure at peligro sa dami ng namamatay na mga indibidwal.
Batay sa records ng pamahalaan, ang NCR ay nananatiling epicenter ng COVID-19 pandemic sa bansa kung saan may 4,602 bagong coronavirus cases na naitala sa loob lamang nitong dalawang linggo.
Sinabi naman ni Manila Vice-Mayor Honey Lacuña na tinatayang 80,000 residente ng Maynila ang nakapagpa-pre-register na para sa COVID-19 vaccination program ng lungsod.
“Iyong non-Manila residents po na naka-dorm (sa Manila) kasi frontliners, we suggest na iyong gamitin nilang residential address ay iyong kanilang place of work,” ani Lacuña.
Kommentare