ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 2, 2023
Hinuli ang nasa 110 hindi awtorisadong motorista na gumamit ng bus lane ng EDSA kaninang umaga.
Huli rin ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang 109 na motoristang hindi sumunod sa mga traffic sign.
Isang motorista ang pinatawan ng parusa dahil sa pagmamaneho nang walang lisensya at sa hindi pagpapakita ng opisyal na resibo at sertipiko ng rehistrasyon ng kanyang motorsiklo na kinumpiska kalaunan.
"I'll also request ng affidavit of loss kaso nga lang po holidays tapos I need to go to work kasi nga night shift. And I just had no choice. It's understandable naman po and they are just doing their jobs," ayon sa motorista.
"Unfortunately, nakuha po kasi valid IDs, postal ID, ATM, cash and other government IDs [ko]," dagdag niya.
Ilang motorista, kabilang ang anim na mga pulis, isang opisyal ng militar, at isang kawani ng gobyerno, ang umamin na dumaan sila sa eksklusibong bus lane upang maiwasan ang matinding trapiko.
Nagpaalala si Deputy I-ACT chief Ret. Colonel Isaias Espino sa mga pribadong motorista na istriktong inireserba ang EDSA bus lane para sa mga city bus at sasakyan na ginagamit para sa mga emergency response tulad ng ambulansya, bumbero, at mga patrol car.
"Atin pong hinihimok ang lahat ng atin mga private vehicles na hindi otorisado na pumasok d'yan sa busway na sundin po natin ang patakaran ng ating lansangan," pahayag ni Espino.
Haharap ang mga first time violator sa multang P1,000 at 5 puntos na kakaltasin mula sa kanilang lisensya ng pagmamaneho.
Comments