ni Lolet Abania | June 24, 2021
Inianunsiyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngayong Huwebes na nasa 11 lugar ang nananatiling positibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide.
Ayon sa pinakabagong shellfish bulletin, lahat ng klase ng shellfish at acetes o kilala sa tawag na alamang na makukuha sa mga sumusunod na lugar ay hindi ligtas na kainin:
• Irong-Irong Bay sa Western Samar
• Cambatutay Bay sa Western Samar
• Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte
• Lianga Bay sa Surigao del Sur
• Bislig Bay sa Surigao del Sur
• Balite Bay, Mati City sa Davao Oriental
• Murcielgaos Bay sa Zamboanga del Norte
• Tambobo Bay, Siaton sa Negros Oriental
• Coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol
• Coastal waters ng Calubian sa Leyte
• Coastal waters ng Daram Island sa Western Samar
Gayunman, sinabi ng ahensiya na ang mga isda, pusit, hipon, at alimango na makukuha sa mga nasabing lugar ay ligtas namang kainin.
“Fish, squids, shrimps, and crabs are safe for human consumption provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking,” ayon sa BFAR.
Nakapaloob din sa bulletin ang mga lugar na ligtas naman mula sa toxic red tide, kabilang ang coastal waters ng Zumarraga, San Pedro, Maqueda, at Villareal Bays sa Western Samar; at Carigara at Ormoc Bay sa Leyte.
Comments