ni Lolet Abania | November 19, 2020
Nasa 110 pamilya ang inilikas at pansamantalang naninirahan sa eskuwelahan dahil sa pangambang muling gumuho ang lupa mula sa bundok sa isang barangay sa Baggao sa Cagayan.
Ayon kay Mayor Joan Dunuan, nagpatupad na sila ng forced evacuation sa mga residente ng Barangay Taytay dahil posible na tuluyang gumuho ang bundok, kung saan una nang nagkaroon ng landslide matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
“May crackings na po at unti-unti nang pabagsak 'yung bundok, ‘yung lupa so, kailangan silang i-relocate,” sabi ni Dunuan.
Gayunman, dinala ang mga evacuees sa eskuwelahan dahil sa walang evacuation center ang nasabing bayan.
“Hirap din po ako doon sa 110 families, 362 family members, kailangang mabigyan ng tulong din kahit papaano higit lalo po 'yung malilipatang bahay siguro o livelihood po,” sabi niya.
Plano rin ng alkalde na magkaroon ng livelihood program para sa mga apektadong residente nang sa gayon ay hindi na sila bumalik pa at manirahan sa bundok upang magtanim ng mais.
“Sira lahat ng pangkabuhayan nila, umaapela po ako sa national government ng livelihood (program) para sa nawalan ng bahay,” sabi ni Dunuan.
“May apat kaming namatay dahil sa pagbagsak ng bundok, natabunan ang kanilang bahay. Nakatira kasi sila sa foot ng bundok, ‘di nila sukat akalain, mga ala-1 (ng madaling-araw) bumagsak 'yung bundok at sila ‘yung nabagsakan, natabunan,” sabi ni Dunuan patungkol sa naunang insidente.
Labis naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Baggao sa mga naghatid ng tulong sa mga residente ng kanilang bayan matapos ang Bagyong Ulysses.
Comentarios